< 2 Mga Cronica 28 >
1 Si Achaz ay may dalawangpung taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at hindi siya gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, na gaya ni David na kaniyang magulang.
2 Kundi siya'y lumakad ng mga lakad ng mga hari sa Israel, at iginawa rin naman ng mga larawang binubo ang mga Baal.
3 Bukod dito'y nagsunog siya ng kamangyan sa libis ng anak ni Hinnom, at sinunog ang kaniyang mga anak sa apoy, ayon sa mga karumaldumal ng mga bansa, na mga pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.
4 At siya'y naghain at nagsunog ng kamangyan sa mga mataas na dako, at sa mga burol, at sa ilalim ng bawa't punong kahoy na sariwa.
5 Kaya't ibinigay ng Panginoon niyang Dios siya sa kamay ng hari sa Siria; at sinaktan nila siya, at tumangay sa kaniya ng isang malaking karamihang bihag, at mga dinala sa Damasco. At siya nama'y nabigay sa kamay ng hari sa Israel na siyang sumakit sa kaniya ng malaking pagpatay.
6 Sapagka't si Peca na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isang daan at dalawangpung libo sa isang araw, silang lahat ay mga matapang na lalake; sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang.
7 At pinatay ni Zichri, na makapangyarihang lalake sa Ephraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa bahay, at si Elcana na pangalawa ng hari.
8 At ang mga anak ni Israel ay nagsipagdala ng bihag sa kanilang mga kapatid na dalawang daang libo, mga babae, mga anak na lalake at babae, at nagsipaglabas din ng maraming samsam na mula sa kanila, at dinala ang samsam sa Samaria.
9 Nguni't isang propeta ng Panginoon ay nandoon, na ang pangalan ay Obed: at siya'y lumabas na sinalubong ang hukbo na dumarating sa Samaria, at sinabi sa kanila, Narito, sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga magulang, ay naginit sa Juda, ay ibinigay niya sila sa inyong kamay, at inyong pinatay sila sa isang pagaalab ng loob na umaabot hanggang sa langit.
10 At ngayo'y inyong inaakalang pasukuin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem na maging pinaka aliping lalake at babae sa inyo: wala ba kayong pagsalangsang sa inyong sarili laban sa Panginoon ninyong Dios?
11 Ngayo'y dinggin nga ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag, na inyong kinuhang bihag sa inyong mga kapatid: sapagka't ang malaking pagiinit ng Panginoon ay dumating sa inyo.
12 Nang magkagayo'y ilan sa mga pangulo sa mga anak ni Ephraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berachias na anak ni Mesillemoth at si Ezechias na anak ni Sallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikipagdigma,
13 At sinabi sa kanila, Huwag kayong magsisipagdala ng mga bihag dito: sapagka't inyong inaakala na magdala sa atin ng pagsalangsang laban sa Panginoon, upang idagdag sa ating mga kasalanan at sa ating mga pagsalangsang: sapagka't ang ating pagsalangsang ay malaki, at may malaking pagiinit laban sa Israel.
14 Sa gayo'y iniwan ng mga lalaking may sakbat ang mga bihag at ang mga samsam sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan.
15 At ang mga lalaking nasaysay sa pangalan ay nagsitindig, at kinuha ang mga bihag, at sa samsam ay binihisan ang lahat na hubad sa kanila, at dinamtan at sinapatusan, at mga pinakain at pinainom, at mga pinahiran ng langis, at dinala ang lahat na mahina sa kanila na nakasakay sa mga asno, at mga dinala sa Jerico, na bayan ng mga puno ng palma, sa kanilang mga kapatid: saka nagsibalik sila sa Samaria.
16 Nang panahong yao'y nagsugo ang haring Achaz sa mga hari sa Asiria upang tulungan siya.
17 Sapagka't nagsiparoon uli ang mga Idumeo at sinaktan ang Juda, at dinalang bihag.
18 Nilusob naman ng mga Filisteo ang mga bayan ng mababang lupain, at ang Timugan ng Juda, at sinakop ang Beth-semes, at ang Ajalon, at ang Gederoth, at ang Socho pati ang mga nayon niyaon, at ang Timna pati ang mga nayon niyaon, ang Gimzo man at ang mga nayon niyaon: at sila'y nagsitahan doon.
19 Sapagka't ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Achaz na hari sa Israel; sapagka't hinubaran ang Juda, at sumalangsang na mainam laban sa Panginoon.
20 At si Tilgath-pilneser na hari sa Asiria ay naparoon sa kaniya, at ginipit siya, nguni't hindi siya pinalakas.
21 Sapagka't si Achas ay kumuha ng bahagi sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari at sa mga prinsipe, at ibinigay sa hari sa Asiria: nguni't hindi siya tinulungan.
22 At sa panahon ng kaniyang kagipitan ay lalo pa manding sumalangsang siya laban sa Panginoon, ang hari ring ito na si Achaz.
23 Sapagka't siya'y naghain sa mga dios ng Damasco, na sumakit sa kaniya: at sinabi niya, Sapagka't tinulungan sila ng mga dios ng mga hari sa Siria, kaya't ako'y maghahain sa kanila, upang tulungan nila ako. Nguni't sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.
24 At pinisan ni Achaz ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at pinagputolputol ang mga sisidlan ng bahay ng Dios, at isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon; at siya'y gumawa sa kaniya ng mga dambana sa bawa't sulok ng Jerusalem.
25 At sa bawa't iba't ibang bayan ng Juda ay gumawa siya ng mga mataas na dako upang pagsunugan ng kamangyan sa mga ibang dios, at minungkahi sa galit ang Panginoon, ang Dios ng kaniyang mga magulang.
26 Ang iba nga sa kaniyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, na una at huli, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.
27 At si Achaz ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan, sa Jerusalem; sapagka't hindi nila dinala siya sa mga libingan ng mga hari sa Israel: at si Ezechias na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.