< 1 Samuel 9 >
1 May isang lalake nga sa Benjamin, na ang pangala'y Cis, na anak ni Abiel, na anak ni Seor, na anak ni Bechora, na anak ni Aphia, na anak ng isang Benjamita, na isang makapangyarihang lalake na may tapang.
2 At siya'y may isang anak na lalake, na ang pangala'y Saul, isang bata at makisig: at sa mga anak ni Israel ay walang lalong makisig na lalake kay sa kaniya: mula sa kaniyang mga balikat at hanggang sa paitaas ay lalong mataas siya kay sa sinoman sa bayan.
3 At ang mga asno ni Cis na ama ni Saul ay nawala. At sinabi ni Cis kay Saul na kaniyang anak, Ipagsama mo ngayon ang isa sa mga bataan, at ikaw ay tumindig, at hanapin mo ang mga asno.
4 At siya'y nagdaan sa lupaing maburol ng Ephraim, at nagdaan sa lupain ng Salisa, nguni't hindi nila nangasumpungan: nang magkagayo'y nagdaan sila sa lupain ng Saalim, at wala roon: at sila'y nagdaan sa lupain ng mga Benjamita, nguni't hindi nila nangasumpungan doon.
5 Nang sila'y dumating sa lupain ng Suph, ay sinabi ni Saul sa kaniyang bataan na kasama niya, Halina at bumalik tayo, baka walaing bahala ng aking ama ang mga asno at ang alalahanin ay tayo.
6 At sinabi niya sa kaniya, Narito, may isa ngang lalake ng Dios sa bayang ito, at siya'y isang lalaking may dangal; lahat ng kaniyang sinasabi ay tunay na nangyayari: ngayo'y pumaroon tayo; marahil ay masasaysay niya sa atin ang tungkol sa ating paglalakbay kung saan tayo paroroon.
7 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Nguni't narito, kung tayo'y pumaroon, ano ang ating dadalhin sa lalake? sapagka't naubos na ang tinapay sa ating mga buslo, at wala na tayong madadalang kaloob sa lalake ng Dios: anong mayroon tayo?
8 At sumagot uli ang bataan kay Saul, at nagsabi, Narito, mayroon ako sa aking kamay na ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak: iyan ang aking ibibigay sa lalake ng Dios, upang saysayin sa atin ang ating paglalakbay.
9 (Nang una sa Israel, pagka ang isang lalake ay mag-uusisa sa Dios, ay ganito ang sinasabi, Halika, at tayo'y pumaroon sa tagakita: sapagka't yaon ngang tinatawag na Propeta ngayon ay tinatawag nang una na Tagakita.)
10 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang bataan, Mabuti ang sinasabi mo; halika, tayo'y pumaroon. Sa gayo'y naparoon sila sa bayang kinaroroonan ng lalake ng Dios.
11 Samantalang inaahon nila ang ahunan sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, Narito ba ang tagakita?
12 At sila'y sumagot sa kanila, at nagsabi, Siya'y nariyan, narito, nasa unahan mo: magmadali kayo ngayon, sapagka't siya'y naparoon ngayon sa bayan; sapagka't ang bayan ay may hain ngayon sa mataas na dako.
13 Pagkapasok ninyo sa bayan, ay agad masusumpungan ninyo siya, bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain; sapagka't ang bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagka't kaniyang binabasbasan ang hain; at pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga umahon kayo; sapagka't sa oras na ito'y inyong masusumpungan siya.
14 At sila'y umahon sa bayan; at pagpasok nila sa bayan, narito, si Samuel ay nasasalubong nila, na papaahon sa mataas na dako.
15 Inihayag nga ng Panginoon kay Samuel isang araw bago si Saul ay naparoon, na sinasabi,
16 Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalake na mula sa lupain ng Benjamin, at iyong papahiran siya ng langis upang maging pangulo sa aking bayang Israel; at kaniyang ililigtas ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo: sapagka't aking tiningnan ang aking bayan, dahil sa ang kanilang daing ay sumapit sa akin.
17 At nang makita ni Samuel si Saul, ay sinabi ng Panginoon sa kaniya, Narito ang lalake na aking sinalita sa iyo! ito nga ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan.
18 Nang magkagayo'y lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, Isinasamo ko sa iyo na saysayin mo sa akin, kung saan nandoon ang bahay ng tagakita.
19 At sumagot si Samuel kay Saul, at nagsabi, Ako ang tagakita; umahon kang magpauna sa akin sa mataas na dako, sapagka't kakain kang kasalo ko ngayon: at sa kinaumagahan ay payayaunin kita, at sasaysayin ko sa iyo ang lahat na nasa loob mo.
20 At tungkol sa iyong mga asno na may tatlong araw ng nawawala ay huwag mong alalahanin; sapagka't nasumpungan na. At kanino ang buong pagnanasa sa Israel? Hindi ba sa iyo, at sa buong sangbahayan ng iyong ama?
21 At si Saul ay sumagot, at nagsabi, Hindi ba ako Benjamita, sa pinakamaliit na lipi ng Israel? at ang aking angkan ang pinakamababa sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? bakit nga nagsasalita ka sa akin ng ganitong paraan?
22 At ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kaniyang bataan, at ipinasok niya sila sa kabahayan, at pinaupo sila sa pinakapangulong dako sa gitna niyaong mga naanyayahan, na may tatlong pung katao.
23 At sinabi ni Samuel sa tagapagluto, Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, Ilagay mo ito sa iyo.
24 At itinaas nga ng tagapagluto ang hita, at yaong nakapatong, at inilagay sa harap ni Saul. At sinabi ni Samuel, Narito, siya ngang itinago! ilagay mo sa harap mo at iyong kanin; sapagka't iningatan sa takdang panahon na ukol sa iyo, sapagka't aking sinabi, Aking inanyayahan ang bayan. Sa gayo'y kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na yaon.
25 At nang sila'y makalusong sa bayan mula sa mataas na dako, siya'y nakipagpulong kay Saul sa bubungan ng bahay.
26 At sila'y bumangong maaga: at nangyari sa pagbubukang liwayway, na tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, na sinasabi, Bangon, upang mapagpaalam kita. At si Saul ay bumangon, at lumabas kapuwa sila, siya at si Samuel.
27 At nang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan, ay sinabi ni Samuel kay Saul, Sabihin mo sa bataang magpauna sa atin (at siya'y nagpauna, ) nguni't tumigil ka sa oras na ito, upang maiparinig ko sa iyo ang salita ng Dios.