< Daniel 7 >
1 Nang unang taon ni Belsasar na hari sa Babilonia, ay nagtaglay si Daniel ng isang panaginip at mga pangitain ng kaniyang ulo sa kaniyang higaan: nang magkagayo'y kaniyang isinulat ang panaginip, at isinaysay ang kabuoan ng mga bagay.
2 Si Daniel ay nagsalita, at nagsabi, May nakita ako sa aking pangitain sa kinagabihan, at, narito, ang apat na hangin ng langit ay nagsisihihip sa malaking dagat.
3 At apat na malaking hayop na magkakaiba ay nagsiahon mula sa dagat,
4 Ang una'y gaya ng leon, at may mga pakpak ng aguila: aking minasdan hanggang sa ang mga pakpak niyao'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at puso ng tao ang nabigay sa kaniya.
5 At, narito, ang ibang hayop, na ikalawa, na gaya ng isang oso; at lumitaw sa isang tagiliran, at tatlong tadyang ang nasa kaniyang bibig sa pagitan ng kaniyang mga ngipin: at sinabi ng mga ito ang ganito sa kaniya, Bumangon ka, manakmal ka ng maraming laman.
6 Pagkatapos nito'y tumingin ako, at narito ang iba, gaya ng isang leopardo, na mayroon sa likod niyaon na apat na pakpak ng ibon; ang hayop ay mayroon din namang apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan.
7 Pagkatapos nito'y may nakita ako sa pangitain sa gabi, at, narito, ang ikaapat na hayop, kakilakilabot at makapangyarihan, at totoong malakas; at may malaking mga ngiping bakal; nananakmal at lumuluray, at niyuyurakan ng kaniyang mga paa ang nalabi: at kaiba sa lahat na hayop na una sa kaniya; at siya'y may sangpung sungay.
8 Aking pinagdilidili ang mga sungay, at, narito, sumibol sa gitna ng mga yaon ang ibang sungay, isang munti, na sa harap niyao'y tatlo sa mga unang sungay ay nabunot sa mga ugat: at, narito, sa sungay na ito ay may mga mata na parang mga mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga dakilang bagay.
9 Aking minasdan hanggang sa ang mga luklukan ay nangaglagay, at isa na matanda sa mga araw ay nakaupo: ang kaniyang suot, maputing parang niebe, at ang buhok ng kaniyang ulo ay parang taganas na lana; ang kaniyang luklukan ay mga liab na apoy, at ang mga gulong niyaon ay nagniningas na apoy.
10 Isang mabangis na sigalbo ay lumabas at nagmula sa harap niya: mga libo libo ang naglilingkod sa kaniya, at makasangpung libo na sangpung libo ang nagsitayo sa harap niya: ang kahatulan ay nalagda, at ang mga aklat ay nangabuksan.
11 Ako'y tumingin nang oras na yaon dahil sa tinig ng mga dakilang salita na sinalita ng sungay; ako'y tumingin hanggang sa ang hayop ay napatay, at ang kaniyang katawan ay nagiba, at siya'y nabigay upang sunugin sa apoy.
12 At tungkol sa nalabi sa mga hayop, ang kanilang kapangyarihan ay naalis: gayon ma'y ang kanilang mga buhay ay humaba sa isang kapanahunan at isang panahon.
13 Ako'y nakakita sa pangitain sa gabi, at, narito, lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng anak ng tao, at siya'y naparoon sa matanda sa mga araw, at inilapit nila siya sa harap niya.
14 At binigyan siya ng kapangyarihan, at kaluwalhatian, at isang kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay mangaglingkod sa kaniya: ang kaniyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.
15 Tungkol sa aking si Daniel, ang aking kalooban ay namanglaw sa loob ng aking katawan, at binagabag ako ng mga pangitain ng aking ulo.
16 Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo, at itinanong ko sa kaniya ang katotohanan tungkol sa lahat na ito. Sa gayo'y kaniyang isinaysay sa akin, at ipinaaninaw niya sa akin ang kahulugan ng mga bagay.
17 Ang mga dakilang hayop na ito na apat, ay apat na hari, na magbabangon sa lupa.
18 Nguni't ang mga banal ng Kataastaasan ay magsisitanggap ng kaharian, at aariin ang kaharian magpakailan man, sa makatuwid baga'y magpakakailan-kailan man.
19 Nang magkagayo'y ninasa kong maalaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na hayop, na kaiba sa lahat ng yaon, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal, at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumalamuray, at niyuyurakan ng kaniyang mga paa ang nalabi;
20 At tungkol sa sangpung sungay na nangasa kaniyang ulo, at sa isa na sumibol, at sa harap niyao'y nabuwal ang tatlo, sa makatuwid baga'y yaong sungay na may mga mata, at bibig na nagsalita ng dakilang mga bagay, na ang anyo ay lalong dakila kay sa kaniyang mga kasama.
21 Ako'y tumingin, at ang sungay ding yaon ay nakipagdigma sa mga banal, at nanaig laban sa kanila;
22 Hanggang sa ang matanda sa mga araw ay dumating, at ang kahatulan ay ibinigay sa mga banal, ng Kataastaasan; at ang panaho'y dumating na inari ng mga banal ang kaharian.
23 Ganito ang sabi niya, Ang ikaapat na hayop ay magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa, na magiging kaiba sa lahat ng kaharian, at sasakmalin ang buong lupa, at yuyurakan, at pagluluraylurayin.
24 At tungkol sa sangpung sungay, mula sa kahariang ito ay sangpung hari ang babangon: at ang isa'y babangong kasunod nila; at siya'y magiging kaiba kay sa mga una, at kaniyang ibabagsak ay tatlong hari.
25 At siya'y magbabadya ng mga salita laban sa Kataastaasan, at lilipulin niya ang mga banal ng Kataastaasan; at kaniyang iisiping baguhin ang panahon at ang kautusan; at sila'y mangabibigay sa kaniyang kamay hanggang sa isang panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon.
26 Nguni't ang kahatulan ay matatatag, at kanilang aalisin ang kaniyang kapangyarihan, upang patayin at ibuwal hanggang sa wakas.
27 At ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit, mabibigay sa bayan ng mga banal ng Kataastaasan: ang kaniyang kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang lahat na kapangyarihan ay maglilingkod at tatalima sa kaniya.
28 Narito ang wakas ng bagay. Tungkol sa aking si Daniel, ay binabagabag akong mabuti ng aking mga pagiisip, at ang aking pagmumukha ay nabago: nguni't iningatan ko ang bagay sa aking puso.