< 2 Mga Hari 8 >
1 Nagsalita nga si Eliseo sa babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, na sinasabi, Ikaw ay bumangon at yumaon ka at ang iyong sangbahayan, at mangibang bayan ka kung saan ka makakapangibang bayan: sapagka't nagtalaga ang Panginoon ng kagutom; at magtatagal naman sa lupain na pitong taon.
2 At ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa sinalita ng lalake ng Dios: at siya'y yumaon na kasama ng kaniyang sangbahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo na pitong taon.
3 At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, na ang babae ay bumalik na mula sa lupain ng mga Filisteo: at siya'y lumabas upang dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain.
4 Ang hari nga'y nakipagusap kay Giezi na lingkod ng lalake ng Dios, na sinasabi, Isinasamo ko sa iyo, na saysayin mo sa akin ang lahat na mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo.
5 At nangyari, samantalang kaniyang sinasaysay sa hari kung paanong kaniyang isinauli ang buhay niyaon na patay, na narito, ang babae, na ang anak ay kaniyang sinaulian ng buhay, ay dumaing sa hari dahil sa kaniyang bahay at dahil sa kaniyang lupain. At sinabi ni Giezi, Panginoon ko, Oh hari, ito ang babae, at ito ang kaniyang anak na sinaulian ng buhay ni Eliseo.
6 At nang tanungin ng hari ang babae, sinaysay niya sa kaniya. Sa gayo'y hinalalan ng hari siya ng isang pinuno, na sinasabi, Isauli mo ang lahat ng kaniya, at ang lahat ng bunga ng bukid mula nang araw na kaniyang iwan ang lupain, hanggang ngayon.
7 At si Eliseo ay naparoon sa Damasco; at si Ben-adad na hari sa Siria ay may sakit: at nasaysay sa kaniya, na sinabi, Ang lalake ng Dios ay naparito.
8 At sinabi ng hari kay Hazael, Magdala ka ng isang kaloob sa iyong kamay, at yumaon kang salubungin mo ang lalake ng Dios, at magusisa ka sa Panginoon sa pamamagitan niya, na magsabi, Gagaling ba ako sa sakit na ito?
9 Sa gayo'y naparoon na sinalubong siya ni Hazael, at nagdala siya ng kaloob, ng bawa't mabuting bagay sa Damasco, na apat na pung pasang kamelyo at naparoon at tumayo sa harap niya, at nagsabi, Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-adad na hari sa Siria, na sinasabi, Gagaling ba ako sa sakit na ito?
10 At sinabi ni Eliseo sa kaniya, Ikaw ay yumaon, sabihin mo sa kaniya, Walang pagsalang ikaw ay gagaling? gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Panginoon na siya'y walang pagsalang mamamatay.
11 At kaniyang itinitig ang kaniyang mukha, hanggang sa siya'y napahiya: at ang lalake ng Dios ay umiyak.
12 At sinabi ni Hazael, Bakit umiyak ang panginoon ko? At siya'y sumagot, Sapagka't talastas ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel: ang kanilang mga katibayan ay iyong sisilaban ng apoy, at ang kanilang mga binata ay iyong papatayin ng tabak, at mga pagpuputol-putulin ang kanilang mga bata, at iyong paluluwain ang bituka ng mga babaing buntis.
13 At sinabi ni Hazael, Nguni't ano ang iyong lingkod na isang aso lamang na kaniyang gagawin ang dakilang bagay na ito? At sumagot si Eliseo, Ipinakilala sa akin ng Panginoon, na ikaw ay magiging hari sa Siria.
14 Nang magkagayo'y nilisan niya si Eliseo, at naparoon sa kaniyang panginoon; na nagsabi sa kaniya, Ano ang sabi ni Eliseo sa iyo? At siya'y sumagot, Kaniyang sinaysay sa akin na walang pagsalang ikaw ay gagaling.
15 At nangyari, nang kinabukasan, na kaniyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa kaniyang mukha, na anopa't siya'y namatay: at si Hazael ay naghari na kahalili niya.
16 At nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel, noong si Josaphat ay hari sa Juda, ay nagpasimulang maghari si Joram na anak ni Josaphat na hari sa Juda.
17 Tatlongpu't dalawang taon ang gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing walong taon sa Jerusalem.
18 At siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka't ang anak ni Achab ay kaniyang asawa: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon.
19 Gayon ma'y hindi giniba ng Panginoon ang Juda, dahil kay David na kaniyang lingkod gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya na bibigyan siya ng isang ilawan sa ganang kaniyang mga anak magpakailan man.
20 Sa kaniyang mga kaarawan ay nanghimagsik ang Edom na humiwalay sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Juda, at naghalal sila ng hari sa kanila.
21 Nang magkagayo'y nagdaan si Joram sa Seir, at ang lahat niyang mga karo na kasama niya: at siya'y bumangon sa gabi, at sinaktan ang mga Edomeo na kumubkob sa kaniya, at ang mga punong kawal ng mga karo; at ang bayan ay tumakas sa kanilang mga tolda.
22 Sa gayo'y nanghimagsik ang Edom sa kamay ng Juda, hanggang sa araw na ito. Nang magkagayo'y nanghimagsik ang Libna nang panahon ding yaon.
23 At ang iba sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
24 At si Joram ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Ochozias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
25 Nang ikalabing dalawang taon ni Joram na anak ni Achab na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda.
26 May dalawangpu't dalawang taon si Ochozias nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing isang taon sa Jerusalem. At ang pangalan ng kaniyang ina ay Athalia na anak ni Omri na hari sa Israel.
27 At siya'y lumakad ng lakad ng sangbahayan ni Achab; at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab: sapagka't siya'y manugang sa sangbahayan ni Achab.
28 At siya'y yumaong kasama ni Joram na anak ni Achab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari sa Siria sa Ramoth-galaad: at sinugatan ng mga taga Siria si Joram.
29 At ang haring Joram ay bumalik upang magpagaling sa Jezreel, ng mga sugat na isinugat sa kaniya ng mga taga Siria sa Ramoth nang siya'y lumaban kay Hazael na hari sa Siria. At si Ochozias na anak ni Joram na hari sa Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Achab sa Jezreel, sapagka't siya'y nasugatan.