< 1 Mga Corinto 6 >
1 Nangangahas baga ang sinoman sa inyo, kung mayroong anomang bagay laban sa iba, na siya'y magsakdal sa harapan ng mga liko, at hindi sa harapan ng mga banal?
2 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga banal ay magsisihatol sa sanglibutan? at kung ang sanglibutan ay hahatulan ninyo, hindi kaya baga dapat magsihatol kayo sa mga bagay na pinakamaliit?
3 Hindi baga ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? gaano pa kaya ang mga bagay na nauukol sa buhay na ito?
4 Kung kayo nga'y mayroong usapin na mga bagay na nauukol sa buhay na ito, ilalagay baga ninyo upang magsihatol ang mga taong walang halaga sa iglesia?
5 Sinasabi ko ito upang mangahiya kayo. Ano, diyata't wala baga sa inyo na isa mang marunong na makapagpapayo sa kaniyang mga kapatid,
6 Kundi ang kapatid ay nakikipagusapin laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi nagsisipanampalataya?
7 Ngayon nga, tunay na isang pagkukulang sa inyo ang kayo-kayo'y magkaroon ng mga usapin. Bakit hindi bagkus ninyong tiisin ang mga kalikuan? bakit hindi bagkus kayo'y padaya?
8 Nguni't kayo rin ang mga nagsisigawa ng kalikuan, at nangagdaraya, at ito'y sa mga kapatid ninyo.
9 O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake.
10 Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios.
11 At ganyan ang mga ilan sa inyo: nguni't nangahugasan na kayo, nguni't binanal na kayo, nguni't inaring-ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu ng ating Dios.
12 Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni't hindi ang lahat ay nararapat. Ang lahat ng mga bagay sa akin ay matuwid; nguni't hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anoman.
13 Ang mga pagkain ay sa tiyan, at ang tiyan ay sa mga pagkain: nguni't kapuwa iwawasak ng Dios yaon at ang mga ito. Datapuwa't ang katawan ay hindi sa pakikiapid, kundi sa Panginoon; at ang Panginoon ay sa katawan:
14 At muling binuhay ng Dios ang Panginoon, at muling bubuhayin naman tayo sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.
15 Hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? kukunin ko nga baga ang mga sangkap ni Cristo, at gagawin kong mga sangkap ng isang patutot? Huwag nawang mangyari.
16 O hindi baga ninyo nalalaman na ang nakikisama sa patutot, ay kaisang katawan niya? sapagka't sinasabi niya, Ang dalawa ay magiging isang laman.
17 Nguni't ang nakikisama sa Panginoon, ay kaisang espiritu niya.
18 Magsitakas kayo sa pakikiapid. Lahat ng kasalanang gawin ng mga tao ay nangasa labas ng katawan; nguni't ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.
19 O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili;
20 Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios.