< 1 Mga Hari 21 >
1 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Naboth na Jezreelita ay mayroong isang ubasan na nasa Jezreel, na malapit sa bahay ni Achab na hari ng Samaria.
2 At sinalita ni Achab kay Naboth, na sinabi, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang aking tangkilikin na pinaka halamanang pananim, sapagka't malapit sa aking bahay; at aking ipapalit sa iyo na kahalili niyaon ang isang mainam na ubasan kay sa roon; o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyaon na salapi.
3 At sinabi ni Naboth kay Achab, Huwag itulot ng Panginoon sa akin, na aking ibigay ang mana sa aking mga magulang sa iyo.
4 At pumasok si Achab sa kaniyang bahay na yamot at lunos dahil sa salita na sinalita ni Naboth na Jezreelita sa kaniya: sapagka't kaniyang sinabi, Hindi ko ibibigay sa iyo ang mana sa aking mga magulang. At siya'y nahiga sa kaniyang higaan, at ipinihit ang kaniyang mukha, at ayaw kumain ng tinapay.
5 Nguni't si Jezabel na kaniyang asawa ay naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, Bakit ang iyong diwa ay totoong malungkot na hindi ka kumakain ng tinapay?
6 At sinabi niya sa kaniya, Sapagka't nagsalita ako kay Naboth na Jezreelita, at nagsabi sa kaniya, Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa kahalagahang salapi; o kung dili, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan: at siya'y sumagot, Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.
7 At sinabi ni Jezabel na kaniyang asawa sa kaniya, Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? ikaw ay bumangon, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso: aking ibibigay sa iyo ang ubasan ni Naboth na Jezreelita.
8 Sa gayo'y sumulat siya ng mga sulat sa pangalan ni Achab, at pinagtatakan ng kaniyang tatak; at ipinadala ang mga sulat sa mga matanda at sa mga maginoo na nangasa kaniyang bayan, at nagsisitahang kasama ni Naboth.
9 At kaniyang isinulat sa mga sulat, na sinasabi, Mangagtanyag kayo ng isang ayuno at ilagay ninyo si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan:
10 At lumagay ang dalawang lalake na mga hamak na tao sa harap niya, at mangagsisaksi laban sa kaniya, na magsipagsabi, Ikaw ay namusong sa Dios at sa hari. At ilabas nga siya, at batuhin siya upang siya'y mamatay.
11 At ginawa ng mga tao sa kaniyang bayan, sa makatuwid baga'y ng mga matanda at ng mga maginoo na nagsisitahan sa kaniyang bayan, kung ano ang ipinagutos ni Jezabel sa kanila, ayon sa nangasusulat sa mga sulat na kaniyang ipinadala sa kanila.
12 Sila'y nangagtanyag ng isang ayuno, at inilagay si Naboth sa pangulo na kasamahan ng bayan.
13 At ang dalawang lalake na mga hamak na tao ay nagsipasok at nagsiupo sa harap niya: at ang mga lalake na hamak ay nagsisaksi laban sa kaniya, sa makatuwid baga'y laban kay Naboth sa harap ng bayan, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay namusong sa Dios at sa hari. Nang magkagayo'y inilabas nila sa bayan, at binato nila siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay.
14 Nang magkagayo'y sila'y nagsipagsugo kay Jezabel, na nagsisipagsabi, Si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay.
15 At nangyari, nang mabalitaan ni Jezabel na si Naboth ay pinagbatuhanan, at patay, na sinabi ni Jezabel kay Achab, Ikaw ay bumangon, ariin mo ang ubasan ni Naboth, na Jezreelita na kaniyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi: sapagka't si Naboth ay hindi buhay, kundi patay.
16 At nangyari, nang mabalitaan ni Achab na patay si Naboth, na bumangon si Achab na bumaba sa ubasan ni Naboth na Jezreelita, upang ariin.
17 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na nagsabi,
18 Bumangon ka, panaugin mong salubungin si Achab na hari ng Israel, na tumatahan sa Samaria: narito, siya'y nasa ubasan ni Naboth na kaniyang pinapanaog upang ariin.
19 At iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Iyo bang pinatay at iyo rin namang inari? at iyong sasalitain sa kaniya, na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Naboth ay hihimuran ng mga aso ang iyong dugo, sa makatuwid baga'y ang iyong dugo.
20 At sinabi ni Achab kay Elias, Nasumpungan mo ba ako, Oh aking kaaway? At sumagot siya, Nasumpungan kita: sapagka't ikaw ay napabili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
21 Narito, aking dadalhan ng kasamaan ka, at aking lubos na papalisin ka, at aking ihihiwalay kay Achab ang bawa't anak na lalake, at ang nakukulong at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel.
22 At aking gagawin ang iyong sangbahayan na gaya ng sangbahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at gaya ng sangbahayan ni Baasa na anak ni Ahia, dahil sa pamumungkahi na iyong iminungkahi sa akin sa galit, at iyong pinapagkasala ang Israel.
23 At tungkol kay Jezabel ay nagsalita naman ang Panginoon, na nagsabi, Lalapain ng mga aso si Jezabel sa tabi ng kuta ng Jezreel.
24 Ang mamatay kay Achab sa bayan ay lalapain ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay tutukain ng mga ibon sa himpapawid.
25 (Nguni't walang gaya ni Achab na nagbili ng kaniyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na hinikayat ni Jezabel na kaniyang asawa.
26 At siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diosdiosan, ayon sa lahat na ginawa ng mga Amorrheo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)
27 At nangyari, nang marinig ni Achab ang mga salitang yaon, na kaniyang hinapak ang kaniyang mga damit, at nagsuot ng kayong magaspang sa kaniyang katawan, at nagayuno, at nahiga sa kayong magaspang, at lumakad ng marahan.
28 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Thisbita, na sinabi,
29 Nakita mo ba kung paanong si Achab ay nagpakababa sa harap ko? sapagka't siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kasamaan sa kaniyang mga kaarawan: kundi sa mga kaarawan ng kaniyang anak dadalhin ko ang kasamaan sa kaniyang sangbahayan.