< 2 Mga Cronica 5 >

1 Ganito natapos ang gawaing ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama; sa makatuwid baga'y ang pilak, at ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios.
Kaya natapos ang lahat ng gawain na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh. Dinala ni Solomon ang mga bagay na inialay ni David na kaniyang ama, kabilang ang pilak, ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay ang mga ito sa mga silid-imbakan ng tahanan ng Diyos.
2 Nang magkagayo'y pinulong ni Salomon ang mga matanda ng Israel, at ang lahat na pangulo ng mga lipi, ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel, sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bayan ni David na siyang Sion.
Pagkatapos, tinipon ni Solomon sa Jerusalem ang mga nakatatanda ng Israel, ang lahat ng mga pinuno ng mga lipi, at ang mga pinuno ng mga angkan ng mga tao sa Israel, upang kunin ang kaban ng tipan ni Yahweh mula sa lungsod ni David, ang Zion.
3 At ang lahat na lalake ng Israel ay nangakipagpulong sa hari sa kapistahan, na sa ikapitong buwan.
Lahat ng kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa pagdiriwang, na ginaganap sa ikapitong buwan.
4 At ang lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon; at pinasan ng mga Levita ang kaban;
Dumating ang lahat ng mga nakatatanda ng Israel, at binuhat ng mga Levita ang kaban.
5 At kanilang iniahon ang kaban, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nangasa Tolda; ang mga ito'y iniahon ng mga saserdote na mga Levita.
Dinala nila ang kaban, ang toldang tipanan at ang lahat ng banal na kasangkapan na nasa loob ng tolda. Dinala ng mga pari na kabilang sa tribu ni Levi ang mga bagay na ito.
6 At ang haring Salomon at ang buong kapisanan ng Israel, na nangakipagpulong sa kaniya, ay nangasa harap ng kaban na nagsisipaghain ng mga tupa at mga baka, na hindi masasaysay o mabibilang man dahil sa karamihan.
Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel ay nagtipon sa harapan ng kaban, na nag-aalay ng mga tupa at mga baka na hindi mabilang.
7 At ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ng Panginoon sa dako niyaon, sa loob ng sanggunian ng bahay, sa kabanalbanalang dako, sa makatuwid baga'y sa ilalim ng mga pakpak ng mga querubin.
Dinala ng mga pari ang kaban ng tipan ni Yahweh sa lagayan nito, sa loobang silid ng tahanan, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.
8 Sapagka't ibinubuka ng mga querubin ang kanilang mga pakpak sa dako ng kaban, at ang mga querubin ay nagsisitakip sa kaban, at sa mga pingga niyaon sa ibabaw.
Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa kinaroroonan ng kaban, at tinakpan ng mga ito ang kaban at ang mga pasanan nito.
9 At ang mga pingga ay nangapakahaba na ang mga dulo ng mga pingga ay nakikita mula sa kaban sa harap ng sanggunian: nguni't hindi nangakikita sa labas: at nandoon hanggang sa araw na ito.
Ang mga pasanan ay napakahaba at ang mga dulo nito ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng silid na nasa loob, ngunit hindi nila ito nakikita mula sa labas. Naroon pa rin ang mga ito hanggang sa araw na ito.
10 Walang anomang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises sa Horeb, nang ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y magsilabas sa Egipto.
Walang laman ang kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay roon ni Moises sa Horeb noong si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa mga tao ng Israel nang makalabas sila sa Ehipto.
11 At nangyari, nang ang mga saserdote ay magsilabas sa banal na dako (sapagka't ang lahat na saserdote na nangahaharap ay nangagpakabanal, at hindi sinunod ang kanilang pagkakahalihalili;
Nangyari na ang mga pari ay lumabas mula sa dakong banal. Inilaan ng lahat ng mga paring naroon ang kanilang mga sarili kay Yahweh; pinangkat sila ayon sa kanilang pagkakabaha-bahagi.
12 Ang mga Levita rin naman na mga mangaawit, silang lahat, sa makatuwid baga'y si Asaph, si Heman, si Jeduthun, at ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga kapatid na may suot na mainam na kayong lino, na may mga simbalo at mga salterio at mga alpa, ay nangakatayo sa dakong sulok na silanganan ng dambana, at kasama nila'y isang daan at dalawang pung saserdote na nagpapatunog ng mga pakakak: )
Maging ang mga Levitang mga mang-aawit, lahat sila, kabilang sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang lalaking anak at ang kanilang mga kapatid na lalaki ay nakadamit ng pinong lino at tumutugtog ng mga pompiyang, mga alpa, at mga lira, na nakatayo sa silangang dulo ng altar. Kasama nila ang 120 pari na umiihip ng mga trumpeta.
13 Nangyari nga, nang ang mga nangagpapakakak at mga mangaawit ay nangagkakatugma, upang mangagpatunog ng isang tunog na maririnig sa pagdalangin at pasasalamat sa Panginoon; at nang kanilang itaas ang kanilang tinig na katugma ng mga pakakak, at mga simbalo, at mga panugtog ng tugtugin at magsipuri sa Panginoon, na magsipagsabi, Sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man: na nang magkagayo'y ang bahay ay napuno ng ulap; sa makatuwid bagay ang bahay ng Panginoon,
Nangyari na ang mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang gumawa ng musika, tumutugtog nang iisang tunog na maririnig para sa pagpupuri at pagpapasalamat kay Yahweh. Nilakasan nila ang kanilang mga tinig kasama ng mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang mga instrumento, at pinuri nila si Yahweh. Umawit sila, “Sapagkat siya ay mabuti, sapagkat ang kaniyang katapatan sa kaniyang kasunduan ay nananatili magpakailanman.” At ang tahanan, na tahanan ni Yahweh ay napuno ng ulap.
14 Na anopa't ang mga saserdote ay hindi mangakatayo na mangakapangasiwa dahil sa ulap: sapagka't napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Dios.
Ang mga pari ay hindi makatayo sa loob upang maglingkod dahil sa ulap, sapagkat pinuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan.

< 2 Mga Cronica 5 >