< 1 Samuel 10 >
1 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis, at ibinuhos sa ulo niya, at hinagkan niya siya, at sinabi, Hindi ba ang Panginoon ang nagpahid sa iyo ng langis upang maging prinsipe ka sa kaniyang mana?
2 Paghiwalay mo sa akin ngayon, ay masusumpungan mo nga ang dalawang lalake sa siping ng libingan ni Rachel, sa hangganan ng Benjamin sa Selsah; at sasabihin nila sa iyo, Ang mga asno na iyong hinahanap ay nasumpungan na; at, narito, niwalang bahala ng iyong ama ang mga asno, at ang inaalaala ay kayo, na sinasabi, Paano ang aking gagawin sa aking anak?
3 Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor; at masasalubong ka roon ng tatlong lalake na inaahon ang Dios sa Beth-el, ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, at ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak:
4 At babatiin ka nila, at bibigyan ka ng dalawang tinapay, na iyong tatanggapin sa kanilang kamay.
5 Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Dios, na nandoon ang isang pulutong ng mga Filisteo: at mangyayari pagdating mo roon sa bayan, na makakasalubong ka ng isang pulutong na mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may salterio, at pandereta, at flauta, at alpa sa harap nila; at sila'y magsisipanghula.
6 At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sasaiyo, at manghuhula kang kasama nila, at ikaw ay magiging ibang lalake.
7 At mano nawa, na pagka ang mga tandang ito ay mangyari sa iyo, na gawin mo ang idudulot ng pagkakataon; sapagka't ang Dios ay sumasaiyo.
8 At ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, narito, lulusungin kita, upang maghandog ng mga handog na susunugin, at maghain ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan: pitong araw na maghihintay ka, hanggang sa ako'y pumaroon sa iyo, at ituro sa iyo kung ano ang iyong gagawin.
9 At nangyaring gayon, na nang kaniyang matalikdan na iwan niya si Samuel, ay binigyan siya ng Dios ng ibang puso: at ang lahat na tandang yaon ay nangyari sa araw na yaon.
10 At nang sila'y dumating doon sa burol, narito, isang pulutong na mga propeta ay nasasalubong niya; at ang Espiritu ng Dios ay makapangyarihang suma kaniya, at siya'y nanghula sa gitna nila.
11 At nangyari nang makita siya ng lahat na nakakakilala sa kaniya nang una, na, narito siya'y nanghuhulang kasama ng mga propeta, ay nagsalisalitaan ang bayan, Ano itong nangyari sa anak ni Cis? Si Saul ba ay nasa gitna rin ng mga propeta?
12 At isang taga dakong yaon ay sumagot at nagsabi, At sino ang kanilang ama? Kaya't naging kawikaan, Si Saul ba ay nasa gitna rin ng mga propeta?
13 At nang siya'y makatapos ng panghuhula, siya'y sumampa sa mataas na dako.
14 At sinabi ng amain ni Saul sa kaniya at sa kaniyang bataan, Saan kayo naparoon? At kaniyang sinabi, Upang hanapin ang mga asno, at nang aming makita na hindi mangasumpungan, ay naparoon kami kay Samuel.
15 At sinabi ng amain ni Saul, Isinasamo ko sa iyo na saysayin mo sa akin, kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo.
16 At sinabi ni Saul sa kaniyang amain, Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay nasumpungan na. Nguni't tungkol sa bagay ng kaharian, na sinalita ni Samuel, ay hindi niya isinaysay sa kaniya.
17 At tinipon ni Samuel ang bayan sa Panginoon sa Mizpa;
18 At sinabi niya sa mga anak ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Iniahon ko ang Israel mula sa Egipto, at pinapaging laya ko kayo sa kamay ng mga taga Egipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na pumighati sa inyo:
19 Nguni't itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Dios, na siyang nagligtas sa inyo sa lahat ng mga inyong kasakunaan at mga kapighatian; at sinabi ninyo sa kaniya, Hindi, kundi lagyan mo kami ng isang hari. Ngayon nga'y humarap kayo sa Panginoon ayon sa inyoinyong mga lipi, at ayon sa inyong mga libolibo.
20 Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang napili.
21 At kaniyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kaniyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili; at si Saul na anak ni Cis, ay siyang napili: nguni't nang kanilang hanapin siya ay hindi nasumpungan.
22 Kaya't kanilang itinanong uli sa Panginoon, May lalake pa bang paririto? At ang Panginoon ay sumagot, Narito siya'y nagtago sa mga kasangkapan.
23 At sila'y tumakbo at kinuha nila siya roon; at nang siya'y tumayo sa gitna ng bayan, ay mataas siya kay sa sinoman sa bayan, mula sa kaniyang mga balikat at paitaas.
24 At sinabi ni Samuel sa buong bayan, Nakikita ba ninyo siya na pinili ng Panginoon, na walang gaya niya sa buong bayan? At ang buong bayan ay sumigaw, at nagsabi, Mabuhay ang hari.
25 Nang magkagayo'y sinaysay ni Samuel sa bayan ang paraan ng kaharian, at isinulat sa isang aklat, at inilagay sa harap ng Panginoon. At pinayaon ni Samuel ang buong bayan, na pinauwi bawa't tao sa kaniyang bahay.
26 At si Saul man ay umuwi sa kaniyang bahay sa Gabaa; at yumaong kasama niya ang hukbo, na ang kanilang mga kalooban ay kinilos ng Dios.
27 Nguni't sinabi ng ilang hamak na tao, Paanong ililigtas tayo ng taong ito? At kanilang niwalang kabuluhan at hindi nila dinalhan ng kaloob. Nguni't siya'y hindi umimik.