< 1 Samuel 21 >
1 Nang magkagayo'y naparoon si David sa Nob kay Ahimelech na saserdote: at sinalubong si David ni Ahimelech na nanginginig, at sinabi sa kaniya, Bakit ka nagiisa, at walang taong kasama ka?
Pagkatapos dumating si David sa Nob upang makita si Ahimelec na pari. Dumating si Ahimelec upang makipagkita kay David na nanginginig at sinabi sa kanyang, “Bakit ka nag-iisa at walang kasama?”
2 At si David ay nagsabi kay Ahimelech na saserdote, Inutusan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, Huwag maalaman ng sinoman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking iniutos sa iyo: at aking inilagay ang mga bataan sa gayo't gayong dako.
Sinabi ni David kay Ahimelec na pari, “Ipinadala ako ng hari para sa misyon at sinabi sa akin, 'Huwag hayaang malaman ninuman ang kahit anong tungkol sa bagay na ipapadala ko sa iyo at kung ano ang iniutos ko sa iyo.' Inutusan ko ang mga binata sa isang tiyak na lugar.
3 Ngayon nga anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay sa aking kamay, o anomang mayroon ka.
Ngayon sa gayon anong mayroon sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang hati ng tinapay o kahit anong narito.”
4 At sumagot ang saserdote kay David, at nagsabi, Walang karaniwang tinapay sa aking kamay, nguni't mayroong banal na tinapay; kung disin ang mga bataan ay magpakalayo lamang sa mga babae.
Sinagot ng pari si David at sinabing, “Walang karaniwang tinapay sa ngayon pero mayroong banal na tinapay—kung iningatan ng mga binata ang kanilang sarili mula sa mga babae.”
5 At sumagot si David sa saserdote, at nagsabi sa kaniya, Sa katotohanan ang mga babae ay nalayo sa amin humigit kumulang sa tatlong araw na ito; nang ako'y lumabas ang mga daladalahan ng mga bataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakad; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga daladalahan?
Sinagot ni David ang pari, “Tiyak na iniwas ang mga babae mula sa amin sa loob ng tatlong araw na ito. Nang lumabas ako, inihandog kay Yahweh ang mga katawan ng mga binata, kahit na karaniwang paglalakbay iyon. Paano pa kaya ngayon maihahandog pa ba ang mga katawan nila kay Yahweh?”
6 Sa gayo'y binigyan siya ng saserdote ng banal na tinapay: sapagka't walang tinapay roon, kundi tinapay na handog, na kinuha sa harap ng Panginoon, upang lagyan ng tinapay na mainit sa araw ng pagkuha.
Kaya ibinigay ng pari sa kanya ang tinapay na inilaan kay Yahweh. Dahil walang tinapay doon, tanging ang tinapay lang ng presensiya, na inalis mula sa harapan ni Yahweh, upang makapaglagay ng mainit na tinapay kapalit nito kapag inalis na ito.
7 Isang lalake nga sa mga lingkod ni Saul ay naroon nang araw na yaon, na pinigil sa harap ng Panginoon: at ang kaniyang pangalan ay Doeg na Idumeo, na pinakapuno ng mga pastor na nauukol kay Saul.
Ngayon naroon ang isa sa mga lingkod ni Saul sa araw na iyon, katanggap-tanggap siya sa harap ni Yahweh. Si Doeg na taga-Edom ang pangalan niya, ang pinuno ng mga pastol ni Saul.
8 At sinabi ni David kay Ahimelech, At wala ka ba sa iyong kamay na sibat o tabak? sapagka't hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bagay ng hari ay madalian.
Sinabi ni David kay Ahimelec, “Ngayon wala bang alinmang sibat o espada dito? Sapagkat hindi ko dinala ang aking espada ni aking mga sandata dahil mabilisan ang usapin ng hari.”
9 At sinabi ng saserdote, Ang tabak ni Goliath na Filisteo, na iyong pinatay sa libis ng Ela, narito, nabibilot sa isang kayo na nasa likod ng epod: kung iyong kukunin yaon, kunin mo: sapagka't walang iba rito liban yaon. At sinabi ni David, Walang ibang gaya niyaon; ibigay mo sa akin.
Sinabi ng pari, “Ang espada ni Goliat na Pelistina, na pinatay mo sa lambak ng Ela, ay narito na nakabalot sa isang tela sa likod ng efod. Kung gusto mong kunin iyon, kunin mo, dahil wala ng ibang sandata dito.” Sinabi ni David, “Wala ng ibang espada tulad ng isang iyon; ibigay mo ito sa akin.”
10 At tumindig si David, at tumakas nang araw na yaon dahil sa takot kay Saul, at naparoon kay Achis na hari sa Gath.
Tumayo si David at tumakas ng araw na iyon mula kay Saul at nagpunta kay Aquis na hari ng Gat.
11 At sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kaniya, Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba pinagaawitanan siya sa mga sayaw, na sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksalaksa?
Sinabi ng mga lingkod ni Aquis sa kanya, “Hindi ba si David ito, ang hari ng lupain? Hindi ba kumakanta sila sa isa't-isa tungkol sa kanya sa mga sayawan, 'Pinatay ni Saul ang kanyang libo-libo, at pinatay ni David ang kanyang sampung libo?'”
12 At iningatan ni David ang mga salitang ito sa kaniyang puso, at natakot na mainam kay Achis na hari sa Gath.
Isinapuso ni David ang mga salitang ito at sobrang natakot kay Aquisna hari ng Gat.
13 At kaniyang binago ang kaniyang kilos sa harap nila at nagpakunwaring ulol sa kanilang mga kamay, at nagguhit sa mga pinto ng pintuang-daan, at pinatulo ang kaniyang laway sa kaniyang balbas.
Binago niya ang kanyang pag-uugali at nagkunwaring baliw sa harap nila; gumawa siya ng mga palatandaan sa mga pintuan ng tarangkahan at hinayaan ang kanyang laway na tumulo sa kanyang balbas.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kaniyang mga lingkod, Narito, tingnan ninyo ang lalake ay ulol: bakit nga ninyo dinala siya sa akin?
Pagkatapos sinabi ni Aquis sa kanyang mga lingkod, “Tingnan ninyo, makikita ninyong baliw ang lalaki. Bakit ninyo siya dinala sa akin?
15 Kulang ba ako ng mga ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kaululan sa aking harapan? papasok ba ang taong ito sa aking bahay?
Kulang na ba ako sa mga taong baliw, kaya dinala ninyo ang taong ito upang umastang kagaya nitong nasa piling ko? Talaga bang papasok ang taong ito sa aking bahay?”