< 2 Samuel 2 >
1 At nangyari, pagkatapos nito, na nagusisa si David sa Panginoon, na nagsasabi, Aahon ba ako sa alinman sa mga bayan ng Juda? At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Umahon ka. At sinabi ni David, Saan ako aahon? At kaniyang sinabi, Sa Hebron.
2 Sa gayo'y umahon si David doon, at pati ng kaniyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.
3 At ang kaniyang mga lalake na kasama niya ay iniahon ni David bawa't lalake na kasama ang kanikaniyang sangbahayan: at sila'y nagsitahan sa mga bayan ng Hebron.
4 At nagsiparoon ang mga lalake ng Juda, at kanilang pinahiran ng langis doon si David upang maging hari sa sangbahayan ng Juda. At kanilang isinaysay kay David, na sinasabi, Ang mga lalake sa Jabes-galaad ay siyang naglibing kay Saul.
5 At nagsugo ng mga sugo si David sa mga lalake sa Jabes-galaad, at sinabi sa kanila, Pagpalain nawa kayo ng Panginoon, na kayo'y nagpakita ng kagandahang loob na ito sa inyong panginoon, sa makatuwid baga'y kay Saul, at inyong inilibing siya.
6 At ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng Panginoon ng kagandahang loob at katotohanan: at ako naman ay gaganti sa inyo nitong kagandahang loob, sapagka't inyong ginawa ang bagay na ito.
7 Ngayon nga, magsilakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa'y maging matatapang: sapagka't patay na si Saul na inyong panginoon, at pinahiran ng langis naman ako ng sangbahayan ni Juda upang maging hari sa kanila.
8 Kinuha nga ni Abner na anak ni Ner na kapitan sa hukbo ni Saul, si Is-boseth na anak ni Saul, at inilipat sa Mahanaim;
9 At kaniyang ginawa siyang hari sa Galaad, at sa mga Asureo, at sa Jezreel, at sa Ephraim, at sa Benjamin, at sa buong Israel.
10 Si Is-boseth na anak ni Saul ay may apat na pung taon nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari na dalawang taon. Nguni't ang sangbahayan ni Juda ay sumunod kay David.
11 At ang panahon na ipinaghari ni David sa Hebron sa sangbahayan ni Juda ay pitong taon at anim na buwan.
12 At si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Is-boseth na anak ni Saul, ay nangapasa Gabaon mula sa Mahanaim.
13 At si Joab na anak ni Sarvia, at ang mga lingkod ni David ay nagsilabas, at sinalubong sila sa siping ng tangke sa Gabaon; at sila'y naupo, na ang isa'y sa isang dako ng tangke, at ang isa'y sa kabilang dako ng tangke.
14 At sinabi ni Abner kay Joab, Isinasamo ko sa iyo na bumangon ang mga bataan at magsanay ng tabak sa harap natin. At sinabi ni Joab, Bumangon sila.
15 Nang magkagayo'y bumangon sila at tumawid ayon sa bilang; labing dalawa sa Benjamin, at sa ganang kay Is-boseth na anak ni Saul, at labing dalawa sa mga lingkod ni David.
16 At hinawakan sa ulo ng bawa't isa sa kanila ang kaniyang kaaway, at isinaksak ang kaniyang tabak sa tagiliran ng kaniyang kaaway; sa gayo'y nangabuwal sila na magkakasama: kaya't ang dakong yaon ay tinatawag na Helcath-assurim na nasa Gabaon.
17 At ang pagbabaka ay lumalalang mainam nang araw na yaon; at si Abner ay nadaig, at ang mga lalake ng Israel sa harap ng mga lingkod ni David.
18 At nandoon ang tatlong anak ni Sarvia, si Joab, at si Abisai, at si Asael: at si Asael ay magaan ang paa na gaya ng mailap na usa.
19 At hinabol ni Asael si Abner; at sa pagyaon, siya'y hindi lumihis sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.
20 Nang magkagayo'y nilingon ni Abner, at sinabi, Ikaw ba'y si Asael? At siya'y sumagot: Ako nga.
21 At sinabi ni Abner sa kaniya, Lumihis ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at iyong tangnan ang isa sa mga bataan, at kunin mo ang kaniyang sakbat. Nguni't ayaw ni Asael na humiwalay sa pagsunod sa kaniya.
22 At sinabi uli ni Abner kay Asael, Lumihis ka sa pagsunod sa akin: bakit nga kita ibubulagta sa lupa? paanong aking maitataas nga ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?
23 Gayon ma'y tumanggi siyang lumihis: kaya't sinaktan siya ni Abner sa tiyan ng dulo ng sibat, na anopa't ang sibat ay lumabas sa likod niya; at siya'y nabuwal doon at namatay sa dako ring yaon: at nangyari, na lahat na naparoon sa dakong kinabuwalan ni Asael at kinamatayan, ay nangapatigil.
24 Nguni't hinabol ni Joab at ni Abisai si Abner: at ang araw ay nakalubog na nang sila'y dumating sa burol ng Amma, na nasa harap ng Gia sa siping ng daan sa ilang ng Gabaon.
25 At ang mga anak ng Benjamin ay nagpipisan sa likuran ni Abner, at nagisang pulutong, at nagsitayo sa taluktok ng isang burol.
26 Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at nagsabi, Mananakmal ba ang tabak magpakailan man? hindi mo ba nalalaman na magkakaroon ng kapaitan sa katapusan? hanggang kailan mo nga pababalikin ang bayan na mula sa pagsunod sa kanilang mga kapatid?
27 At sinabi ni Joab, Buhay ang Dios, kung hindi mo sana sinalita ay tunay nga na umalis disin ang bayan sa kinaumagahan, o sinundan man ng sinoman ang bawa't isa sa kaniyang kapatid.
28 Sa gayo'y hinipan ni Joab ang pakakak, at ang buong bayan ay tumigil, at hindi na hinabol ang Israel, o sila man ay lumaban pa.
29 At si Abner at ang kaniyang mga lalake ay nagdaan buong gabi sa Araba; at sila'y nagsitawid ng Jordan, at nagsidaan sa buong Bitron, at nagsidating sa Mahanaim.
30 At bumalik si Joab na humiwalay ng paghabol kay Abner: at nang kaniyang mapisan ang buong bayan, nagkulang sa mga lingkod ni David ay labing siyam na lalake at si Asael.
31 Nguni't sinaktan ng mga lingkod ni David ang Benjamin, at ang mga lalake ni Abner, na anopa't nangamatay ay tatlong daan at anim na pung lalake.
32 At kanilang iniahon si Asael, at inilibing nila siya sa libingan ng kaniyang ama, na nasa Bethlehem. At si Joab at ang kaniyang mga lalake ay nagsiyaon buong gabi, at dumating sila sa Hebron sa kinaumagahan.