< 2 Mga Hari 14 >
1 Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel ay nagpasimula si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda na maghari.
Sa ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas anak ni Jehoahas, hari ng Israel, si Amasias anak ni Joas, hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
2 Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Joaddan na taga Jerusalem.
Dalawampu't limang taong gulang siya nang magsimula siyang maghari; naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Jehoadan, taga-Jerusalem.
3 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, gayon man di gaya ni David na kaniyang magulang: kaniyang ginawa ang ayon sa lahat na ginawa ni Joas na kaniyang ama.
Ginawa niya kung ano ang matuwid sa mga mata ni Yahweh, pero hindi katulad ng kaniyang ninunong si David. Ginawa niya ang lahat ng ginawa ni Joas na kaniyang ama.
4 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis: ang bayan ay nagpatuloy na naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako.
Pero ang mga dambana ay hindi winasak. Ang mga tao ay patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng insenso sa mga dambana.
5 At nangyari, pagkatatag ng kaharian sa kaniyang kamay, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.
Dumating ang pagkakataon nang tumatag na ang kaniyang paghahari, pinatay niya ang mga lingkod na pumatay sa kaniyang ama, ang hari.
6 Nguni't ang mga anak ng mga mamamatay tao ay hindi niya pinatay; ayon doon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi bawa't tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.
Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao; sa halip, kumilos siya ayon sa sinasabi ng Kasulatan, sa Aklat ni Moises, gaya ng iniutos ni Yahweh, na nagsasabing, “Ang mga ama ay hindi dapat patayin dahil sa kaniyang mga anak, ni ang mga anak dahil sa kanilang mga magulang. Sa halip, bawat tao ay dapat patayin dahil sa sarili niyang kasalanan.”
7 Siya'y pumatay sa mga Idumeo ng sangpung libo sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela sa pakikipagdigma, at pinanganlang Jocteel, hanggang sa araw na ito.
Pinatay niya ang sampung libong sundalo sa Edom sa lambak ng Asin; sinakop niya rin ang Sela sa digmaan at tinawag itong Jokteel, kung saan ito pa rin ang tawag hanggang sa araw na ito.
8 Nang magkagayo'y nagsugo ng mga sugo si Amasias kay Joas na anak ni Joachaz na anak ni Jehu, na hari sa Israel, na sinasabi, Halika, tayo'y magtitigan,
Pagkatapos nagpadala si Amasias ng mga tagapagbalita para kay Jehoas anak ni Jehoahas anak ni Jehu hari ng Israel, na nagsasabing, “Halikayo, magkita-kita tayo ng harapan sa digmaan.”
9 At si Joas na hari sa Israel ay nagsugo kay Amasias na hari sa Juda, na nagsasabi, Ang dawag na nasa Libano ay nagsugo sa sedro na nasa Libano, na nagsasabi, Ibigay mong asawa ang iyong anak na babae sa aking anak: at nagdaan ang isang mabangis na hayop na nasa Libano, at niyapakan ang dawag.
Pero nagpadala ng tagapagbalita si Jehoas hari ng Israel pabalik kay Amasias hari ng Juda, na sinasabing, “Ang matinik na halaman na nasa Lebanon ay nagpadala ng mensahe sa sedar sa Lebanon, nagsasabing, “Ibigay mo ang iyong anak na babae sa anak kong lalaki para maging asawa,' pero isang mabangis na hayop sa Lebanon ang dumaan at inapakan ang matinik na halaman.
10 Iyong tunay na sinaktan ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso: lumuwalhati ka nawa, at tumahan sa bahay: sapagka't bakit ka nakikialam sa ikasasama, upang ikaw ay mabuwal, ikaw, at ang Juda na kasama mo?
Tunay nga na nilusob mo ang Edom, at itinaas ka ng iyong puso. Ipagmalaki mo ang iyong katagumpayan, pero manatili ka sa iyong tahanan, dahil bakit mo pa ilalagay sa kaguluhan at ibabagsak ang iyong sarili, ikaw pati na ang Juda?
11 Nguni't hindi dininig ni Amasias. Sa gayo'y umahon si Joas na hari sa Israel; at siya, at si Amasias na hari sa Juda ay nagtitigan sa Beth-semes, na ukol sa Juda.
Pero si Amasias ay hindi nakinig. Kaya lumusob si Jehoas, hari ng Israel; siya at si Amasias hari ng Juda ay nagkita ng harap-harapan sa Beth-semes, na pag-aari ng Juda.
12 At ang Juda ay napariwara sa harap ng Israel; at sila'y tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.
Natalo ang Juda ng Israel, at ang bawat isa ay tumakas pauwi.
13 At kinuha ni Joas na hari sa Israel si Amasias na hari sa Juda, na anak ni Joas na anak ni Ochozias, sa Beth-semes, at naparoon sa Jerusalem, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem mula sa pintuang-bayan ng Ephraim hanggang sa pintuang-bayan ng sulok, na apat na raang siko.
Nabihag ni Jehoas hari ng Israel, si Amasias hari ng Juda na anak ni Jehoas na anak ni Ahasias, sa Beth-semes. Pumunta siya sa Jerusalem at ibinagsak niya ang pader ng Jerusalem mula sa Tarangkahan ng Efraim hanggang Tarangkahan ng Sulok, apat na raang kubit ang layo.
14 At kinuha niya ang lahat na ginto at pilak, at ang lahat na kasangkapan na masumpungan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ng mga sanglang tao at bumalik sa Samaria.
Kinuha niya lahat ng ginto at pilak, lahat ng mga kagamitan na nakita sa tahanan ni Yahweh, at ang mga mahahalagang bagay sa palasyo ng hari, na may kasama ring bihag, at bumalik na sa Samaria.
15 Ang iba nga sa mga gawa ni Joas na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y lumaban kay Amasias na hari sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
Tungkol sa iba pang bagay kay Jehoas, lahat ng kaniyang ginawa, ang kaniyang kapangyarihan, at kung paano niya nilabanan si Amasias hari ng Juda, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?
16 At natulog si Joas na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
Pagkatapos nahimlay si Jehoas kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel, at si Jeroboam, ang kaniyang anak, ang naging hari ng Israel.
17 At si Amasias na anak ni Joas na hari sa Juda ay nabuhay pagkamatay ni Joas na anak ni Joachaz na hari sa Israel, na labing limang taon.
Si Amasias na anak ni Joas, hari ng Juda, ay nabuhay ng labinlimang taon pagkatapos ng kamatayan ni Jehoas anak ni Jeoahas, hari ng Israel.
18 Ang iba nga sa mga gawa ni Amasias, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
Tungkol sa iba pang mga bagay kay Amasias, hindi ba nasusulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda?
19 At sila'y nagsipagbanta laban sa kaniya sa Jerusalem; at siya'y tumakas sa Lachis: nguni't pinasundan nila siya sa Lachis, at pinatay siya roon.
Nagsabwatan sila laban kay Amasias sa Jerusalem, at tumakas siya papuntang Laquis. Tumakas siya sa Laquis, pero nagpadala sila ng mga tauhan sa Laquis at pinatay siya roon.
20 At dinala nila siya na nakapatong sa mga kabayo: at siya'y nalibing sa Jerusalem na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David.
Dinala nila siya pabalik sakay ng kabayo, at siya ay ibinurol kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David.
21 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na may labing anim na taon, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama na si Amasias.
Kinuha ng mga tao si Uzias, na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang hari kapalit ng kaniyang amang si Amasias.
22 Kaniyang itinayo ang Elath, at isinauli sa Juda pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kaniyang mga magulang.
Si Uzias ang muling nagpatayo ng Elat at ibinalik ito sa Juda nang hinimlay si Amasias kasama ng kaniyang mga ninuno.
23 Nang ikalabing limang taon ni Amasias na Anak ni Joas na hari sa Juda, si Jeroboam na anak ni Joas na hari sa Israel ay nagpasimulang maghari sa Samaria, at nagharing apat na pu't isang taon.
Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Amasias anak ni Joas hari ng Juda, si Jeroboam anak ni Jehoas hari ng Israel, ay nagsimulang maghari sa Samaria; naghari siya ng apatnapu't isang taon.
24 At gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon: hindi niya hiniwalayan ang lahat na kasalanan ni Jeroboam na Anak ni Nabat, na kaniyang ipinapagkasala sa Israel.
Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. Hindi siya tumalikod sa anumang kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagdulot para magkasala ang Israel.
25 Kaniyang isinauli ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamath hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng Panginoon, ng Dios ng Israel, na nagsalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Jonas na anak ni Amittai, na propeta na taga Gath-hepher.
Ibinalik niya ang hangganan ng Israel mula sa Lebo Hamat hanggang dagat ng Araba, bilang katuparan sa salita ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na kaniyang sinabi sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Jonas anak ni Amitai, ang propeta, na nagmula sa Gat-hefer.
26 Sapagka't nakita ng Panginoon ang kapighatian ng Israel, na totoong masaklap: sapagka't walang nakulong o naiwan sa kaluwangan man, o sinomang tumulong sa Israel.
Dahil nakita ni Yahweh ang paghihirap ng Israel, na napakapait para sa lahat, alipin man o malaya, at walang magliligtas sa Israel.
27 At hindi sinabi ng Panginoon na kaniyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kundi iniligtas nila siya sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas.
Kaya sinabi ni Yahweh na hindi niya buburahin ang pangalan ng Israel sa ilalim ng kalangitan; sa halip, niligtas niya sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam anak ni Jehoas.
28 Ang iba nga sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat na kaniyang ginawa, at ang kaniyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na nangaukol sa Juda, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
Tungkol sa iba pang mga bagay kay Jeroboam, lahat ng kaniyang ginawa, kaniyang kapangyarihan, paano siya nakipagdigma at nabawi ang Damasco at Hamat, na pag-aari noon ng Juda, para sa Israel, hindi ba nasusulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel?
29 At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, sa makatuwid baga'y ng mga hari sa Israel; at si Zacharias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
Nahimlay si Jeroboam kasama ng kaniyang mga ninuno, kasama ang mga hari ng Israel, at si Zecarias ang kaniyang anak ang naging hari kapalit niya.