< 2 Mga Cronica 34 >

1 Si Josias ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong pu't isang taon sa Jerusalem.
Walong taong gulang si Josias nang magsimula siyang maghari. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem.
2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, at lumakad ng mga lakad ni David na kaniyang magulang, at hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa.
Ginawa niya kung ano ang tama sa mga mata ni Yahweh at sumunod sa mga yapak ni David na kaniyang ninuno, at hindi lumingon sa kanan man o sa kaliwa.
3 Sapagka't sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kaniyang pinasimulang hinanap ang Dios ni David na kaniyang magulang: at sa ikalabing dalawang taon ay kaniyang pinasimulang nilinis ang Juda at Jerusalem na inalis ang mga mataas na dako, at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo.
Dahil sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari, habang siya ay bata pa, sinimulan niyang hanapin ang Diyos ni David na kaniyang ninuno. Sa ikalabing dalawang taon, sinimulan niyang linisin ang Juda at Jerusalem mula sa mga dambana, mga imahen ni Ashera, at mga inukit na mga imahe, at ang mga molde ng imahe na gawa sa metal.
4 At kanilang ibinagsak ang mga dambana ng mga Baal sa kaniyang harapan; at ang mga larawang araw na nasa ibabaw nila, ay kaniyang ibinagsak; at ang mga Asera, at ang mga larawang inanyuan, at ang mga larawang binubo, ay kaniyang pinagputolputol, at dinurog, at isinabog sa mga libingan ng nangaghain sa kanila.
Giniba ng mga tao ang mga altar ng mga Baal sa kaniyang harapan. Binasag niya ang mga altar ng insenso na nasa ibabaw nila. Giniba niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga inukit naimahe sa pira-piraso hanggang sa maging abo ang mga ito. Ikinalat niya ang abo sa mga libingan ng mga taong nag-alay sa mga ito.
5 At sinunog niya ang mga buto ng mga saserdote sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem.
Sinunog niya ang mga buto ng kanilang mga pari sa kanilang mga altar. Sa ganitong paraan, nilinis niya ang Juda at ang Jerusalem.
6 At gayon ang ginawa niya sa mga bayan ng Manases at Ephraim at Simeon, hanggang sa Nephtali, sa kanilang mga guho sa palibot.
Ginawa rin niya ito sa mga lungsod ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, at sa mga nawasak na lugar na nakapalibot sa kanila.
7 At kaniyang ibinagsak ang mga dambana at pinukpok ang mga Asera at ang mga larawang inanyuan ay dinurog, at pinagputolputol ang lahat na larawang araw sa buong lupain ng Israel, at nagbalik sa Jerusalem.
Giniba niya ang mga altar, dinurog ang mga imahen ni Ashera at ang mga inukit na imahe hanggang sa naging pulbos ang mga ito, at hinati-hati ang lahat ng altar ng insenso sa lahat ng dako ng lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem.
8 Sa ikalabing walong taon nga ng kaniyang paghahari, nang kaniyang malinis ang lupain, at ang bahay, ay kaniyang sinugo si Saphan na anak ni Asalias, at si Maasias na tagapamahala ng bayan, at si Joah na anak ni Joachaz na kasangguni, upang husayin ang bahay ng Panginoon niyang Dios.
Ngayon sa ikalabing-walong taon ng kaniyang paghahari, matapos linisin ni Josias ang lupain at ang templo, ipinadala niya si Safan na anak ni Azalias, si Maasias, ang gobernador ng lungsod, at si Joas na anak ni Joahaz na nakalihim upang ipaayos ang tahanan ni Yahweh na kaniyang Diyos.
9 At sila'y nagsiparoon kay Hilcias na dakilang saserdote at ibinigay ang salapi na napasok sa bahay ng Dios, na nakuha ng mga Levita, na mga tagatanod-pinto, sa kamay ng Manases at ng Ephraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, at sa buong Juda, at Benjamin, at sa mga taga Jerusalem.
Pumunta sila kay Hilkias, ang pinakapunong pari at ipinagkatiwala sa kaniya ang pera na dinala sa tahanan ng Diyos na tinipon ng mga Levita, ng mga bantay ng mga pintuan mula sa Manases at Efraim, mula sa lahat ng mga naninirahan sa Israel, mula sa buong Juda at Benjamin at mula sa mga naninirahan sa Jerusalem.
10 At kanilang ibinigay sa kamay ng mga manggagawa na siyang namamahala sa bahay ng Panginoon; at ibinigay ng mga manggagawa ng bahay ng Panginoon upang husayin at pagtibayin ang bahay;
Ipinagkatiwala nila ang pera sa mga kalalakihang namamahala sa mga gawain sa templo ni Yahweh. Binayaran ng mga kalalakihang ito ang mga manggagawang nag-ayos muli ng templo.
11 Sa makatuwid baga'y sa mga anluwagi at sa mga nagtatayo ibinigay nila, upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga kahoy na panghalang, at upang ipaggawa ng mga sikang sa mga bahay na giniba ng mga hari, sa Juda.
Ibinayad nila ito sa mga karpentero at mga manggagawa, upang bumili ng mga tabas na bato, at mga kahoy na panghalang at para gumawa ng mga barakilan para sa mga gusali na pinabayaan ng ilang mga hari na magiba.
12 At ginawa ng mga lalake na may pagtatapat ang gawain: at ang mga tagapamahala ng mga yaon ay si Jahath at si Abdias, na mga Levita, sa mga anak ni Merari; at si Zacharias at si Mesullam, sa mga anak ng mga Coathita, upang ipagpatuloy: at ang iba sa mga Levita, lahat na bihasa sa mga panugtog ng tugtugin.
Ginawa ng mga kalalakihan ang kanilang trabaho nang tapat. Ang kanilang mga tagapamahala ay sina Jahat at Obadias, ang mga Levita, na mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga taga-Kohat. Ang ibang mga Levita, na mahuhusay na manunugtog ay pinamahalaan ang mga trabahador.
13 Nasa mga tagadala ng mga pasan naman sila, at pinamamahalaan ang lahat na nagsisigawa ng gawain sa sarisaring paglilingkod: at sa mga Levita ay may mga kalihim, at mga pinuno, at mga tagatanod-pinto.
Ang mga Levitang ito ang namahala sa mga nagbuhat ng mga materyales na kinakailangan sa gawain at sa lahat ng mga kalalakihang nagtrabaho sa kahit na anong paraan. Mayroon ding mga Levita na mga kalihim, mga administrador at mga bantay ng tarangkahan.
14 At nang kanilang ilalabas ang salapi na napasok sa bahay ng Panginoon, nasumpungan ni Hilcias na saserdote ang aklat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.
Nang inilabas nila ang salapi na ipinasok sa tahanan ni Yahweh, natagpuan ni Hilkias na pari Ang Aklat ng Kautusan ni Yahweh na ibinigay sa pamamagitan ni Moises.
15 At si Hilcias ay sumagot, at sinabi niya kay Saphan na kalihim: Aking nasumpungan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon, At ibinigay ni Hilcias ang aklat kay Saphan.
Sinabi ni Hilkias sa eskribang si Safan, “Natagpuan ko ang Aklat ng Kautusan sa tahanan ni Yahweh.” Dinala ni Hilkias ang aklat kay Safan.
16 At dinala ni Saphan ang aklat sa hari, at bukod dito'y nagdala ng salita sa hari, na sinasabi, Lahat na ipinamahala sa iyong mga lingkod, ay kanilang ginagawa.
Dinala ni Safan ang aklat sa hari at ibinalita sa kaniya, “Ginagawa ng inyong mga lingkod ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanila.
17 At kanilang ibinubo ang salapi na nasumpungan sa bahay ng Panginoon, at ibinigay sa kamay ng mga tagapamahala, at sa kamay ng mga manggagawa.
Ibinuhos nila ang salaping natagpuan sa loob ng tahanan ni Yahweh, at ipinagkatiwala nila ito sa mga tagapamahala at sa mga trabahador.”
18 At sinaysay ni Saphan na kalihim sa hari, na sinasabi, Si Hilcias na saserdote ay nagbigay sa akin ng isang aklat. At binasa ni Saphan sa harap ng hari.
Sinabi ng eskribang si Safan sa hari, “Binigyan ako ng paring si Hilkias ng isang aklat.” Pagkatapos ay binasa ito ni Safan sa hari.
19 At nangyari, nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, na kaniyang hinapak ang kaniyang suot.
At nangyari nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kaniyang mga kasuotan.
20 At ang hari ay nagutos kay Hilcias, at kay Ahicham na anak ni Saphan, at kay Abdon na anak ni Micha, at kay Saphan na kalihim, at kay Asaia na lingkod ng hari, na kaniyang sinasabi,
Inutusan ng hari si Hilkias, si Ahikam na anak ni Safan, si Abdon na anak ni Mica, sa eskribang si Safan, at si Asias na kaniyang sariling lingkod, sinabi niya,
21 Kayo'y magsiyaon, isangguni ninyo ako sa Panginoon, at silang naiwan sa Israel, at sa Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na nasumpungan: sapagka't malaki ang pagiinit ng Panginoon na nabugso sa atin, sapagka't hindi iningatan ng ating mga magulang ang salita ng Panginoon, upang gawin ayon sa lahat na nasusulat sa aklat na ito.
“Pumunta kayo at itanong ninyo ang kagustuhan ni Yahweh para sa akin at para sa mga naiwan sa Israel at sa Juda dahil sa mga salita ng aklat na natagpuan. Sapagkat malaki ang galit ni Yahweh na ibinuhos sa atin. Dahil ang ating mga ninuno ay hindi nakinig sa mga salita ng aklat na ito upang sundin ang lahat ng nakasulat dito.”
22 Sa gayo'y si Hilcias at silang pinagutusan ng hari, nagsiparoon kay Hulda na propetisa, na asawa ni Sallum na anak ni Tikoath, na anak ni Hasra, na tagapagingat ng silid ng kasuutan; (siya nga'y tumahan sa Jerusalem sa ikalawang pook; ) at kanilang sinabi sa kanila sa gayong paraan.
Kaya si Hilkias at ang lahat ng inutusan ng hari ay pumunta kay Hulda na isang babaeng propeta, ang asawa ni Sallum na anak ni Tokat na anak ni Hasra, ang tagapag-ingat ng kasuotan (nanirahan siya sa Jerusalem sa Ikalawang Distrito) at nakipag-usap sila sa kaniya sa ganitong paraan:
23 At sinabi niya sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Saysayin ninyo sa lalake na nagsugo sa inyo sa akin.
Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Sabihin ninyo sa taong nagpadala sa inyo sa akin,
24 Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito, at sa mga tagarito, sa makatuwid baga'y lahat ng sumpa na nangakasulat sa aklat na kanilang nabasa sa harap ng hari sa Juda:
“Ito ang sinasabi ni Yahweh: 'Tingnan ninyo, magpapadala ako ng sakuna sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, ang lahat ng mga sumpang naisulat sa aklat na kanilang nabasa sa harapan ng hari ng Juda.
25 Sapagka't kanilang pinabayaan ako, at nagsunog ng kamangyan sa ibang mga dios, upang mungkahiin nila ako sa galit ng lahat na gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking pagiinit ay nabugso sa dakong ito, at hindi mapapawi.
Dahil tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin ako sa lahat ng kanilang mga ginawa—kung gayon ibubuhos ko ang aking galit sa lugar na ito, at hindi ito mapapawi.”'
26 Nguni't sa hari sa Juda, na nagsugo sa inyo upang magusisa sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,
Ngunit sa hari ng Juda, na siyang nagpadala sa inyo upang tanungin ang kagustuhan ni Yahweh, ito ang sasabihin ninyo sa kaniya: “Ito ang sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang narinig mo:
27 Sapagka't ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakababa sa harap ng Dios ng iyong marinig ang kaniyang mga salita laban sa dakong ito, at laban sa mga tagarito; at ikaw ay nagpakababa sa harap ko, at hinapak mo ang iyong suot, at umiyak sa harap ko; dininig naman kita, sabi ng Panginoon.
'dahil malambot ang iyong puso at nagpakumbaba ka sa harapan ng Diyos nang marinig mo ang kaniyang mga salita laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, at dahil nagpakumbaba ka sa aking harapan at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak sa aking harapan, nakinig din ako sa iyo'—ito ang pahayag ni Yahweh.
28 Narito, ipipisan kita sa iyong mga magulang, at ikaw ay mapipisan na payapa sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat na kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito, at sa mga tagarito. At sila'y nagbalik ng salita sa hari.
'Tingnan mo, titipunin kita kasama ng iyong mga ninuno at magsasama-sama kayo sa inyong libingan nang payapa, at hindi mo makikita ang anuman sa mga sakunang ibibigay ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito."”” Kaya dinala ng mga kalalakihan ang mensaheng ito sa hari.
29 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at pinisan ang lahat na matanda sa Juda at sa Jerusalem.
Pagkatapos nagpadala ng mga mensahero ang hari at tinipon ang lahat ng mga nakatatanda ng Juda at Jerusalem.
30 At sumampa ang hari sa bahay ng Panginoon, at ang lahat na lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem, at ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang buong bayan, malaki at gayon din ang maliit: at kaniyang binasa sa kanilang mga pakinig ang lahat na salita ng aklat ng tipan na nasumpungan sa bahay ng Panginoon.
Pagkatapos ay umakyat ang hari sa tahanan ni Yahweh, at ang lahat ng mga tao sa Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem, ang mga pari, ang mga Levita, at ang lahat ng tao mula sa mga dakila hanggang sa mga hamak. Binasa niya sa kanila ang lahat ng salita ng Aklat ng Kautusan na natagpuan sa tahanan ni Yahweh.
31 At ang hari ay tumayo sa kaniyang dako, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon, at upang ingatan ang kaniyang mga utos, at ang kaniyang mga patotoo, at ang kaniyang mga palatuntunan, ng buong puso niya, at ng buong kaluluwa niya, upang tuparin ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito.
Tumayo ang hari sa kaniyang lugar at nakipagtipan sa harap ni Yahweh, na susunod siya kay Yahweh, at susundin niya ang kaniyang mga kautusan, ang kaniyang tipan ng katapatan, at ang kaniyang mga batas nang buong puso at kaluluwa, na susundin niya ang mga salita ng kasunduan na nakasulat sa aklat na ito.
32 At kaniyang pinapanayo sa tipan ang lahat na nasumpungan sa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga taga Jerusalem ang ayon sa tipan ng Dios ng kanilang mga magulang.
Pinanumpa niya ang lahat ng taong matatagpuan Jerusalem at Benjamin na sumunod sa kasunduan. Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay sumunod sa kasunduan ng Diyos, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
33 At inalis ni Josias ang lahat na karumaldumal sa lahat ng lupain na ukol sa mga anak ni Israel, at pinapaglingkod ang lahat na nangasumpungan sa Israel, upang mangaglingkod nga sa Panginoon nilang Dios. Lahat ng mga kaarawan niya ay hindi sila nagsihiwalay sa pagsunod sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
Tinanggal ni Josias ang lahat ng mga kasuklam-suklam na bagay mula sa mga lupain na pagmamay-ari ng mga Israelita. Pinasamba niya ang lahat ng mga Israelita kay Yahweh, na kanilang Diyos. Sa lahat ng kaniyang mga araw, hindi sila tumalikod sa pagsunod kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

< 2 Mga Cronica 34 >