< Daniel 2 >
1 At nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor ay nanaginip si Nabucodonosor ng mga panaginip; at ang kaniyang espiritu ay nabagabag, at siya'y napukaw sa pagkakatulog.
2 Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari ang mga mahiko, at ang mga enkantador, at ang mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang saysayin sa hari ang kaniyang mga panaginip. Sa gayo'y nagsipasok sila at sila'y nagsiharap sa hari.
3 At sinabi ng hari sa kanila, Ako'y nanaginip ng isang panaginip, at ang aking Espiritu ay nabagabag upang maalaman ang panaginip.
4 Nang magkagayo'y nagsalita ang mga Caldeo sa hari sa wikang Siria, Oh hari, mabuhay ka magpakailan man: saysayin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan.
5 Ang hari ay sumagot, at nagsabi sa mga Caldeo, Ang bagay ay nawala sa akin: kung di ninyo ipaliliwanag sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo'y pagpuputolputulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing dumihan.
6 Nguni't kung inyong ipaliwanag ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo'y magsisitanggap sa akin ng mga kaloob at mga kagantihan at dakilang karangalan: kaya't ipaliwanag ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon.
7 Sila'y nagsisagot na ikalawa, at nangagsabi, Saysayin ng hari sa kaniyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipaliliwanag ang kahulugan.
8 Ang hari ay sumagot, at nagsabi. Tunay na talastas ko na ibig ninyong magdahilan, sapagka't inyong nalalaman na nawala sa akin ang bagay.
9 Nguni't kung di ninyo ipaliwanag sa akin ang panaginip, iisang kautusan lamang mayroon sa inyo; sapagka't kayo'y nangaghanda ng pagbubulaan at mga hamak na salita sa harap ko, hanggang sa ang panahon ay magbago: kaya't saysayin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko na inyong maipaliliwanag sa akin ang kahulugan niyaon.
10 Ang mga Caldeo ay nagsisagot sa harap ng hari, at nangagsabi, Walang tao sa ibabaw ng lupa na makapagpapaaninaw ng bagay ng hari, palibhasa'y walang hari, panginoon, o pinuno man, na nagtanong ng ganyang bagay sa kanino mang mahiko, enkantador, o Caldeo.
11 At isang mahirap na bagay ang inuusisa ng hari, at walang ibang makapagpapaaninaw sa harap ng hari, liban ang mga dios, na ang tahanan ay hindi kasama ng tao.
12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at totoong nagalab sa galit, at nagutos na lipulin ang lahat na pantas na tao sa Babilonia.
13 Sa gayo'y itinanyag ang pasiya, at ang mga pantas na tao ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kaniyang mga kasama upang patayin.
14 Nang magkagayo'y nagbalik ng sagot si Daniel na may payo at kabaitan kay Arioch na punong kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas na tao sa Babilonia;
15 Siya'y sumagot, at nagsabi kay Arioch na punong kawal ng hari, Bakit ang pasiya ay totoong madalian mula sa hari? Nang magkagayo'y ipinatalastas ni Arioch ang bagay kay Daniel.
16 At si Daniel ay pumasok, at humiling sa hari na takdaan siya ng panahon, at kaniyang ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.
17 Nang magkagayo'y naparoon si Daniel sa kaniyang bahay, at ipinaalam ang bagay kay Ananias, kay Misael, at kay Azarias, na kaniyang mga kasama:
18 Upang sila'y magsipagnais ng kaawaan sa Dios ng langit tungkol sa lihim na ito; upang si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay hindi mangamatay na kasama ng ibang mga pantas na tao sa Babilonia.
19 Nang magkagayo'y nahayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Dios sa langit.
20 Si Daniel ay sumagot, at nagsabi, Purihin ang pangalan ng Dios magpakailan man: sapagka't ang karunungan at kapangyarihan ay kaniya.
21 At kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan; siya'y nagaalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari; siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong at ng kaalaman sa makakaalam ng unawa;
22 Siya'y naghahayag ng malalim at lihim na mga bagay; kaniyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman, at ang liwanag ay tumatahang kasama niya.
23 Pinasasalamatan kita, at pinupuri kita, Oh ikaw na Dios ng aking mga magulang, na siyang nagbigay sa akin ng karunungan at lakas, at nagpatalastas ngayon sa akin ng ninais namin sa iyo; sapagka't iyong ipinaalam sa amin ang bagay ng hari.
24 Kaya't pinasok ni Daniel si Arioch na siyang inihalal ng hari na lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; siya'y naparoon, at nagsabi sa kaniya ng ganito, Huwag mong lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia; dalhin mo ako sa harap ng hari, at aking ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.
25 Nang magkagayo'y dinalang madali ni Arioch si Daniel sa harap ng hari, at nagsabing ganito sa kaniya, Ako'y nakasumpong ng isang lalake sa mga anak ng nangabihag sa Juda, na magpapaaninaw sa hari ng kahulugan.
26 Ang hari ay sumagot, at nagsabi kay Daniel, na ang pangalan ay Beltsasar, Maipaaaninaw mo baga sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon?
27 Si Daniel ay sumagot sa harap ng hari, at nagsabi, Ang lihim na itinatanong ng hari ay hindi maipaaaninaw sa hari kahit ng mga pantas na tao, ng mga enkantador, ng mga mahiko man, o ng mga manghuhula man.
28 Nguni't may isang Dios sa langit na naghahayag ng mga lihim, at siyang nagpapaaninaw sa haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip, at ang pangitain ng iyong ulo sa iyong higaan ay ang mga ito:
29 Tungkol sa iyo, Oh hari, ang iyong mga pagiisip ay dumating sa iyo sa iyong higaan, kung ano ang mangyayari sa panahong darating; at siya na naghahayag ng mga lihim ay ipinaaninaw sa iyo kung ano ang mangyayari.
30 Nguni't tungkol sa akin ang lihim na ito ay hindi nahayag sa akin ng dahil sa anomang karunungan na tinamo kong higit kay sa sinomang may buhay, kundi upang maipaaninaw sa hari ang kahulugan at upang iyong maalaman ang mga pagiisip ng iyong puso.
31 Ikaw, Oh hari, nakakita, at narito, ang isang malaking larawan. Ang larawang ito na makapangyarihan, at ang kaniyang kakinangan ay mainam, ay tumayo sa harap mo; at ang anyo niyao'y kakilakilabot.
32 Tungkol sa larawang ito, ang kaniyang ulo ay dalisay na ginto, ang kaniyang dibdib at ang kaniyang mga bisig ay pilak, ang kaniyang tiyan at ang kaniyang mga hita ay tanso,
33 Ang kaniyang mga binti ay bakal, ang kaniyang mga paa'y isang bahagi ay bakal, at isang bahagi ay putik na luto.
34 Iyong tinitingnan hanggang sa may natibag na isang bato, hindi ng mga kamay, na tumama sa larawan sa kaniyang mga paang bakal at putik na luto, at mga yao'y binasag.
35 Nang magkagayo'y ang bakal, ang putik na luto, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkaputolputol na magkakasama, at naging parang dayami sa mga giikan sa tagaraw; at tinangay ng hangin na walang dakong kasumpungan sa mga yaon: at ang bato na tumama sa larawan ay naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa.
36 Ito ang panaginip; at aming sasaysayin ang kahulugan niyaon sa harap ng hari.
37 Ikaw, Oh hari, ay hari ng mga hari, na pinagbigyan ng Dios sa langit ng kaharian, ng kapangyarihan, at ng kalakasan, at ng kaluwalhatian;
38 At alin mang tinatahanan ng mga anak ng mga tao, ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid ay ibinigay sa iyong kamay, at pinapagpuno ka sa kanilang lahat: ikaw ang ulo na ginto.
39 At pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mababa sa iyo; at ang ibang ikatlong kaharian na tanso na magpupuno sa buong lupa.
40 At ang ikaapat na kaharian ay magiging matibay na parang bakal, palibhasa'y ang bakal ay nakadudurog at nakapagpapasuko ng lahat na bagay; at kung paanong dinidikdik ng bakal ang lahat ng ito, siya'y magkakaputolputol at madidikdik.
41 At yamang iyong nakita na ang mga paa at mga daliri, ang isang bahagi ay putik na luto ng magpapalyok, at ang isang bahagi ay bakal, ay magiging kahariang hati; nguni't magkakaroon yaon ng kalakasan ng bakal, yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahalo sa putik na luto.
42 At kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay putik, magkakagayon ang kaharian na ang isang bahagi ay matibay, at isang bahagi ay marupok.
43 At yamang iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng putik na luto, sila'y magkakahalo ng lahi ng mga tao; nguni't hindi sila magkakalakipan, gaya ng bakal na hindi lumalakip sa putik.
44 At sa mga kaarawan ng mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man, o ang kapangyarihan man niyao'y iiwan sa ibang bayan; kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao'y lalagi magpakailan man.
45 Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay at ang pagkapaaninaw niyao'y tapat.
46 Nang magkagayo'y ang haring Nabucodonosor ay nagpatirapa, at sumamba kay Daniel, at nagutos na sila'y maghandog ng alay at ng may masarap na amoy sa kaniya.
47 Ang hari ay sumagot kay Daniel, at nagsabi, Sa katotohanan ang inyong Dios ay Dios ng mga dios, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga lihim, yamang ikaw ay nakapaghayag ng lihim na ito.
48 Nang magkagayo'y pinadakila ng hari si Daniel, at binigyan siya ng maraming dakilang kaloob, at pinapagpuno siya sa buong lalawigan ng Babilonia, at pinapaging pangulo ng mga tagapamahala sa lahat na pantas sa Babilonia.
49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kaniyang inihalal, si Sadrach, si Mesach, at si Abed-nego, sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; nguni't si Daniel ay nasa pintuang-daan ng hari.