< 1 Mga Hari 3 >
1 At si Salomon ay nakipagkamaganak kay Faraon na hari sa Egipto sa pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya sa bayan ni David, hanggang sa kaniyang natapos itayo ang kaniyang sariling bahay, at ang bahay ng Panginoon, at ang kuta ng Jerusalem sa palibot.
2 Ang bayan ay naghahain lamang sa mga mataas na dako, sapagka't walang bahay na itinayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na yaon.
3 At inibig ni Salomon ang Panginoon, na lumalakad sa mga palatuntunan ni David na kaniyang ama: siya'y naghahain lamang at nagsusunog ng kamangyan sa matataas na dako.
4 At ang hari ay naparoon sa Gabaon upang maghain doon; sapagka't yaon ang pinakamataas na dako; isang libong handog na susunugin ang inihandog ni Salomon sa dambanang yaon.
5 Sa Gabaon ay napakita ang Panginoon kay Salomon sa panaginip sa gabi: at sinabi ng Dios, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.
6 At sinabi ni Salomon, Ikaw ay nagpakita sa iyong lingkod na aking amang kay David ng malaking kagandahang loob, ayon sa kaniyang inilakad sa harap mo sa katotohanan, at sa katuwiran, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan sa kaniya itong dakilang kagandahang loob, na iyong binigyan siya ng isang anak na makauupo sa kaniyang luklukan, gaya sa araw na ito.
7 At ngayon, Oh Panginoon kong Dios, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; at ako'y isang munting bata lamang; hindi ko nalalaman ang paglulumabas at pumasok.
8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.
9 Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagka't sino ang makahahatol dito sa iyong malaking bayan?
10 At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon, na hiningi ni Salomon ang bagay na ito.
11 At sinabi ng Dios sa kaniya, Sapagka't iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo'y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan;
12 Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo.
13 At akin namang ibinigay sa iyo ang hindi mo hinihingi, ang kayamanan at gayon din ang karangalan, na anopa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga kaarawan.
14 At kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga palatuntunan, at ang aking mga utos, gaya ng inilakad ng iyong amang si David, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan.
15 At nagising si Salomon, at narito, yao'y isang panaginip: at siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at naghandog ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kaniyang mga lingkod.
16 Nang magkagayo'y naparoon sa hari ang dalawang babae na mga patutot, at nagsitayo sa harap niya.
17 At sinabi ng isang babae, Oh panginoon ko, ako at ang babaing ito ay tumatahan sa isang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalake sa bahay na kasama ko siya.
18 At nangyari, nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, na ang babaing ito'y nanganak naman; at kami ay magkasama; walang iba sa amin sa bahay, liban sa kaming dalawa sa bahay.
19 At ang anak ng babaing ito ay namatay sa kinagabihan; sapagka't kaniyang nahigan.
20 At siya'y bumangon sa hating gabi, at kinuha niya ang anak kong lalake sa siping ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog, at inihiga niya sa kaniyang sinapupunan, at inilagay ang kaniyang patay na anak sa aking sinapupunan.
21 At nang ako'y bumangon sa kinaumagahan upang aking pasusuhin ang aking anak, narito, siya'y patay: nguni't nang aking kilalanin ng kinaumagahan, narito, hindi ang aking anak na aking ipinanganak.
22 At sinabi ng isang babae, Hindi; kundi ang buhay ay aking anak at ang patay ay iyong anak. At sinabi ng isa: Hindi; kundi ang patay ay ang iyong anak, at ang buhay ay siyang aking anak. Ganito sila nangagsalita sa harap ng hari.
23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, Ang isa'y nagsasabi, Ang aking anak ay ang buhay, at ang iyong anak ay ang patay: at ang isa'y nagsasabi, Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buhay.
24 At sinabi ng hari, Dalhan ninyo ako ng isang tabak. At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.
25 At sinabi ng hari, Hatiin ng dalawa ang buhay na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa.
26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buhay na bata sa hari, sapagka't ang kaniyang pagmamahal ay nagniningas sa kaniyang anak, at sinabi niya, Oh panginoon ko, ibigay mo sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag mong patayin. Nguni't ang sabi ng isa, Hindi magiging akin ni iyo man; hatiin siya.
27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, ibigay sa kaniya ang buhay na bata, at sa anomang paraa'y huwag patayin: siya ang ina niya.
28 At nabalitaan ng buong Israel ang kahatulan na inihatol ng hari; at sila'y nangatakot sa hari: sapagka't kanilang nakita na ang karunungan ng Dios ay nasa kaniya, upang gumawa ng kahatulan.