< 2 Samuel 3 >
1 Nagkaroon nga ng matagal na pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David: at si David ay lumakas ng lumakas, nguni't ang sangbahayan ni Saul ay humina ng humina.
2 At nagkaanak si David sa Hebron: at ang kaniyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga Jezreel;
3 At ang kaniyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na asawa ni Nabal na taga Carmelo; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maacha na anak ni Talmai na hari sa Gessur;
4 At ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Haggith; at ang ikalima ay si Saphatias na anak ni Abital;
5 At ang ikaanim ay si Jetream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron.
6 At nangyari, samantalang may pagbabaka ang sangbahayan ni Saul at ang sangbahayan ni David, na si Abner ay nagpakalakas sa sangbahayan ni Saul.
7 Si Saul nga ay may babae na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aja: at sinabi ni Is-boseth kay Abner, Bakit ka sumiping sa babae ng aking ama?
8 Nang magkagayo'y nagalit na mainam si Abner dahil sa mga salita ni Is-boseth, at sinabi, Ako ba'y isang ulo ng aso na nauukol sa Juda? Sa araw na ito ay nagpapakita ako ng kagandahang loob sa sangbahayan ni Saul na iyong ama, sa kaniyang mga kapatid, at sa kaniyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David, at gayon ma'y iyong ibinibintang sa araw na ito sa akin ang isang kasalanan tungkol sa babaing ito.
9 Hatulan ng Dios si Abner, at lalo na, malibang gawin kong gayon sa kaniya, na gaya ng isinumpa ng Panginoon kay David;
10 Na ilipat ang kaharian mula sa sangbahayan ni Saul, at itatag ang luklukan ni David sa Israel, at sa Juda mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.
11 At hindi siya nakasagot kay Abner ng isang salita, sapagka't siya'y natakot sa kaniya.
12 At si Abner ay nagsugo ng mga sugo kay David, sa ganang kaniya, na sinasabi naman, Makipagtipan ka sa akin, at, narito, ang aking kamay ay sasa iyo, upang dalhin sa iyo ang buong Israel.
13 At kaniyang sinabi, Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo; nguni't isang bagay ang hinihiling ko sa iyo, na ito nga: huwag mong titingnan ang aking mukha, maliban na iyo munang dalhin si Michal na anak na babae ni Saul, pagparito mo upang tingnan ang aking mukha.
14 At nagsugo ng mga sugo si David kay Is-boseth na anak ni Saul, na sinasabi, Isauli mo sa akin ang aking asawa na si Michal, na siyang aking pinakasalan sa halaga na isang daang balat ng masama ng mga Filisteo.
15 At nagsugo si Is-boseth, at kinuha siya sa kaniyang asawa, kay Paltiel na anak ni Lais.
16 At ang kaniyang asawa'y yumaong kasama niya na umiyak habang siya'y yumayaon, at sumusunod sa kaniya hanggang sa Bahurim. Nang magkagayo'y sinabi ni Abner sa kaniya, Ikaw ay yumaon, bumalik ka: at siya'y bumalik.
17 At nakipag-usap si Abner sa mga matanda sa Israel, na sinasabi, Sa panahong nakaraan ay inyong hinanap si David upang maging hari sa inyo:
18 Ngayon nga ay inyong gawin: sapagka't sinalita ng Panginoon tungkol kay David, na sinasabi, Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at sa kamay ng lahat nilang mga kaaway.
19 At nagsalita naman si Abner sa pakinig ng Benjamin: at si Abner naman ay naparoong nagsalita sa pakinig ni David sa Hebron ng lahat na inaakalang mabuti ng Israel, at ng buong sangbahayan ni Benjamin.
20 Sa gayo'y naparoon si Abner kay David sa Hebron, at dalawang pung lalake ang kasama niya. At ginawan ni David ng isang kasayahan si Abner at ang mga lalake na kasama niya.
21 At sinabi ni Abner kay David, Ako'y babangon at yayaon, at aking pipisanin ang buong Israel sa aking panginoon na hari, upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang iyong pagharian ng buong ninanasa ng iyong kaluluwa. At pinayaon ni David si Abner; at siya'y yumaong payapa.
22 At, narito, ang mga lingkod ni David at si Joab ay nagsidating na mula sa isang paghabol, at may dalang malaking samsam: nguni't si Abner ay wala kay David sa Hebron, sapagka't pinayaon niya siya, at siya'y yumaong payapa.
23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay magsidating, kanilang isinaysay kay Joab, na sinasabi, Si Abner na anak ni Ner ay naparoon sa hari, at siya'y pinayaon at siya'y yumaong payapa.
24 Nang magkagayo'y naparoon si Joab sa hari, at nagsabi, Ano ang iyong ginawa? narito, si Abner ay naparito sa iyo; bakit mo pinayaon siya, at siya'y lubos na yumaon?
25 Nalalaman mo si Abner na anak ni Ner ay naparito upang dayain ka at upang maalaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang maalaman ang lahat na iyong ginagawa.
26 At nang lumabas si Joab na mula kay David, siya'y nagsugo ng mga sugo na sumunod kay Abner, at kanilang ibinalik siya na mula sa balon ng Sira: nguni't hindi nalalaman ni David.
27 At nang bumalik si Abner sa Hebron, ay dinala siya ni Joab na bukod sa gitna ng pintuang-bayan upang makipagsalitaan sa kaniya ng lihim, at sinaktan niya siya roon sa tiyan, na anopa't siya'y namatay, dahil sa dugo ni Asael na kaniyang kapatid.
28 At pagkatapos nang mabalitaan ni David, ay kaniyang sinabi, Ako at ang aking kaharian ay walang sala sa harap ng Panginoon magpakailan man sa dugo ni Abner na anak ni Ner:
29 Bumagsak sa ulo ni Joab, at sa buong sangbahayan ng kaniyang ama; at huwag na di magkaroon sa sangbahayan ni Joab ng isang inaagasan, o ng isang may ketong, o ng umaagapay sa isang tungkod, o nabubuwal sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay.
30 Sa gayo'y pinatay si Abner ni Joab at ni Abisal na kaniyang kapatid, sapagka't pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asael sa Gabaon, sa pagbabaka.
31 At sinabi ni David kay Joab at sa buong bayan na kasama niya: Hapakin ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng magaspang na damit, at magluksa kayo sa harap ni Abner. At ang haring si David ay sumunod sa kabaong.
32 At kanilang inilibing si Abner sa Hebron: at inilakas ng hari ang kaniyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.
33 At tinangisan ng hari si Abner, at sinabi, Marapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang mangmang?
34 Ang iyong mga kamay ay hindi nangatatalian, o ang iyong mga paa man ay nangagagapos: Kung paanong nabubuwal ang isang lalake sa harap ng mga anak ng kasamaan ay gayon ka nabuwal. At iniyakan siyang muli ng buong bayan.
35 At ang buong bayan ay naparoon upang pakanin ng tinapay si David samantalang araw pa; nguni't sumumpa si David, na sinasabi, Hatulan ng Dios ako, at lalo na, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anomang bagay hanggang sa ang araw ay lumubog.
36 At nahalata ng buong bayan, at minagaling nila: palibhasa'y anomang ginagawa ng hari ay nakalulugod sa buong bayan.
37 Sa gayo'y naunawa ng buong bayan at ng buong Israel sa araw na yaon, na hindi sa hari ang pagpatay kay Abner na anak ni Ner.
38 At sinabi ng hari sa kaniyang mga bataan, Hindi ba ninyo nalalaman na may isang prinsipe at mahal na tao, na nabuwal sa araw na ito sa Israel?
39 At ako'y mahina sa araw na ito, bagaman pinahirang hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Sarvia ay totoong mahirap kasamahin: gantihan nawa ng Panginoon ang manggagawang masama ayon sa kaniyang kasamaan.