< 2 Samuel 23 >

1 Ito nga ang mga huling salita ni David. Sinabi ni David na anak ni Isai, At sinabi ng lalake na pinapangibabaw, Na pinahiran ng langis ng Dios ni Jacob, At kalugodlugod na mangaawit sa Israel:
Ngayon, ito ang mga huling sinabi ni David—David na lalaking anak ni Jesse, ang taong mataas na kinikilala, ang siyang pinahiran ng langis ng Diyos ni Jacob, ang matamis na manunulat ng awit ng Israel.
2 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ko, At ang kaniyang salita ay suma aking dila.
“Nangusap sa pamamagitan ko ang Espiritu ni Yahweh at nasa aking dila ang kaniyang salita.
3 Sinabi ng Dios ng Israel, Ang malaking bato ng Israel ay nagsalita sa akin: Ang naghahari sa mga tao na may katuwiran, Na mamamahala sa katakutan sa Dios,
Sinabi ng Diyos ng Israel, sinabi ng Bato ng Israel sa akin, 'Ang isang namumuno nang makatarungan sa mga tao, namumuno ng may takot sa Diyos.
4 Siya'y magiging gaya ng liwanag sa kinaumagahan pagka ang araw ay sumisikat, Sa isang umagang walang mga alapaap; Pagka ang malambot na damo ay sumisibol sa lupa, Sa maliwanag na sikat pagkatapos ng ulan.
Siya ay magiging tulad ng liwanag sa umaga sa pagsikat ng araw, isang umaga na walang mga ulap, sa pag-usbong ng malambot na mga damo mula sa lupa sa pamamagitan nang maliwanag na sinag ng araw pagkatapos ng ulan.
5 Katotohanang ang aking sangbahayan ay hindi gayon sa Dios; Gayon ma'y nakipagtipan siya sa akin ng isang tipang walang hanggan, Maayos sa lahat ng mga bagay, at maasahan: Sapagka't siyang aking buong kaligtasan, at buong nasa. Bagaman hindi niya pinatubo.
Tunay nga, hindi ba gaya nito ang aking sambahayan sa harapan ng Diyos? Hindi ba gumawa siya ng tipan sa akin na walang hanggan, maayos at tiyak sa kahit na anong paraan? Hindi ba pinalago niya ang aking kaligtasan at tinupad ang aking bawat naisin?
6 Nguni't ang mga di banal ay ipaghahagis na gaya ng mga tinik, Sapagka't hindi nila matatangnan ng kamay:
Pero ang lahat ng mga walang kabuluhan, magiging katulad ng mga tinik na itatapon, dahil walang mga kamay ang makakapagtipon sa kanila.
7 Kundi ang lalake na humipo sa kanila, Marapat magsakbat ng bakal at ng puluhan ng sibat; At sila'y lubos na susunugin ng apoy sa kanilang kinaroroonan.
Ang taong gagalaw sa kanila, kailangang gumamit ng kasangkapang bakal o tungkod ng sibat. Kailangan silang tupukin kung saan sila nakakalat.'”
8 Ito ang mga pangalan ng mga makapangyarihang lalake na nasa kay David: Si Josebbasebet na Tachemonita, na pinuno ng mga kapitan; na siya ring si Adino na Eznita, na siyang dumaluhong laban sa walong daan na nangapatay ng paminsan.
Ito ang mga pangalan ng mga magigiting na kawal ni David: Jesbaal na Hacmonita na naging pangulo ng mga magiting na kawal. Nakapatay siya ng walong daang tao sa isang pagkakataon.
9 At pagkatapos niya'y si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita, na isa sa tatlong malalakas na lalake na kasama ni David, nang sila'y mangakipagaway sa mga Filisteo, na nangapipisan doon upang makipagbaka, at ang mga lalake ng Israel ay nagsialis:
Sumunod sa kaniya si Eleazar na lalaking anak ni Dodo, lalaking anak ng isang Ahohita, isa sa tatlong magigiting na mga tauhan ni David. Naroon siya nang nilabanan nila ang mga taga-Filisteo na sama-samang nagtipon para makipagdigmaan, at nang umurong ang mga tauhan ng Israel.
10 Siya'y bumangon, at sinaktan ang mga Filisteo hanggang sa ang kaniyang kamay ay nangalay, at ang kaniyang kamay ay nadikit sa tabak: at ang Panginoo'y gumawa ng dakilang pagtatagumpay sa araw na yaon: at ang bayan ay bumalik na kasunod niya, upang manamsam lamang.
Nanatili si Eleazar at nilabanan ang mga taga-Filisteo hanggang sa napagod ang kaniyang kamay at nanigas ang kaniyang kamay sa mahigpit na pagkakahawak sa kaniyang espada. Nagdala ng tagumpay si Yahweh sa araw na iyon. Bumalik ang hukbo pagkatapos ni Eleazar, para lang hubaran ang mga katawan.
11 At pagkatapos niya'y si Samma na anak ni Age, na Araita. At ang mga Filisteo ay nagpipisan sa isang pulutong, na kinaroroonan ng isang putol na lupa sa puno ng lentehas; at tinakasan ng bayan ang mga Filisteo.
Sumunod sa kaniya si Samma na lalaking anak ni Age, isang Hararita. Sama-samang nagtipon ang mga taga-Filisteo kung saan may bukid ng mga lentil, at tinakasan sila ng hukbo.
12 Nguni't siya'y tumayo sa gitna ng putol na yaon, at ipinagsanggalang niya, at pinatay ang mga Filisteo: at ang Panginoo'y gumawa ng dakilang pagtatagumpay.
Pero tumayo si Samma sa gitna ng bukid at ipinagtanggol ito. Napatay niya ang mga taga-Filisteo at nagdala ng isang dakilang tagumpay kay Yahweh.
13 At tatlo sa tatlong pung pinuno ay nagsilusong at nagsiparoon kay David sa pagaani sa yungib ng Adullam; at ang pulutong ng mga Filisteo ay nagsihantong sa libis ng Rephaim.
Tatlo sa tatlumpung tauhan ang bumaba papunta kay David sa panahon ng ani, sa kuweba ng Adullam. Nakakampo ang hukbo ng mga taga-Filisteo sa lambak ng Refaim.
14 At si David nga'y nasa katibayan, at ang pulutong nga ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.
Si David noon ay nasa kaniyang tanggulan, isang yungib, habang nagtatag ang mga taga-Filisteo sa Bethlehem.
15 At nagnais si David, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!
Nagnais si David ng tubig at sinabing, “Kung mayroon lamang magbibigay sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem, ang balon na nasa tarangkahan!”
16 At ang tatlong malalakas na lalake ay nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa siping ng pintuang bayan, at kinuha, at dinala kay David: nguni't hindi niya ininom yaon, kundi kaniyang ibinuhos na handog sa Panginoon.
Kaya sinira ng tatlong magigiting na lalaki ang hukbo ng mga taga-Filisteo at sumalok ng tubig sa balon ng Betlehem, ang balon na nasa tarangkahan. Kumuha sila ng tubig at dinala ito kay David, pero hindi niya ininom ito. Sa halip, ibinuhos niya ito kay Yahweh.
17 At kaniyang sinabi, Malayo sa akin, Oh Panginoon, na aking gawin ito: iinumin ko ba ang dugo ng mga lalake na nagsiparoon na ipinain ang kanilang buhay? kaya't hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong malalakas na lalake.
Pagkatapos sinabi niya, “Huwag nawa pahintulutan, Yahweh, na inumin ko ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga taong nagbuwis ng kanilang mga buhay?” Kaya tumanggi siyang ininumin ito. Ito ang mga bagay na ginawa ng tatlong magigiting na lalaki.
18 At si Abisai, na kapatid ni Joab, na anak ni Sarvia, ay pinuno ng tatlo. At kaniyang itinaas ang kaniyang sibat laban sa tatlong daan at pinatay niya sila, at nagkapangalan sa tatlo.
Si Abisai, lalaking kapatid ni Joab at lalaking anak ni Zeruias, ang kapitan ng tatlo. Minsan na siyang nakipaglaban sa tatlong daang kalalakihan gamit ang kaniyang sibat at pinatay sila. Madalas siyang banggitin kasama ng tatlong kawal.
19 Hindi ba siya ang lalong marangal sa tatlo? kaya't siya'y ginawang punong kawal nila: gayon ma'y hindi siya umabot sa unang tatlo.
Hindi ba mas kilala siya kaysa tatlong kawal? Ginawa nila siyang kapitan. Gayunman, hindi napantayan ng kaniyang katanyagan ang katanyagan ng tatlong pinakakilalang mga kawal.
20 At si Benaia, na anak ni Joiada, na anak ng matapang na lalake na taga Cabseel, na gumawa ng makapangyarihang gawa, na kaniyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga Moab; siya'y lumusong din at pumatay ng isang leon sa gitna ng isang hukay sa kapanahunan ng niebe.
Si Benaias, mula sa Kabzeel, ay lalaking anak ni Joaida; siya ang malakas na lalaki na gumawa ng mga dakilang gawa. Pinatay niya ang dalawang lalaking anak ni Ariel ng Moab. Bumaba rin siya sa loob ng isang hukay at pinatay ang leon habang nagniniyebe.
21 At siya'y pumatay ng isang taga Egipto na malakas na lalake: at ang taga Egipto ay may sibat sa kaniyang kamay; nguni't siya'y nilusong niyang may tungkod, at inagaw niya ang sibat sa kamay ng taga Egipto, at pinatay niya siya ng kaniyang sariling sibat.
At pinatay niya ang isang napakalaking lalaking taga-Ehipto. May hawak na sibat ang taga-Ehipto, pero nakipaglabanan si Benaias sa kaniya gamit lamang ang isang tungkod. Inagaw niya mula sa kamay ng taga-Ehipto at pinatay siya gamit ang kaniyang sariling sibat.
22 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaias, na anak ni Joiada, at nagkapangalan sa tatlong malalakas na lalake.
Ginawa ni Benaias anak na lalaki ni Joaida itong mga kahanga-hangang gawa, at pinangalanan siya kasama ng tatlong magigiting na lalaki.
23 Siya'y marangal kay sa tatlongpu, nguni't sa unang tatlo'y hindi siya umabot. At inilagay ni David siya sa kaniyang bantay.
Labis siyang hinangaan kaysa sa tatlumpung kawal sa pangkalahatan, pero hindi siya labis na hinahangaan gaya ng tatlong pinaamahusay na kawal. Pero ginawa siya ni David na tagapamahala ng kaniyang mga tagabantay.
24 At si Asael na kapatid ni Joab ay isa sa tatlongpu; si Elhaanan na anak ni Dodo, na taga Bethlehem,
Kasali sa tatlumpu ang mga sumusunod na lalaki: Asahel lalaking kapatid ni Joab, Elhanan lalaking anak ni Dodo na mula sa Betlehem,
25 Si Samma na Harodita, si Elica na Harodita,
Samma na Horodita, Elika na Harodita,
26 Si Heles na Paltita, si Hira na anak ni Jecces na Tecoita.
Helez na Paltita, Ira na lalaking anak ni ekis na taga-Tekoa,
27 Si Abiezer na Anathothita, si Mebunai na Husatita,
Abi Ezer na taga-Anatot, Mebunai na taga-Husa,
28 Si Selmo na Hahohita, si Maharai na Netophathita,
Zalmon na taga-Aho, Maharai na Netofa;
29 Si Helec na anak ni Baana, na Netophathita, si Ithai na anak ni Ribai, na taga Gabaa, sa mga anak ng Benjamin.
Heleb lalaking anak ni Baana, taga-Netofa, Itai lalaking anak ni Ribai na mula sa Gibea ng mga lahi ni Benjamin,
30 Si Benaia na Pirathonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas,
Benaias ang Piraton, Hidai ng mga lambak ng Gaas.
31 Si Abi-albon na Arbathita, si Azmaveth na Barhumita,
Abialbon na Araba, Azmavet na Bahurim,
32 Si Eliahba na Saalbonita, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan,
Eliahba na taga-Saalbon, mga lalaking anak ni Jasen, Jonatan;
33 Si Samma na Ararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Ararita,
Samma na taga-Arar, Ahiam anak ni Sharar na taga-Arar,
34 Si Elipheleth na anak ni Asbai, na anak ni Maachateo, si Eliam na anak ni Achitophel na Gelonita,
Elifelet lalaking anak ni Ahasbai na taga-Maaca, Eliam lalaking anak ni Ahithofel na taga-Gilo,
35 Si Hesrai na Carmelita, si Pharai na Arbita;
Hezro na taga-Carmel, Paarai ang Arab
36 Si Igheal na anak ni Nathan na taga Soba, si Bani na Gadita,
Igal lalaking anak ni Natan mula sa Zoba, Bani mula sa lipi ni Gad,
37 Si Selec na Ammonita, si Naharai na Beerothita, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Sarvia;
Zelek na taga-Ammon, Naharai na taga-Beerot, tagadala ng baluti kay Joab lalaking anak ni Zeruias,
38 Si Ira na Ithrita, si Gareb na Ithrita,
Ira na taga-Jatir, Gareb taga-Jatir,
39 Si Uria na Hetheo: silang lahat ay tatlong pu't pito.
Urias ang Heteo— tatlumpu't pito lahat.

< 2 Samuel 23 >