< 2 Mga Hari 7 >

1 At sinabi ni Eliseo, Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa may ganitong oras, ang isang takal ng mainam na harina ay maipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay ng dalawang siklo, sa pintuang-bayan ng Samaria.
Sinabi ni Eliseo, “Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang sinasabi niya: 'Bukas, sa ganitong oras, isang takal ng mainam na harina ang ipagbibili kapalit ng isang sekel, at dalawang takal ng sebada ang ipagbibili kapalit ng isang sekel sa tarangkahan ng Samaria.'”
2 Nang magkagayo'y ang punong kawal na pinangangapitan ng hari ay sumagot sa lalaki ng Dios, at nagsabi, Narito, kung ang Panginoo'y gagawa ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ito? At kaniyang sinabi, Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni't hindi ka kakain niyaon.
Pagkatapos ang kapitan na kanang kamay ng hari ay sumagot sa lingkod ng diyos, at sinabi, “Masdan mo, kahit na gumawa si Yahweh ng bintana sa langit, maaari bang mangyari ito?” Tumugon si Eliseo, “Masasaksihan mo itong mangyari gamit ang sarili mong mga mata, pero hindi ka makakakain mula dito.”
3 Mayroon ngang apat na may ketong sa pasukan ng pintuang-bayan: at sila'y nagsangusapan. Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay?
Ngayon, mayroong apat na lalaking may ketong sa labas ng tarangkahan ng lungsod. Sinabi nila sa isa't isa, “Bakit tayo mauupo rito hanggang mamatay tayo?
4 Kung ating sabihin, Tayo'y magsisipasok sa bayan, ang kagutom nga'y nasa bayan, at tayo'y mamamatay roon: at kung tayo'y magsisitigil ng pagkaupo rito, tayo'y mamamatay rin. Ngayon nga'y halina, at tayo'y lumapit sa hukbo ng mga taga Siria: kung tayo'y iligtas nilang buhay, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, mamamatay lamang tayo.
Kung sabihin nating papasok tayo sa lungsod, ang taggutom ay nasa lungsod, at mamamatay tayo roon. Pero kung uupo pa rin tayo dito, mamamatay pa rin tayo. Kaya ngayon, halika, pumunta tayo sa hukbo ng mga Aramean. Kung pananatilihin nila tayong buhay, mabubuhay tayo, at kung papatayin nila tayo, mamamatay lang tayo.”
5 At sila'y nagsitindig pagtatakip silim, upang magsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria: at nang sila'y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento ng mga taga Siria, narito, walang tao roon.
Kaya tumayo sila nang mag-gagabi na para pumunta sa kampo ng mga Aramean; nang dumating sila sa pinakalabas na bahagi ng kampo, walang naroon.
6 Sapagka't ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga Siria ang hugong ng mga karo, at ang huni ng mga kabayo, sa makatuwid baga'y ang hugong ng malaking hukbo: at sila'y nagsangusapan. Narito, inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Hetheo, at ang mga hari ng mga taga Egipto, upang magsidaluhong sa atin.
Dahil pinarinig ng Panginoon sa mga Aramean ang ingay ng mga karwahe, at ang ingay ng mga kabayo —ang ingay ng isang malaking hukbo, at sinabi nila sa isa't isa, “Inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng mga Hiteo at mga taga-Ehipto para pumunta laban sa amin.”
7 Kaya't sila'y nagsitindig, at nagsitakas sa pagtatakip silim, at iniwan ang kanilang mga tolda, at ang kanilang mga kabayo, at ang kanilang mga asno, at ang buong kampamento, na gaya ng dati, at nagsitakas dahil sa kanilang buhay.
Kaya tumayo ang mga sundalo at tumakas nang mag-gagabi na; iniwan nila ang kanilang mga tolda, mga kabayo, mga asno, at ang kampo sa lagay nito, at tumakas para sa mga buhay nila.
8 At nang ang mga may ketong na ito'y magsidating sa pinakamalapit na bahagi ng kampamento, sila'y nagsipasok sa isang tolda, at nagsikain at nagsiinom, at nagsipagdala mula roon ng pilak, at ng ginto, at ng bihisan, at nagsiyaon at itinago; at sila'y bumalik, at pumasok sa ibang tolda, at nagdala rin mula roon, at nagsiyaon at itinago.
Nang dumating sa pinakalabas na bahagi ng kampo ang mga lalaking may ketong, pumasok sila sa loob ng isang tolda at kumain at uminom, at tinangay ang pilak at ginto at mga damit at tinago ito. Bumalik sila at pumasok sa isa pang tolda at tinangay ang mga nasamsam nila mula roon at tinago itong muli.
9 Nang magkagayo'y nagsangusapan sila. Hindi mabuti ang ginagawa natin: ang araw na ito ay araw ng mabubuting balita, at tayo'y tumatahimik: kung tayo'y magsipaghintay ng hanggang sa pagliliwayway sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin: ngayon nga'y halina, tayo'y magsiyaon at ating saysayin sa sangbahayan ng hari.
Pagkatapos sinabi nila sa isa't isa, “Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng magandang balita, pero nananahimik tayo patungkol dito. Kung maghihintay tayo hanggang bukang-liwayway, parurusahan tayo. Kaya, halina at sabihin natin ito sa sambahayan ng hari.”
10 Sa gayo'y nagsiparoon sila, at nagsitawag sa tagatanod-pinto ng bayan: at kanilang isinaysay sa kanila, na sinasabi, Kami ay nagsiparoon sa kampamento ng mga taga Siria, at, narito, walang lalake roon ni tinig man ng lalake, kundi mga nakataling kabayo, at mga asnong nangakatali, at ang mga tolda na gaya ng dati.
Kaya't pumunta sila at tinawag ang mga tagabantay ng tarangkahan ng lungsod. Sinabi nila sa kanila, “Nagpunta kami sa kampo ng mga Aramean, pero walang naroon, wala ni tunog ninuman, pero naroon ang mga kabayo nila, at ang mga asnong nakatali, at ang mga tolda sa lagay nito.”
11 At tinawag niya ang mga tagatanod-pinto; at kanilang sinaysay sa sangbahayan ng hari sa loob.
At isinigaw ng mga bantay ng tarangkahan ang balita, at pagkatapos sinabi ito sa loob ng sambahayan ng hari.
12 At ang hari ay bumangon sa gabi, at nagsabi sa kaniyang mga lingkod, Ipakikita ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga Siria sa atin. Kanilang talastas na tayo'y gutom; kaya't sila'y nagsilabas ng kampamento upang magsipangubli sa parang, na nagsasabi, Pagka sila'y nagsilabas sa bayan, ating kukunin silang buhay at papasok tayo sa bayan.
Pagkatapos bumangon ang hari kinagabihan at sinabi sa kaniyang mga lingkod, “Sasabihin ko sa inyo ngayon ang ginawa ng mga Aramean sa atin. Alam nilang gutom tayo, kaya umalis sila ng kampo para magtago sa mga bukirin. Sinasabi nila, “Sa oras na lumabas sila sa lungsod, kukunin natin sila nang buhay, at papasok tayo sa lungsod.'”
13 At isa sa kaniyang mga lingkod ay sumagot, at nagsabi, Isinasamo ko sa inyo na kunin ng ilan ang lima sa mga kabayong nalabi, na natira sa bayan (narito, sila'y gaya ng buong karamihan ng Israel na natira roon; narito, sila'y gaya ng buong karamihan ng Israel na nalipol: ) at tayo'y magsugo at ating tingnan.
Sumagot ang isa sa mga lingkod ng hari at sinabing, “Pakiusap, hayaan mong kunin ng ilan sa mga tauhan ang limang kabayong natitira sa lungsod. Tulad sila ng lahat ng natitira sa mga mamamayan ng Israel —karamihan ay patay na; hayaan mong ipadala namin sila at tingnan ito.”
14 Sila nga'y nagsikuha ng dalawang karo na may mga kabayo; at ang hari ay nagsugo na pinasundan ang hukbo ng mga taga Siria, na nagsabi, Kayo ay yumaon at tingnan ninyo.
Kaya kumuha sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo, at sinugo sila ng hari sa hukbo ng mga Aramean, sinasabing, “Tingnan ninyo iyon.”
15 At kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; at, narito, ang buong daa'y puno ng mga kasuutan at ng mga kasangkapan na mga inihagis ng mga taga Siria sa kanilang pagmamadali. At ang mga sugo ay nagsibalik at nagsaysay sa hari.
Sinundan nila sila hanggang sa Jordan, at ang lahat ng daanan ay puno ng mga damit at gamit na iniwan ng mga Aramean sa pagmamadali. Kaya bumalik ang mga mensahero at sinabi sa hari.”
16 At ang bayan ay lumabas, at sinamsaman ang kampamento ng mga taga Siria. Sa gayo'y ang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.
Lumabas ang mga tao at sinamsam ang mga gamit sa kampo ng mga Aramean. Kaya ang takal ng mainam na harina ay ipinagbili sa halagang isang sekel at ang dalawang takal ng sebada ay kapalit ng isang sekel, tulad ng sinabi ni Yahweh.
17 At inihabilin ng hari sa punong kawal na pinangangapitan niya, ang katungkulan sa pintuang-bayan: at niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya'y namatay na gaya ng sinabi ng lalake ng Dios, na nagsalita nang lusungin siya ng hari.
Inutusan ng hari ang kapitan, ang kaniyang kanang kamay, para mangasiwa sa tarangkahan, at tinapak-tapakan siya ng mga tao sa daan ng tarangkahan. Namatay siya gaya ng sinabi ng lingkod ng Diyos nang bumaba ang hari sa kaniya.
18 At nangyari, gaya ng sinabi ng lalake ng Dios sa hari, na sinasabi, Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, mangyayari bukas sa may ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;
Kaya nangyari iyon gaya ng sinabi ng lingkod ng Diyos sa hari, sinasabing, “Sa oras na ito sa tarangkahan ng Samaria, ang dalawang takal ng sebada ay ipagbibili sa halagang isang sekel, at ang isang takal ng mainam na harina para sa isang sekel.”
19 At ang punong kawal na yaon ay sumagot sa lalake ng Dios, at nagsabi, Ngayon, narito, kung ang Panginoon ay gagawa ng mga dungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay? At kaniyang sinabi, Narito, makikita mo yaon ng iyong mga mata, nguni't hindi ka kakain niyaon:
Sinagot ng kapitang iyon ang lingkod ng Diyos at sinabing, “Kahit gumawa si Yahweh ng bintana sa langit, maaari bang mangyari ito?” Sinabi ni Eliseo, “Makikita mong mangyari ito nang sarili mong mga mata, pero hindi ka kakain mula rito.”
20 Nangyari ngang gayon sa kaniya; sapagka't niyapakan siya ng bayan sa pintuang-bayan, at siya'y namatay.
At nangyari ito sa kaniya sa ganoong paraan, dahil tinapak-tapakan siya ng mga tao sa tarangkahan, at namatay siya.

< 2 Mga Hari 7 >