< 1 Samuel 11 >
1 Nang magkagayo'y umahon si Naas na Ammonita at humantong laban sa Jabes-galaad: at sinabi kay Naas ng lahat na lalake sa Jabes, Makipagtipan ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.
2 At sinabi ni Naas na Ammonita sa kanila, Sa ganitong paraan gagawin ko sa inyo, na ang lahat ninyong kanang mata ay dukitin; at aking ilalagay na pinakapintas sa buong Israel.
3 At sinabi ng mga matanda sa Jabes sa kaniya, Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpasugo ng mga sugo sa lahat ng mga hangganan ng Israel; at kung wala ngang magliligtas sa amin, lalabasin ka namin.
4 Nang magkagayo'y pumaroon ang mga sugo sa Gabaa kay Saul at sinalita ang mga salitang ito sa mga pakinig ng bayan: at ang buong bayan ay naglakas ng tinig at umiyak.
5 At, narito, sinusundan ni Saul ang mga baka sa bukid; at sinabi ni Saul, Anong mayroon ang bayan na sila'y umiiyak? At kanilang isinaysay ang mga salita ng mga lalake sa Jabes.
6 At ang Espiritu ng Dios ay makapangyarihan suma kay Saul nang kaniyang marinig ang mga salitang yaon, at ang kaniyang galit ay nagalab na mainam.
7 At siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka, at kaniyang kinatay, at ipinadala niya sa lahat ng mga hangganan ng Israel sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo, na sinasabi, Sinomang hindi lumabas na sumunod kay Saul at kay Samuel, ay ganyan ang gagawin sa kaniyang mga baka. At ang takot sa Panginoon ay nahulog sa bayan, at sila'y lumabas na parang iisang tao.
8 At binilang niya sila sa Bezec; at ang mga anak ni Israel, ay tatlong daang libo, at ang mga lalake ng Juda ay tatlong pung libo.
9 At sinabi nila sa mga sugo na naparoon, Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalake sa Jabes-galaad, Bukas sa kainitan ng araw, ay magtataglay kayo ng kaligtasan. At naparoon ang mga sugo at isinaysay sa mga lalake sa Jabes; at sila'y natuwa.
10 Kaya't sinabi ng mga lalake sa Jabes, Bukas ay lalabasin namin kayo at inyong gagawin sa amin ang lahat na inyong inaakalang mabuti sa inyo.
11 At naging gayon sa kinabukasan, na inilagay ni Saul ang bayan ng tatlong pulutong; at sila'y pumasok sa gitna ng kampamento sa pagbabantay sa kinaumagahan at sinaktan ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw: at nangyari, na ang mga nalabi ay nangalat, na anopa't walang naiwang dalawang magkasama.
12 At sinabi ng bayan kay Samuel, Sino yaong nagsasabi, Maghahari ba si Saul sa amin? dalhin dito ang mga taong yaon upang aming patayin sila.
13 At sinabi ni Saul, Walang taong papatayin sa araw na ito; sapagka't ngayo'y gumawa ang Panginoon ng pagliligtas sa Israel.
14 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa bayan, Halikayo at tayo'y paroon sa Gilgal, at ating baguhin ang kaharian doon.
15 At ang buong bayan ay naparoon sa Gilgal; at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harap ng Panginoon; at doo'y naghain sila ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon; at si Saul at ang lahat ng mga lalake sa Israel ay nagalak na mainam doon.