< 2 Mga Cronica 6 >
1 Nang magkagayo'y nagsalita si Salomon, Ang Panginoo'y nagsabi na siya'y tatahan sa salimuot na kadiliman,
At sinabi ni Solomon, “Sinabi ni Yahweh na siya ay titira sa makapal na kadiliman,
2 Nguni't ipinagtayo kita ng isang bahay na tahanan, at isang dako na ukol sa iyo na tahanan magpakailan man.
ngunit ipinagtayo kita ng isang matayog na tirahan, isang lugar na titirahan mo magpakailanman.”
3 At ipinihit ng hari ang kaniyang mukha, at binasbasan ang buong kapisanan ng Israel: at ang buong kapisanan ng Israel ay tumayo.
At humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang nakatayo ang buong kapulungan ng Israel.
4 At kaniyang sinabi, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na nagsalita ng kaniyang bibig kay David na aking ama, at tinupad ng kaniyang mga kamay, na sinasabi,
Sinabi niya, “Purihin nawa si Yahweh, ang Diyos ng Israel na nakipag-usap kay David na aking ama, at tinupad ito sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kamay, sinasabi,
5 Mula sa araw na aking ilabas ang aking bayan mula sa lupain ng Egipto, hindi ako pumili ng siyudad mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; o pumili man ako ng sinomang lalake upang maging pangulo sa aking bayang Israel:
'Mula noong araw na inilabas ko ang aking mga tao mula sa lupain ng Ehipto, wala akong piniling lungsod mula sa lahat ng lipi ng Israel kung saan magtatayo ng tahanan, upang naroon ang aking pangalan. Ni hindi ako pumili ng sinumang tao upang maging prinsipe sa aking bayang Israel.
6 Kundi aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay dumoon; aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.
Gayunpaman, pinili ko ang Jerusalem, upang naroon ang aking pangalan, at pinili ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.'
7 Nasa puso nga ni David na aking ama ang ipagtayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
Ngayon nasa puso ni David, na aking ama, na magtayo ng tahanan para sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
8 Nguni't sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, Yamang nasa iyong puso ang ipagtayo ng isang bahay ang aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na inakala mo sa iyong puso;
Ngunit sinabi ni Yahweh kay David, na aking ama, 'Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng tahanan para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso.
9 Gayon ma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang iyong anak na lalabas sa iyong mga balakang ay siyang magtatayo ng bahay na ukol sa aking pangalan.
Gayunpaman, hindi mo dapat itayo ang tahanan; sa halip, ang iyong anak, na manggagaling sa iyong puson, ang siyang magtatayo ng tahanan para sa aking pangalan.'
10 At tinupad ng Panginoon ang kaniyang salita na kaniyang sinalita; sapagka't ako'y bumangon na kahalili ni David na aking ama, at umupo sa luklukan ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at nagtayo ako ng bahay na ukol sa pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
Tinupad ni Yahweh ang salitang kaniyang sinabi, sapagkat bumangon ako kapalit ni David na aking ama, at umupo ako sa trono ng Israel, ayon sa ipinangako ni Yahweh. Ipinatayo ko ang tahanan para sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
11 At doo'y aking inilagay ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa mga anak ni Israel.
Inilagay ko ang kaban doon, kung saan naroon ang kasunduan ni Yahweh, na ginawa niya kasama ang mga tao ng Israel.”
12 At siya'y tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay:
Tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kaniyang mga kamay.
13 (Sapagka't gumawa si Salomon ng isang tungtungang tanso, na may limang siko ang haba, at limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas, at inilagay sa gitna ng looban; at sa ibabaw niyao'y tumayo siya, at lumuhod ng kaniyang mga tuhod sa harap ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit: )
Sapagkat gumawa siya ng tansong entablado, limang siko ang haba, limang siko ang lapad, tatlong siko ang taas. At inilagay niya ito sa gitna ng patyo. Tumayo siya rito at lumuhod sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas niya ang kaniyang mga kamay patungo sa kalangitan.
14 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon ang Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit o sa lupa; na nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na nagsisilakad sa harap mo ng kanilang buong puso:
Sinabi niya, “Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad mo sa langit man o sa lupa, na tumutupad sa tipan at sa tipan ng kasunduan sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo nang kanilang buong puso;
15 Na siyang tumupad sa iyong lingkod na kay David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.
tinupad mo ang iyong pangako sa iyong lingkod na si David na aking ama. Oo, nagsalita ka sa iyong bibig at tinupad mo ito ng iyong kamay, maging sa araw na ito.
16 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin na uupo sa luklukan ng Israel; kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa aking kautusan, gaya ng inilakad mo sa harap ko.
Kaya ngayon, Yahweh, Diyos ng Israel, tuparin mo ang pangako mo sa iyong lingkod na si David na aking ama, noong sinabi niya, 'Hindi ka magkukulang na magkaroon ng lalaki sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung magiging maingat lang ang iyong mga kaapu-apuhan na sumunod sa aking kautusan, tulad ng pagsunod mo sa akin.'
17 Ngayon nga, Oh Panginoon, ang Dios ng Israel, papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David.
Kaya ngayon, Diyos ng Israel, dalangin ko na ang pangako na ginawa mo sa iyong lingkod na si David ay matupad.
18 Nguni't katotohanan bang ang Dios ay tatahang kasama ng mga tao sa lupa? narito, sa langit, at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa nga sa bahay na ito na aking itinayo!
Ngunit talaga bang titira ang Diyos kasama ng mga tao sa lupa? Tingnan, sa buong kalawakan at maging sa kalangitan mismo ay hindi ka magkasiya—gaano pa kaya sa templong ito na aking itinayo!
19 Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod, at ang kaniyang samo, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at ang dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo:
Gayunpaman isaalang-alang mo ang panalanging ito ng iyong lingkod at ang kaniyang kahilingan, Yahweh na aking Diyos; pakinggan mo ang iyak at panalangin na ipinapanalangin ng iyong lingkod sa iyong harapan.
20 Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito araw at gabi, sa makatuwid baga'y sa gawi ng dakong iyong pinagsabihan na iyong ilalagay ang iyong pangalan doon: upang dinggin ang dalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.
Nawa ay maging bukas ang iyong mga mata sa templong ito araw at gabi, sa lugar kung saan sinabi mong paglalagyan mo ng iyong pangalan—upang dinggin ang mga panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa lugar na ito.
21 At dinggin mo ang mga samo ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y dadalangin sa gawi ng dakong ito: oo, dinggin mo mula sa iyong tahanang dako, sa makatuwid baga'y mula sa langit; at pagka iyong narinig ay patawarin mo.
Kaya pakinggan mo ang mga kahilingan ng iyong lingkod at ng iyong mga taong Israel kapag kami ay mananalangin paharap sa lugar na ito. Oo, pakinggan mo mula sa lugar kung saan ka nakatira, mula sa kalangitan; at kapag iyong napakinggan, patawarin mo.
22 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:
Kung magkasala ang isang tao laban sa kaniyang kapwa at kailangan na manumpa ng isang panunumpa, at kung siya ay dumating at manumpa ng isang panunumpa sa harapan ng iyong altar sa tahanang ito,
23 Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo: at patotohanan ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.
dinggin mo mula sa langit at kumilos ka at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang masama, upang parusahan siya ng nararapat sa kaniyang ginawa. At ipahayag mong matuwid ang walang kasalanan, upang ibigay sa kaniya ang gantimpala dahil sa kaniyang pagkamatuwid.
24 At kung ang iyong bayang Israel ay masaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, at magbabalik-loob, at kikilalanin ang iyong pangalan, at mananalangin at mamamanhik sa harap mo sa bahay na ito:
Kapag matalo ng kaaway ang iyong mga taong Israel dahil nagkasala sila sa iyo, kung magbabalik-loob sila sa iyo, at kilalanin ang iyong pangalan, mananalangin, at hihiling ng kapatawaran sa harapan mo sa templong ito—
25 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga magulang.
pakiusap pakinggan mo mula sa kalangitan at patawarin mo ang kasalanan ng iyong mga taong Israel; ibalik mo sila sa lupaing ibinigay mo sa kanila at sa kanilang mga ninuno.
26 Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo: kung sila'y dumalangin sa gawi ng dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinagdadalamhati sila:
Kapag nakasara ang langit at walang ulan dahil nagkasala laban sa iyo ang mga tao—kung mananalangin sila na nakaharap sa lugar na ito, kikilalanin ang iyong pangalan, at tatalikod sa kanilang kasalanan kapag pinahirapan mo sila—
27 Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na kanilang lalakaran; at hulugan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.
dinggin mo sa langit at patawarin mo ang kasalanan ng iyong mga lingkod at ng iyong mga taong Israel, kapag pangungunahan mo sila sa mabuting daang dapat nilang lakaran. Magpadala ka ng ulan sa iyong lupain na ibinigay mo sa iyong mga tao bilang mana nila.
28 Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkalanta o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot o anomang sakit na magkaroon;
Ipagpalagay na may taggutom sa lupain, o ipagpalagay na may sakit, tagtuyot o amag, mga balang o mga uod; o ipagpalagay na sasalakayin ng mga kaaway ang mga tarangkahan ng lungsod sa kanilang lupain, o na may anumang salot o karamdaman—
29 Anomang dalangin at samo na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, pagka makikilala ng bawa't isa ang kaniyang sariling salot at ang kaniyang sariling sakit, at igagawad ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:
at ipagpalagay natin na nanalangin at humiling ang isang tao o ang lahat ng iyong tao sa Israel—na nalalaman ng bawat isa ang salot at kalungkutan sa kaniyang sariling puso habang itinataas ang kaniyang mga kamay tungo sa templong ito.
30 Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at iyong ipatawad, at gantihin mo ang bawa't tao, ng ayon sa lahat niyang mga lakad, na ang puso ay iyong natataho: (sapagka't ikaw, sa makatuwid baga'y ikaw lamang, ang nakatataho ng mga puso ng mga anak ng mga tao; )
Kung gayon, pakinggan mo mula sa langit, ang lugar kung saan ka nakatira; patawarin mo, at gantimpalaan mo ang bawat tao sa lahat ng kaniyang kaparaanan; alam mo ang kaniyang puso, sapagkat tanging ikaw lamang ang nakakaalam sa puso ng mga tao.
31 Upang sila'y mangatakot sa iyo, upang magsilakad sa iyong mga daan, samantalang sila'y nangabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.
Gawin mo ito upang sila ay matakot sa iyo, upang sila ay lumakad sa iyong mga kaparaanan sa lahat ng araw na sila ay nabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno.
32 Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig; pagka sila'y magsisiparito at magsisidalangin sa dako ng bahay na ito:
Dagdag pa rito, tungkol sa dayuhang hindi kabilang sa iyong mga taong Israel: kapag siya ay dumating mula sa malayong bansa dahil sa iyong dakilang pangalan, sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong nakataas na bisig; kapag sila ay dumating at mananalangin patungo sa tahanang ito—
33 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na itawag sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, at mangatakot sa iyo, na gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
sa panahong iyon pakiusap pakinggan mo mula sa kalangitan, sa lugar kung saan ka nakatira, at gawin mo ang anumang hihilingin ng dayuhan sa iyo, upang malaman ng lahat ng lahi sa mundo ang iyong pangalan, upang matakot sila sa iyo, katulad ng iyong mga taong Israel, at upang malaman nila na ang tahanang ito na itinayo ko ay tinatawag sa iyong pangalan.
34 Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kanilang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa iyo sa dako ng bayang ito na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
Ipagpalagay nating lumabas ang iyong mga tao upang makipagdigma laban sa kanilang mga kaaway, sa anumang kaparaanang ipadadala mo sila, at ipagpalagay nating nananalangin sila patungo sa lungsod na ito na iyong pinili, at patungo sa tahanang itinayo ko sa iyong pangalan.
35 Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang samo, at alalayan mo ang kanilang usap.
Sa panahong iyon pakinggan mo mula sa kalangitan ang kanilang panalangin, ang kanilang kahilingan, at tulungan sa kanilang layunin.
36 Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala, ) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa isang lupaing malayo o malapit;
Ipagpalagay na nagkasala sila laban sa iyo—yamang walang sinuman ang hindi nagkakasala—at ipagpalagay na galit ka sa kanila at ibibigay mo sila sa kanilang kaaway, upang dalhin sila ng kaaway at gawin silang mga bihag sa kanilang lupain, maging malayo man o malapit.
37 Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at sumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sasabihin, Kami ay nangagkasala, kami ay nagsigawa ng kalikuan, at nagsigawa ng kasamaan;
At ipagpalagay na napagtanto nila na sila ay nasa lupain kung saan sila ay sapilitang dinala, at ipagpalagay na nagsisi sila at humingi ng pabor mula sa iyo sa lupain ng kanilang pagkakabihag. Ipagpalagay na sasabihin nila, 'Naging matigas ang aming ulo at nagkasala kami. Gumawa kami ng kasamaan.'
38 Kung sila'y nangagbalik-loob sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang pagkabihag, saan man sila dalhing bihag, at manalangin sa dako ng kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, at ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
Ipagpalagay na sila ay magbabalik-loob sa iyo nang buong puso nila at buong kaluluwa nila sa lupain kung saan sila binihag, kung saan sila dinala bilang mga bihag, at ipagpalagay na mananalangin sila tungo sa kanilang lupain, na ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, at tungo sa lungsod na iyong pinili, at tungo sa tahanan na aking itinayo para sa iyong pangalan.
39 Dinggin mo nga sa langit, sa makatuwid baga'y sa iyong tahanang dako, ang kanilang dalangin at ang kanilang mga pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.
Sa panahong iyon makinig ka mula sa kalangitan, sa lugar kung saan ka nakatira, sa kanilang panalangin at kanilang mga kahilingan, at tulungan sila sa kanilang adhikain. Patawarin mo ang iyong mga tao, na nagkasala sa iyo.
40 Ngayon, Oh Dios ko, isinasamo ko sa iyo na iyong idilat ang iyong mga mata, at pakinggan ng iyong mga pakinig ang dalangin na gawin sa dakong ito.
Ngayon, aking Diyos, nagmamakaawa ako sa iyo, buksan mo ang iyong mga mata, at ang iyong mga tainga na dinggin ang panalangin na ginawa sa lugar na ito.
41 Ngayon nga'y bumangon ka, Oh Panginoong Dios, sa iyong pahingahang dako, ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan: suutan mo ng kaligtasan, Oh Panginoong Dios, ang iyong mga saserdote, at ang iyong mga banal ay mangagalak sa kabutihan.
Kaya ngayon tumindig, Yahweh na Diyos, pumunta ka sa iyong lugar ng pahingahan, ikaw at ang kaban ng iyong lakas, suotan mo ng kaligtasan, Yahweh na Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan.
42 Oh Panginoon, Dios, huwag mong papihitin ang mukha ng iyong pinahiran ng langis: alalahanin mo ang iyong mga kaawaan kay David na iyong lingkod.
Yahweh na Diyos, huwag mong italikod ang mukha ng iyong pinili mula sa iyo. Alalahanin mo ang iyong tipan ng katapatan kay David, na iyong lingkod.”