< 2 Mga Cronica 20 >

1 At nangyari, pagkatapos nito, na ang mga anak ni Moab, at ang mga anak ni Ammon, at pati ng iba sa mga Ammonita, ay naparoon laban kay Josaphat upang makipagbaka.
At nangyari pagkatapos nito, ang mga tao sa Moab at Ammon, kasama ang ilang mga Meunita ay dumating upang makipagdigma laban kay Jehoshafat.
2 Nang magkagayo'y nagsiparoon ang iba na nagsipagsaysay kay Josaphat, na nagsasabi, May lumalabas na isang lubhang karamihan laban sa iyo na mula sa dako roon ng dagat na mula sa Siria; at, narito, sila'y nangasa Hasason-tamar (na siyang Engedi).
At may ilang dumating na nagsabi kay Jehoshafat, “May isang malaking grupo ng mga tao ang paparating laban sa iyo mula sa ibayo ng Dagat na Patay, sa Aram. Tingnan mo, sila ay nasa Hazazon-tamar” (ito ay ang En-gedi).
3 At si Josaphat ay natakot, at tumalagang hanapin ang Panginoon; at siya'y nagtanyag ng ayuno sa buong Juda.
Natakot si Jehoshafat at itinalaga niya ang kaniyang sarili upang hanapin si Yahweh. Nagpahayag siya ng pag-aayuno sa buong Juda.
4 At ang Juda'y nagpipisan, upang huminging tulong sa Panginoon: sa makatuwid baga'y mula sa lahat na bayan ng Juda ay nagsiparoon upang hanapin ang Panginoon.
Nagtipun-tipon ang Juda upang hanapin si Yahweh; dumating sila upang hanapin si Yahweh mula sa lahat ng lungsod ng Juda.
5 At si Josaphat ay tumayo sa kapisanan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng Panginoon, sa harap ng bagong looban;
Tumayo si Jehoshafat sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa tahanan ni Yahweh, sa harap ng bagong patyo.
6 At kaniyang sinabi, Oh Panginoon, na Dios ng aming mga magulang, di ba ikaw ay Dios sa langit? at di ba ikaw ay puno sa lahat na kaharian ng mga bansa? at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at lakas, na anopa't walang makahaharap sa iyo.
Sinabi niya, “Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno, hindi ba ikaw ang Diyos ng kalangitan? At hindi ba ikaw ang namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Ang kapangyarihan at kalakasan ay nasa iyong kamay, kaya walang sinuman ang makakatalo sa iyo.
7 Di mo ba pinalayas, Oh aming Dios, ang mga nananahan sa lupaing ito sa harap ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailan man?
Aming Diyos, hindi ba ikaw ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito bago ang bayan mong Israel upang ibigay ito magpakailanman sa mga kaapu-apuhan ni Abraham?
8 At nagsitahan sila roon at ipinagtayo ka ng santuario roon na ukol sa iyong pangalan, na sinasabi,
Nanirahan sila dito at ipinagpatayo ka ng isang banal na lugar para sa iyong ngalan, nagsasabi,
9 Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak ng kahatulan, o salot, o kagutom, kami ay magsisitayo sa harap ng bahay na ito, at sa harap mo, (sapagka't ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito, ) at kami ay dadaing sa iyo sa aming pagdadalamhati, at kami ay iyong didinggin at ililigtas.
“Kung dumating ang sakuna sa amin, ang tabak ng paghatol, o karamdaman, o tag-gutom, kami ay tatayo sa harap ng tahanang ito, at sa harap mo (dahil ang iyong ngalan ay nasa tahanang ito), at kami ay dadaing sa iyo sa aming mga paghihirap, at maririnig mo kami at ililigtas.
10 At ngayon, narito, ang mga anak ni Ammon at ni Moab, at ng sa bundok ng Seir na hindi mo ipinalusob sa Israel, nang sila'y magsilabas sa lupain ng Egipto, kundi kanilang nilikuan sila, at hindi sila nilipol;
Ngayon tingnan mo, narito ang mga tao ng Ammon, Moab, at Bundok ng Seir, na hindi mo hinayaang malusob ng Israel nang sila ay umalis sa lupain ng Ehipto, sa halip, tumalikod sa kanila ang Israel at hindi sila winasak.
11 Tingnan mo, kung paanong sila'y gumaganti sa amin, na nagsisiparito upang palayasin kami sa iyong pag-aari, na iyong ibinigay sa amin upang manahin.
Tingnan mo kung paano nila kami gantihan; sila ay darating upang palayasin kami sa iyong lupain na ibinigay mo sa amin upang manahin.
12 Oh aming Dios, hindi mo ba hahatulan sila? sapagka't wala kaming kaya laban sa malaking pulutong na ito na naparirito laban sa amin, ni hindi man nalalaman namin kung anong marapat gawin; nguni't ang aming mga mata ay nasa iyo.
Aming Diyos, hindi mo ba sila hahatulan? Dahil wala kaming kakayahan laban sa malaking hukbo na ito na paparating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang aming gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nasa iyo.”
13 At ang buong Juda ay tumayo sa harap ng Panginoon, pati ang kanilang mga bata, ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak.
Lahat ng Juda ay tumayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang kanilang mga sanggol, mga asawang babae, at mga anak.
14 Nang magkagayo'y dumating kay Jahaziel na anak ni Zacharias, na anak ni Benaias, na anak ni Jeiel, na anak ni Mathanias na Levita, sa mga anak ni Asaph ang Espiritu ng Panginoon sa gitna ng kapisanan;
At sa kalagitnaan ng kapulungan, ang espiritu ni Yahweh ay dumating kay Jahaziel na lalaking anak ni Zacarias na lalaking anak ni Benaias na lalaking anak ni Jeiel na lalaking anak ni Matanias, na isang Levita, isa sa mga lalaking anak ni Asaf.
15 At kaniyang sinabi, Dinggin ninyo, buong Juda, at ninyong mga taga Jerusalem, at ikaw na haring Josaphat: ganito ang sabi ng Panginoon sa inyo, Huwag kayong mangatakot, o manglupaypay man dahil sa malaking karamihang ito; sapagka't ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Dios.
Sinabi ni Jahaziel, “Makinig, lahat ng Juda at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ito ang sinasabi sa inyo ni Yahweh: 'Huwag kayong matakot, huwag kayong panghinaan ng loob dahil sa malaking hukbo na ito. Dahil ang laban ay hindi sa inyo kundi sa Diyos.
16 Bukas ay magsilusong kayo laban sa kanila: narito, sila'y nagsiahon sa ahunan ng Sis; at inyong masusumpungan sila sa dulo ng libis, sa harap ng ilang ng Jeruel.
Kailangan ninyong bumaba laban sa kanila bukas. Tingnan ninyo, sila ay paparating mula sa daan ng Ziz. Makikita ninyo sila sa dulo ng lambak, bago ang ilang sa Jeruel.
17 Kayo'y hindi magkakailangan na makipaglaban sa pagbabakang ito: magsilagay kayo, magsitayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagliligtas, ng Panginoon na kasama ninyo, Oh Juda at Jerusalem: huwag kayong mangatakot, o manganglupaypay man: bukas ay magsilabas kayo laban sa kanila; sapagka't ang Panginoon ay sumasa inyo.
Hindi ninyo kailangang makipaglaban sa labanan na ito. Manatili lamang kayo sa inyong kinatatayuan, manatiling nakatayo, at makikita ninyo ang pagliligtas ni Yahweh sa inyo, mga Juda at Jerusalem. Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob. Lumabas kayo laban sa kanila bukas, dahil kasama ninyo si Yahweh.”
18 At itinungo ni Josaphat ang kaniyang ulo sa lupa: at ang buong Juda at ang mga taga Jerusalem ay nangagpatirapa sa harap ng Panginoon, na nagsisamba sa Panginoon.
Yumuko si Jehoshafat na ang kaniyang mukha ay nasa lupa. At ang lahat ng Judah at mga naninirahan sa Jerusalem ay lumuhod sa harap ni Yahweh na nagpupuri sa kaniya.
19 At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Coathita at sa mga anak ng mga Coraita; ay nagsitayo upang purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ng totoong malakas na tinig.
Ang mga Levita, ang mga angkan ni Kohat at Korah ay tumayo upang papurihan si Yahweh, ang Diyos ng Israel na may napakalakas na tinig.
20 At sila'y nagsibangong maaga sa kinaumagahan, at nagsilabas sa ilang ng Tecoa: at habang sila'y nagsisilabas, si Josaphat ay tumayo, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Juda, at ninyong mga taga Jerusalem; sumampalataya kayo sa Panginoon ninyong Dios, sa gayo'y matatatag kayo; sumampalataya kayo sa kaniyang mga propeta, sa gayo'y giginhawa kayo.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay gumising na sila at lumabas patungo sa disyerto ng Tekoa. Sa kanilang pag-alis, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, “Makinig kayo sa akin, Juda, at kayo na mga naninirahan sa Jeruslaem! Magtiwala kayo kay Yahweh, ang inyong Diyos, at kayo ay tutulungan. Magtiwala kayo sa kaniyang mga propeta, at kayo ay magtatagumpay.”
21 At nang siya'y makakuhang payo sa bayan, kaniyang inihalal sa kanila ang magsisiawit sa Panginoon at magsisipuri sa ganda ng kabanalan habang sila'y nagsisilabas na nagpapauna sa hukbo at magsipagsabi, Mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't ang kaniyang kaawaan ay magpakailan man.
Nang masabihan niya ang mga tao, itinalaga niya ang mga aawit kay Yahweh at magpupuri para sa kaniyang banal na kaluwalhatian, na mauuna bago ang mga hukbo, at magsasabi, “Pasalamatan si Yahweh; dahil ang kaniyang tipan ng katapatan mananatili magpakailanman.”
22 At nang sila'y mangagpasimulang magsiawit at magsipuri, ang Panginoon ay naglagay ng mga bakay laban sa mga anak ni Ammon, ni Moab, at ng sa bundok ng Seir, na nagsiparoon laban sa Juda; at sila'y nangasugatan.
Nang nagsimula silang umawit at magpuri, nagtalaga si Yahweh ng mga kalalakihang lihim na sasalakay sa mga tao ng Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na paparating laban sa Juda. Sila ay natalo.
23 Sapagka't ang mga anak ni Ammon at ni Moab ay nagsitayo laban sa mga taga bundok ng Seir, upang lubos na magsipatay at lipulin sila: at nang sila'y makatapos sa mga taga bundok ng Seir, bawa't isa'y tumulong na lumipol sa iba.
Dahil ang mga tao ng Ammon at Moab ay dumating upang labanan ang mga naninirahan sa Bundok ng Seir, upang tuluyan silang patayin at wasakin. Nang matapos sila sa mga naninirahan ng Bundok ng Seir, nagtulungan silang lahat upang wasakin ang bawat isa.
24 At nang ang Juda ay dumating sa bantayang moog sa ilang, sila'y nagsitingin sa karamihan; at, narito, mga bangkay na nangakabuwal sa lupa, at walang nakatanan.
Nang makarating ang Juda sa isang lugar kung saan natatanaw ang disyerto, nakita nila ang mga hukbo. Sila ay patay na, nakahandusay sa lupa; walang nakaligtas.
25 At nang si Josaphat at ang kaniyang bayan ay magsiparoon upang kunin ang samsam sa kanila, kanilang nasumpungan sa kanila na sagana ay mga kayamanan at mga bangkay, at mga mahahalagang hiyas na kanilang mga sinamsam para sa kanilang sarili, na higit kay sa kanilang madala: at sila'y nagsidoon na tatlong araw, sa pagkuha ng samsam, na totoong marami.
Nang lumapit si Jehoshafat at ang kaniyang mga tao upang mangsamsam sa kanila, nakita nila ang napakaraming kayamanan at mahahalagang hiyas na kanilang sinamsam para sa kanilang mga sarili, higit pa sa kaya nilang buhatin. Umabot sila ng tatlong araw upang makuha ang mga nasamsam, napakarami nito.
26 At nang ikaapat na araw, sila'y nagpupulong sa libis ng Baracah; sapagka't doo'y kanilang pinuri ang Panginoon: kaya't ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Libis ng Baracah, hanggang sa araw na ito.
Sa ika-apat na araw, nagtipun-tipon sila sa lambak ng Beracah. Doon sila nagpuri kay Yahweh, kaya ang pangalan ng lugar na iyon ay “Lambak ng Beracah” hanggang sa araw na ito.
27 Nang magkagayo'y nagsibalik sila, bawa't lalake sa Juda, at sa Jerusalem, at si Josaphat ay sa unahan nila, upang bumalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagka't sila'y pinapagkatuwa ng Panginoon sa kanilang mga kaaway.
Pagkatapos, sila ay bumalik, bawat kalalakihan ng Juda at Jerusalem, at sa pangunguna sa kanila ni Jehoshafat sila ay bumalik sa Jerusalem ng may galak; sapagkat pinagalak sila Yahweh sa kanilang mga kaaway.
28 At sila'y nagsiparoon sa Jerusalem na may mga salterio at mga alpa, at mga pakakak sa bahay ng Panginoon.
Dumating sila sa Jerusalem at sa tahanan ni Yahweh na may mga lira, alpa, at trumpeta.
29 At ang takot sa Dios ay napasa lahat na kaharian ng mga lupain, nang kanilang mabalitaang ang Panginoon ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.
Ang malaking takot sa Diyos ay nasa lahat ng kaharian ng mga bansa nang kanilang marinig na si Yahweh ang nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel.
30 Sa gayo'y ang kaharian ni Josaphat ay natahimik: sapagka't binigyan siya ng kaniyang Dios ng kapahingahan sa palibot.
Kaya ang kaharian ni Jehoshafat ay tahimik, sapagkat binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa palibot niya.
31 At si Josaphat ay naghari sa Juda: siya'y may tatlong pu't limang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang pu't limang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.
Si Jehoshafat ang naghari sa Juda: siya ay nasa tatlumput' limang taong gulang nang siya ay nagsimulang maghari, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawamput' limang taon. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Azuba, ang babaeng anak ni Silhi.
32 At siya'y lumakad ng lakad ni Asa na kaniyang ama, at hindi siya lumiko sa paggawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon.
Lumakad siya sa mga kaparaanan ni Asa, ang kaniyang ama; hindi niya tinalikuran ang mga ito; ginawa niya kung ano ang tama sa paningin ni Yahweh.
33 Gayon ma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ni inilagak pa man ng bayan ang kanilang puso sa Dios ng kanilang mga magulang.
Gayunman, ang mga altar ay hindi pa inaalis o ni hindi pa itinuon ng mga tao ang kanilang mga puso sa Diyos ng kanilang mga ninuno.
34 Ang iba nga sa mga gawa ni Josaphat, na una at huli, narito, nangakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel.
Para sa iba pang mga bagay tungkol kay Jehoshafat, mula una at hanggang sa huli, tingnan, nakasulat ito sa kasaysayan ni Jehu na lalaking anak ni Hanani, na nakatala sa Aklat ng mga Hari ng Israel.
35 At pagkatapos nito ay nakipisan si Josaphat na hari sa Juda kay Ochozias na hari sa Israel; na siyang gumawa ng totoong masama:
Pagkatapos nito, si Jehoshafat, ang hari ng Juda ay nakipagkasundo kay Ahazias, ang hari ng Israel, na nagsasagawa ng labis na kasamaan.
36 At siya'y nakipisan sa kaniya upang gumawa ng mga sasakyang dagat na magsisiparoon sa Tharsis: at kanilang ginawa ang mga sasakyan sa Esion-geber.
Nakipagkasundo siya sa kaniya upang gumawa ng mga barkong pangkaragatan. Ginawa nila ang mga barko sa Ezion-geber.
37 Nang magkagayo'y si Eliezer na anak ni Dodava sa Mareosah ay nanghula laban kay Josaphat, na kaniyang sinabi, Sapagka't ikaw ay nakipisan kay Ochozias, giniba ng Panginoon ang iyong mga gawa. At ang mga sasakyan ay nangabasag, na anopa't sila'y hindi na makaparoon sa Tharsis.
At si Eliezer, ang lalaking anak ni Dodavahu sa Maresa ay nagpahayag ng propesiya laban kay Jehoshafat; sinabi niya, “Dahil nakipagkasundo ka kay Ahazias, winasak ni Yahweh ang inyong mga ginawa.” Winasak ang mga barko kaya hindi sila nakapaglayag.

< 2 Mga Cronica 20 >