< 1 Pedro 4 >
1 Kung paano ngang si Cristo ay nagbata sa laman, ay magsandata rin naman kayo ng gayong pagiisip; sapagka't siya na nagbata sa laman ay nagpapatigil sa kasalanan;
2 Upang huwag na kayong mangabuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa mga masamang pita ng mga tao, kundi sa kalooban ng Dios.
3 Sapagka't sukat na ang nakaraang panahon upang gawin ang hangad ng mga Gentil, at lumakad sa kalibugan, sa mga masamang pita, sa mga paglalasing, sa mga kalayawan, sa mga kayamuan, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diosdiosan:
4 Ikinahahanga nila ang bagay na ito na kayo'y hindi nakikitakbong kasama nila sa gayong pagpapakalabis ng kaguluhan, kung kaya't kayo'y pinagsasalitaan ng masama:
5 Na sila'y magbibigay sulit sa kaniya na handang humukom sa mga buhay at sa mga patay.
6 Sapagka't dahil dito'y ipinangaral maging sa mga patay ang evangelio, upang sila, ayon sa mga tao sa laman ay mangahatulan, datapuwa't mangabuhay sa espiritu ayon sa Dios.
7 Nguni't ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na: kayo nga'y mangagpakahinahon, at mangagpuyat sa pananalangin:
8 Na una sa lahat ay maging maningas kayo sa inyong pagiibigan; sapagka't ang pagibig ay nagtatakip ng karamihang kasalanan:
9 Na mangagpatuluyan kayo ng walang bulongbulungan:
10 Na ayon sa kaloob na tinanggap ng bawa't isa, ay ipaglingkod sa inyo-inyo rin, na gaya ng mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Dios;
11 Na kung ang sinoma'y nagsasalita, ay gaya ng sa mga aral ng Dios: kung ang sinoman ay nangangasiwa, ay gaya ng sa kalakasang ibinibigay ng Dios: upang ang Dios ay papurihan sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo, na sa kaniya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailan man. Siya nawa. (aiōn )
12 Mga minamahal, huwag kayong mangagtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok sa inyo, na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring ang nangyayari sa inyo'y di karaniwang bagay:
13 Kundi kayo'y mangagalak, sapagka't kayo'y mga karamay sa mga hirap ni Cristo; upang sa pagkahayag ng kaniyang kaluwalhatian naman ay mangagalak kayo ng malabis na galak.
14 Kung kayo'y mapintasan dahil sa pangalan ni Cristo, ay mapapalad kayo; sapagka't ang Espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Dios ay nagpapahingalay sa inyo.
15 Nguni't huwag magbata ang sinoman sa inyo na gaya ng mamamatay-tao, o magnanakaw, o manggagawa ng masama, o gaya ng mapakialam sa mga bagay ng iba:
16 Nguni't kung ang isang tao ay magbata na gaya ng Cristiano, ay huwag mahiya; kundi luwalhatiin ang Dios sa pangalang ito.
17 Sapagka't dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios: at kung mauna sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi nagsisitalima sa evangelio ng Dios?
18 At kung ang matuwid ay bahagya ng makaliligtas, ang masama at ang makasalanan ay saan kaya magsisiharap?
19 Kaya't ipagkatiwala naman ng nangagbabata ayon sa kalooban ng Dios ang kanilang mga kaluluwa sa paggawa ng mabuti sa tapat na Lumalang.