< 1 Mga Corinto 1 >
1 Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid,
2 Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga'y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa't dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
4 Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus;
5 Na kayo ay pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman;
6 Gaya ng pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo:
7 Ano pa't kayo'y hindi nagkulang sa anomang kaloob; na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo;
8 Na siya namang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang huwag kayong mapagwikaan sa kaarawan ng ating Panginoong Jesucristo.
9 Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.
10 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.
11 Sapagka't ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, ng mga kasangbahay ni Cloe, na sa inyo'y may mga pagtatalotalo.
12 Ibig ko ngang sabihin ito, na ang bawa't isa sa inyo ay nagsasabi, Ako'y kay Pablo; at ako'y kay Apolos; at ako'y kay Cefas; at ako'y kay Cristo.
13 Nabahagi baga si Cristo? ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?
14 Nagpapasalamat ako sa Dios na hindi ko binautismuhan ang sinoman sa inyo, maliban si Crispo at si Gayo;
15 Baka masabi ninoman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.
16 At binautismuhan ko rin naman ang sangbahayan ni Estefanas: maliban sa mga ito, di ko maalaman kung may nabautismuhan akong iba pa.
17 Sapagka't hindi ako sinugo ni Cristo upang bumautismo, kundi upang mangaral ng evangelio: hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kabuluhan ang krus ni Cristo.
18 Sapagka't ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; nguni't ito'y kapangyarihan ng Dios sa atin na nangaliligtas.
19 Sapagka't nasusulat, Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.
20 Saan naroon ang marunong? saan naroon ang eskriba? saan naroon ang mapagmatuwid sa sanglibutang ito? hindi baga ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan? (aiōn )
21 Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.
22 Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan:
23 Datapuwa't ang aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan;
24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang kapangyarihan ng Dios, at ang karunungan ng Dios.
25 Sapagka't ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao.
26 Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag:
27 Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas;
28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, oo at ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:
29 Upang walang laman na magmapuri sa harapan ng Dios.
30 Datapuwa't sa kaniya kayo'y nangasa kay Cristo Jesus, na sa atin ay ginawang karunungang mula sa Dios, at katuwiran at kabanalan, at katubusan:
31 Na, ayon sa nasusulat, Ang nagmamapuri, ay magmapuri sa Panginoon.