< 1 Timoteo 6 >
1 Ang lahat ng mga alipin na nangasa ilalim ng pamatok ay ariin ang kanilang mga panginoon na karapatdapat sa buong kapurihan, upang ang pangalan ng Dios at ang aral ay huwag malapastangan.
2 At ang mga may panginoong nagsisisampalataya, ay huwag mayamot sa kanila, sapagka't sila'y pawang magkakapatid; kundi bagkus paglingkuran nila silang mabuti, sapagka't nagsisipanampalataya at mga minamahal ang mga nagsisitanggap ng kapakinabangan. Iyong ituro at iaral ang mga bagay na ito.
3 Kung ang sinoma'y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan;
4 Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala.
5 Pagtataltalan ng mga taong masasama ang pagiisip at salat sa katotohanan, na nagsisipagakala na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.
6 Datapuwa't ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking kapakinabangan:
7 Sapagka't wala tayong dinalang anoman sa sanglibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anoman;
8 Nguni't kung tayo'y may pagkain at pananamit ay masisiyahan na tayo doon.
9 Datapuwa't ang mga nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan.
10 Sapagka't ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.
11 Datapuwa't ikaw, Oh tao, ng Dios, tumakas ka sa mga bagay na ito, at sumunod ka sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis, sa kaamuan.
12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan, na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi. (aiōnios )
13 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios na bumubuhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus, na sa harapan ni Poncio Pilato ay sumaksi ng mabuting pagpapahayag;
14 Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesucristo:
15 Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;
16 Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: sumakaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan. Siya nawa. (aiōnios )
17 Ang mayayaman sa sanglibutang ito, ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pagiisip, at huwag umasa sa mga kayamanang di nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak; (aiōn )
18 Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi;
19 Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay.
20 Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na ilagan mo ang mga usapan na walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng maling tawag na kaalaman;
21 Na palibhasa'y pinaniwalaan ng ilan ay nangasinsay tungkol sa pananampalataya. Ang biyaya ay sumainyo nawa.