< 2 Timoteo 1 >
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ayon sa pangako ng buhay na nasa kay Cristo Jesus,
2 Kay Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kaawaan, kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
3 Nagpapasalamat ako sa Dios, na mula sa aking kanunununuan ay aking pinaglilingkuran sa budhing malinis, na walang patid na inaalaala kita sa aking mga daing, gabi't araw;
4 Na kinasasabikan kong makita kita, na inaalaala ang iyong mga pagluha, upang ako'y mapuspos ng kagalakan;
5 Na inaalaala ko ang pananampalatayang hindi pakunwari na nasa iyo; na namalagi muna kay Loida na iyong lelang, at kay Eunice na iyong ina; at, ako'y naniniwalang lubos, na nasa iyo rin naman.
6 Dahil dito ay ipinaaalaala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Dios, na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay.
7 Sapagka't hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan.
8 Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni ako na bilanggo niya: kundi magtiis ka ng mga kahirapan dahil sa evangelio ayon sa kapangyarihan ng Dios;
9 Na siyang sa atin ay nagligtas, at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kaniyang sariling akala at biyaya, na ibinigay sa atin kay Cristo Jesus buhat pa ng mga panahong walang hanggan. (aiōnios )
10 Nguni't ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nagalis ng kamatayan, at nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng evangelio,
11 Na sa bagay na ito ay ako'y itinalaga na tagapangaral, at apostol at guro.
12 Dahil dito'y nagtiis din ako ng mga bagay na ito: gayon ma'y hindi ako nahihiya; sapagka't nakikilala ko yaong aking sinampalatayanan, at lubos akong naniniwalang siya'y makapagiingat ng aking ipinagkatiwala sa kaniya hanggang sa araw na yaon.
13 Ingatan mo ang mga ulirang mga salitang magagaling na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pagibig na nasa kay Cristo Jesus.
14 Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.
15 Ito'y nalalaman mo, na nagsihiwalay sa akin ang lahat ng nangasa Asia; na sa mga yaon ay si Figello at si Hermogenes.
16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sangbahayan ni Onesiforo: sapagka't madalas niya akong pinaginhawa, at hindi ikinahiya ang aking tanikala;
17 Kundi, nang siya'y nasa Roma, ay hinanap niya ako ng buong sikap, at ako'y nasumpungan niya.
18 (Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na yaon); at totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.