< 1 Timoteo 4 >

1 Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio,
Ngayon maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon may mga taong tatalikod sa pananampalataya at sila ay makikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo
2 Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga;
sa kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ang kanilang mga budhi ay mamarkahan.
3 Na ipinagbabawal ang pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at nangakakaalam ng katotohanan.
Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at pagtanggap ng mga pagkaing nilikha ng Diyos upang ipamahagi ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan.
4 Sapagka't ang bawa't nilalang ng Dios ay mabuti, at walang anomang nararapat na itakuwil, kung tinatanggap na may pagpapasalamat:
Sapagkat lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang anuman na tinatanggap natin nang may pasasalamat ang dapat na tanggihan.
5 Sapagka't pinakababanal sa pamamagitan ng salita ng Dios at ng pananalangin.
Sapagkat inihahandog ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.
6 Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon:
Kung iyong ilalagay ang mga bagay na ito sa harapan ng mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Jesu-Cristo. Sapagkat ikaw ay pinalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at sa pamamagitan ng mabuting katuruan na iyong sinunod.
7 Datapuwa't itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan:
Ngunit tanggihan mo ang mga maka-mundong kuwento na gustong-gusto ng mga matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-diyos.
8 Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.
Sapagkat ang pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, ngunit ang pagiging maka-diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay. Ito ay may pinanghahawakang pangako ngayon at sa buhay na darating.
9 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat.
Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at lubos na katanggap-tanggap.
10 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka't may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.
Sapagkat dahil dito tayo ay nagsusumikap at gumagawang mainam. Sapagkat may pagtitiwala tayo sa buhay na Diyos, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya.
11 Ang mga bagay na ito'y iyong iutos at ituro.
Ipahayag mo at ituro ang mga bagay na ito.
12 Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.
Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan.
13 Hanggang ako'y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo.
Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero.
Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda.
15 Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat.
Ingatan mo ang mga bagay na ito. manatili ka sa mga ito, upang makita ang iyong pag-unlad ng lahat ng mga tao.
16 Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.
Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.

< 1 Timoteo 4 >