< Amos 9 >
1 Aking nakita ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana: at kaniyang sinabi, Hampasin mo ang mga kapitel, upang ang mga tungtungan ay mauga; at mangagkaputolputol sa ulo nilang lahat; at aking papatayin ng tabak ang huli sa kanila: walang makatatakas sinoman sa kanila, at walang makatatanang sinoman sa kanila.
2 Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol, mula roo'y kukunin sila ng aking kamay; at bagaman sila'y sumampa hanggang sa langit, mula roo'y ibababa ko sila. (Sheol )
3 At bagaman sila'y magsipagtago sa taluktok ng Carmelo, aking hahanapin at kukunin sila mula roon; at bagaman sila'y magsikubli sa aking paningin sa gitna ng dagat, mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutukain niyaon sila.
4 At bagaman sila'y magsipasok sa pagkabihag sa harap ng kanilang mga kaaway, mula roon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin niyaon sila: at aking itititig ang aking mga mata sa kanila sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.
5 Sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay siyang humihipo ng lupain at natutunaw, at lahat na nagsisitahan doon ay magsisitangis; at babangong samasama na gaya ng Ilog, at lulubog uli, na gaya ng Ilog ng Egipto;
6 Siya na gumawa ng kaniyang mga silid sa langit, at kumatha ng kaniyang balantok sa lupa; siya na tumatawag ng tubig sa dagat at ibinubugso sa ibabaw ng lupa; Panginoon ang kaniyang pangalan.
7 Di baga kayo'y parang mga anak ng mga taga Etiopia sa akin, Oh mga anak ni Israel? sabi ng Panginoon. Hindi ko baga pinasampa ang Israel mula sa lupain ng Egipto, at ang mga Filisteo, ay mula sa Caphtor, at ang mga taga Siria ay sa Chir?
8 Narito, ang mga mata ng Panginoong Dios ay nasa makasalanang kaharian, at aking ipapahamak mula sa ibabaw ng lupa; liban na hindi ko lubos na ipapahamak ang sangbahayan ni Jacob, sabi ng Panginoon.
9 Sapagka't, narito, ako'y maguutos, at aking sasalain ang sangbahayan ni Israel sa gitna ng lahat na bansa, gaya ng trigo na nabithay sa isang bithay, gayon ma'y hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.
10 Lahat na makasalanan sa aking bayan ay mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, na nangagsasabi, Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o mauuna man sa atin.
11 Sa araw na yaon ay ibabangon ko ang tabernakulo ni David na buwal, at tatakpan ko ang mga sira niyaon; at ibabangon ko ang mga guho niyaon, at aking itatayo na gaya ng mga araw ng una;
12 Upang kanilang ariin ang nalabi sa Edom, at ang lahat na bansa na mga tinatawag sa aking pangalan, sabi ng Panginoon na gumagawa nito,
13 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aabutan ng mangaararo ang mangaani, at ng mamimisa ng ubas ang magtatanim ng binhi; at ang mga bundok ay papatak ng matamis na alak, at lahat na burol ay mangatutunaw.
14 At akin uling ibabalik ang nangabihag sa aking bayang Israel, at kanilang itatayo ang mga wasak na bayan, at tatahanan nila; at sila'y mangaguubasan, at magsisiinom ng alak niyaon; magsisigawa rin sila ng mga halamanan, at magsisikain ng bunga ng mga yaon.
15 At aking itatatag sila sa kanilang lupain; at hindi na sila mabubunot pa sa kanilang lupain, na aking ibinigay sa kanila, sabi ng Panginoon mong Dios.