< Mga Gawa 27 >
1 At nang ipasiya na kami ay lalayag na patungo sa Italia, ay ibinigay nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo sa isang senturion na nagngangalang Julio, sa pulutong ni Augusto.
2 At sa paglulan namin sa isang daong Adrameto, na palayag sa mga dakong nasa baybayin ng Asia, ay nagsitulak kami, na kasama namin si Aristarco na isang taga Macedonia mula sa Tesalonica.
3 At nang sumunod na araw ay nagsidaong kami sa Sidon: at pinagpakitaan ni Julio ng magandang-loob si Pablo, at pinahintulutan siyang pumaroon sa kaniyang mga kaibigan, at siya'y magpakaginhawa.
4 At nang kami'y magsitulak buhat doon, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Chipre, sapagka't pasalunga ang hangin.
5 At nang matawid na namin ang dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, ay nagsirating kami sa Mira, na isang bayan ng Licia.
6 At nasumpungan doon ng senturion ang isang daong Alejandria na lumalayag na patungo sa Italia; at inilulan niya kami roon.
7 At nang makapaglayag na kaming marahan nang maraming mga araw, at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Gnido, na hindi kami tinulutan ng hanging makasulong pa, ay nagsilayag kami na nagsipanganlong sa Creta, sa tapat ng Salmon;
8 At sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nagsidating kami sa isang dako na tinatawag na Mabubuting Daongan; na malapit doon ang bayan ng Lasea.
9 At nang magugol na ang mahabang panahon, at mapanganib na ang paglalayag, sapagka't nakalampas na ang Pagaayuno, ay pinamanhikan sila ni Pablo,
10 At sa kanila'y sinabi, Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makapipinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa lulan at sa daong, kundi naman sa ating mga buhay.
11 Datapuwa't may higit pang paniwala ang senturion sa piloto at sa may-ari ng daong, kay sa mga bagay na sinalita ni Pablo.
12 At sapagka't hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daongan, ay ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon, at baka sakaling sa anomang paraan ay makarating sila sa Fenix, at doon huminto sa tagginaw; na yao'y daungan ng Creta, na nasa dakong hilagang-silanganan at timugang-silanganan.
13 At nang marahang humihihip ang hanging timugan na inaakalang maisasagawa nila ang kanilang nasa, itinaas nila ang sinepete at namaybay sa baybayin ng Creta.
14 Datapuwa't hindi nalaon at humampas na galing doon ang maunos na hangin, na tinatawag na Euraclidon:
15 At nang ipadpad ang daong, at hindi makasalungat sa hangin, ay nangagpabaya na kami, at kami'y ipinadpad.
16 At sa pagtakbo ng daong na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Clauda, ay may kahirapan naming maitaas ang bangka:
17 At nang maitaas na ito, ay nagsigamit sila ng mga lubid, na tinalian ang ibaba ng daong; at, sa takot na baka mapapadpad sa Sirte, ay ibinaba nila ang mga layag, at sa gayo'y napaanod sila.
18 At sapagka't lubhang nakikipaglaban kami sa bagyo, nang sumunod na araw ay nangagsimula silang magtapon ng lulan sa dagat;
19 At nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ng kanilang sariling mga kamay ang mga kasangkapan ng daong.
20 At nang hindi sumisikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming mga araw, at sumasa ibabaw namin ang isang hindi munting bagyo, ay nawala ang buong pagasa na kami'y makaliligtas.
21 At nang maluwat nang hindi sila nagsisikain, ay tumayo nga si Pablo sa gitna nila, at sinabi, Mga ginoo, nangakinig sana kayo sa akin, at hindi umalis sa Creta, at nailagan ang kapinsalaang ito at kapahamakan.
22 At ngayon ay ipinamamanhik ko sa inyo na inyong laksan ang inyong loob; sapagka't walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang daong lamang.
23 Sapagka't nang gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang anghel ng Dios na may-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran,
24 Na nagsabi, Huwag kang matakot, Pablo; kailangang ikaw ay humarap kay Cesar: at narito, ipinagkaloob sa iyo ng Dios ang lahat ng kasama mo sa paglalayag.
25 Kaya nga, mga ginoo, laksan ninyo ang inyong loob: sapagka't ako'y sumasampalataya sa Dios, na mangyayari ayon sa sinalita sa akin.
26 Datapuwa't tayo'y kailangang mapapadpad sa isang pulo.
27 Datapuwa't nang dumating ang ikalabingapat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa magkabikabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating gabi na ay sinasapantaha ng mga mangdaragat na sila'y nangalalapit na sa isang lupain.
28 At kanilang tinarok, at nasumpungang may dalawangpung dipa; at pagkasulongsulong ng kaunti, ay tinarok nilang muli at nasumpungang may labinglimang dipa.
29 At sa takot naming mapapadpad sa batuhan, ay nangaghulog sila ng apat na sinepete sa hulihan, at iniibig magumaga na.
30 At sa pagpipilit ng mga mangdaragat na mangagtanan sa daong, at nang maibaba na ang bangka sa dagat, na ang dinadahilan ay mangaghuhulog sila ng mga sinepete sa unahan,
31 Ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, Maliban na magsipanatili ang mga ito sa daong, kayo'y hindi mangakaliligtas.
32 Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
33 At samantalang naguumaga, ay ipinamanhik ni Pablo sa lahat na magsikain, na sinasabi, Ang araw na ito ang ikalabingapat na araw na kayo'y nangaghihintay at nangagpapatuloy sa hindi pagkain, na walang kinakaing anoman.
34 Kaya nga ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsikain: sapagka't ito'y sa ikaliligtas ninyo: sapagka't hindi mawawala kahit isang buhok sa ulo ng sinoman sa inyo.
35 At nang masabi na niya ito, at makadampot ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Dios sa harapan ng lahat; at kaniyang pinagputolputol, at pinasimulang kumain.
36 Nang magkagayo'y nagsilakas ang loob ng lahat, at sila nama'y pawang nagsikain din.
37 At kaming lahat na nangasa daong ay dalawang daan at pitongpu't anim na kaluluwa.
38 At nang mangabusog na sila, ay pinagaan nila ang daong, na ipinagtatapon sa dagat ang trigo.
39 At nang magumaga na, ay hindi nila makilala ang lupain; datapuwa't nababanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin, at sila'y nangagsangusapan kung kanilang maisasadsad ang daong doon.
40 At inihulog ang mga sinepete, at kanilang pinabayaan sa dagat, samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit; at nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan, ay nagsipatungo sila sa baybayin.
41 Datapuwa't pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang daong; at ang unahan ng daong ay napabunggo at tumigil na hindi kumikilos, datapuwa't nagpasimulang magkawasakwasak ang hulihan sa kalakasan ng mga alon.
42 At ang payo ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo, upang ang sinoma'y huwag makalangoy at makatanan.
43 Datapuwa't ang senturion, sa pagkaibig na iligtas si Pablo, ay pinigil sila sa kanilang balak; at ipinagutos na ang mga makalangoy ay magsitalon, at mangaunang magsidating sa lupa;
44 At sa mga naiwan, ang iba'y sa mga kahoy, at ang iba nama'y sa mga bagay na galing sa daong. At sa ganito nangyari, na ang lahat ay nangakatakas na ligtas hanggang sa lupa.