< 2 Mga Cronica 7 >
1 Nang makatapos nga ng pananalangin si Salomon, ang apoy ay lumagpak mula sa langit, at sinupok ang handog na susunugin at ang mga hain; at napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
Ngayon pagkatapos manalangin ni Solomon, bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon ang mga handog na susunugin at ang mga Alay, at pinuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang tahanan.
2 At ang mga saserdote ay hindi mangakapasok sa bahay ng Panginoon, sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon.
Hindi makapasok ang mga pari sa tahanan ni Yahweh, dahil pinuno ng kaniyang kaluwalhatian ang kaniyang tahanan.
3 At ang lahat na mga anak ni Israel ay nagsitingin, nang ang apoy ay lumagpak, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nasa bahay; at sila'y nangagpatirapa sa lupa sa pabimento, at nagsisamba, at nangagpasalamat sa Panginoon, na nagsisipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
Tumingin ang lahat ng mga tao ng Israel nang bumaba ang apoy at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay nasa tahanan. Yumuko sila na nakasayad ang kanilang mga mukha sa sahig na bato, sumamba, at nagpasalamat kay Yahweh. Sinabi nila, “Sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang tipan ng katapatan ay magpakailanman.”
4 Nang magkagayo'y ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng hain sa harap ng Panginoon.
Kaya naghandog ang hari at ang lahat ng tao ng mga alay kay Yahweh.
5 At ang haring Salomon ay naghandog ng hain sa dalawangpu't dalawang libong baka, at isang daan at dalawangpung libong tupa. Gayon ang hari at ang buong bayan ay nagtalaga sa bahay ng Dios.
Naghandog ng alay si Haring Solomon ng dalawampung libong mga baka at 120, 000 na mga tupa at mga kambing. Kaya inihandog ng hari at ng lahat ng mga tao ang tahanan ng Diyos.
6 At ang mga saserdote ay nagsitayo ayon sa kanilang mga katungkulan; gayon din ang mga Levita na may mga panugtog ng tugtugin ng Panginoon, na ginawa ni David na hari na ipinagpasalamat sa Panginoon, (sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man), nang si David ay dumalangin sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa: at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak sa harap nila, at ang buong Israel ay tumayo.
Tumayo ang mga pari, nakatayo ang bawat isa kung saan sila naglilingkod; ganoon din ang mga Levita dala ang mga kagamitan ng musika ni Yahweh na ginawa ni David sa pagbibigay ng mga pasasalamat kay Yahweh sa awitin, “Mananatili ang kaniyang tipan ng kasunduan magpakailanman.” Nagpatunog ng mga trumpeta ang lahat ng pari sa harap nila; at tumayo ang lahat ng Israelita.
7 Bukod dito'y itinalaga ni Salomon ang gitna ng looban na nasa harap ng bahay ng Panginoon; sapagka't doon niya inihandog ang mga handog na susunugin, at ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, sapagka't ang tansong dambana na ginawa ni Salomon ay hindi makakaya sa handog na susunugin, at sa handog na harina, at sa taba.
Inihandog ni Solomon ang gitna ng patyo na nasa harap ng tahanan ni Yahweh. Hinandog niya roon ang mga handog na susunugin at ang taba ng handog pangkapayapaan, dahil hindi magkasya sa ginawa niyang altar na tanso ang mga handog na susunudin, ang mga butil na handog, at ang taba.
8 Sa gayo'y ipinagdiwang ang kapistahan nang panahong yaon na pitong araw, ni Salomon, at ng buong Israel na kasama niya, ng totoong malaking kapisanan, mula sa pasukan sa Hamath hanggang sa batis ng Egipto.
Kaya idinaos ni Solomon ang pagdiriwang sa panahong iyon sa loob ng pitong araw, kasama ang buong Israel, isang napakalaking kapulungan, mula sa Lebo Hamat hanggang sa batis ng Ehipto.
9 At sa ikawalong araw ay nagsipagdiwang sila ng dakilang kapulungan: sapagka't kanilang iningatan ang pagtatalaga sa dambana na pitong araw, at ang kapistahan ay pitong araw.
At sa ika-walong araw nagdaos sila ng taimtim na pagtitipon, sapagkat ginawa nila ang paghahandog ng altar sa loob ng pitong araw, at ang pagdiriwang sa loob ng pitong araw.
10 At sa ikadalawangpu't tatlong araw ng ikapitong buwan, ay kaniyang pinauwi ang bayan sa kanilang mga tolda, na galak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng Panginoon kay David, at kay Salomon, at sa Israel na kaniyang bayan.
Sa ika- dalawampu't tatlong araw ng ika-pitong buwan, pina-uwi ni Solomon ang mga tao sa kanilang mga tahanan na may mga pusong masaya at nagagalak dahil sa kabutihan na ipinakita ni Yahweh kay David, kay Solomon, at sa Israel, ang kaniyang mga tao.
11 Ganito tinapos ni Salomon ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari: at lahat na isinaloob ni Salomon gawin sa bahay ng Panginoon, at sa kaniyang sariling bahay, ay nagkawakas ng mabuti.
Sa gayon natapos ni Solomon ang tahanan ni Yahweh at ang kaniyang sariling tahanan. Lahat ng nasa puso ni Solomon na gawin sa tahanan ni Yahweh at sa kaniyang sariling tahanan, matagumpay niyang nagawa.
12 At ang Panginoon ay napakita kay Salomon sa gabi, at sinabi sa kaniya, Aking narinig ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito sa aking sarili na pinakabahay na hainan.
Nagpakita si Yahweh kay Solomon sa gabi at sinabi sa kaniya, “Narinig ko ang iyong panalangin, at pinili ko ang lugar na ito para sa aking sarili bilang isang bahay alayan.
13 Kung aking sarhan ang langit na anopa't huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang na lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan;
Ipagpalagay na isinara ko ang kalangitan upang walang ulan, o kung utusan ko ang mga balang na lamunin ang lupain, o kung magpadala ako ng sakit sa aking mga tao.
14 Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
Sa panahong iyon kung ang aking mga tao na tinawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpapakumbaba, mananalangin, hahanapin ako, at tatalikod sa kanilang masasamang gawain, makikikiibig ako mula sa langit, patatawarin ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.
15 Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.
Ngayon magiging bukas ang aking mga mata at makikinig ang aking mga tainga sa mga panalangin na gagawin sa lugar na ito.
16 Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
Sapagkat pinili ko ngayon at inilaan ang tahanang ito, upang ang aking pangalan ay naroon magpakailanman; at ang aking mga mata at puso ay naroon sa lahat ng panahon.
17 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat na aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan;
At ikaw, kung lalakad ka sa harap ko tulad ng iyong amang si David, na sinusunod ang lahat ng iniutos ko sa iyo at sinusunod ang aking mga panuntunan at mga kautusan,
18 Akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian ayon sa aking itinipan kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake na magpupuno sa Israel.
kung gayon, itatatag ko ang trono ng iyong kaharian, tulad ng sinabi ko sa isang kasunduan kay David na iyong ama, noong sinabi ko, 'Hindi mabibigo kailanman ang isa sa iyong lahi na maging hari ng Israel.'
19 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay, at iiwan ninyo ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harap ninyo, at magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
Ngunit kung tatalikod ka, at iiwanan ang aking mga panuntunan at ang mga kautusan na aking ibinigay sa iyo, at kung sasamba ka sa ibang mga diyos at yumuko sa kanila,
20 Akin ngang bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan, at iwawaksi ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan, at isang kakutyaan sa gitna ng lahat ng mga bayan.
sa panahong iyon ay bubunutin ko sila mula sa aking lupain na ibinigay ko sa kanila; at ang tahanang ito na itinalaga ko sa aking pangalan—palalayasin ko ito mula sa aking harapan, at gagawin ko itong kawikaan at isang katatawanan sa gitna ng lahat ng lahi ng tao.
21 At ang bahay na ito na totoong mataas, bawa't magdaan sa kaniya'y magtataka, at magsasabi, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?
At kahit na ang templong ito sa ngayon ay matayog, magugulat ang lahat na dadaan dito at susutsut. Tatanungin nila, 'Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupain ito at sa tahanang ito?'
22 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang na naglabas sa kanila sa lupain ng Egipto, at nanghawak sa ibang mga dios at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: kaya't kaniyang dinala ang lahat na kasamaang ito sa kanila.
Sasagot ang iba, 'Dahil tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos, na naglabas sa kanilang mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, at bumaling sila sa ibang diyos at yumuko sa kanila at sinamba sila. Iyon ang dahilan kung bakit dinala ni Yahweh ang lahat ng sakunang ito sa kanila.”