< 1 Mga Cronica 29 >
1 At sinabi ni David na hari sa buong kapisanan, si Salomon na aking anak na siya lamang pinili ng Dios ay bata pa at sariwa, at ang gawain ay malaki; sapagka't ang templo ay hindi ukol sa tao, kundi sa Panginoong Dios.
2 Akin ngang ipinaghanda ng aking buong kaya ang bahay ng aking Dios, ng ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at ng pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at ng tanso na ukol sa mga bagay na tanso, ng bakal na ukol sa mga bagay na bakal, at ng kahoy na ukol sa mga bagay na kahoy; ng mga batong onix, at mga batong pangkalupkop, ng mga batong panggayak, at may sarisaring kulay, at ng lahat na sarisaring mahalagang bato, at ng mga batong marmol na sagana.
3 Bukod din naman dito, sapagka't aking inilagak ang aking loob sa bahay ng aking Dios, na yamang may tinatangkilik ako na aking sariling ginto at pilak, ay aking ibinibigay sa bahay ng aking Dios, bukod sa lahat na aking inihanda na ukol sa banal na bahay;
4 Sa makatuwid baga'y tatlong libong talentong ginto, na ginto sa Ophir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga panig ng mga bahay:
5 Ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak at sa lahat na sarisaring gawain na yayariin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino nga ang naghahandog na kusa upang magtalaga sa Panginoon sa araw na ito?
6 Nang magkagayo'y naghandog na kusa ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang, at ang mga prinsipe ng mga lipi ng Israel, at ang mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng dadaanin, pati ng mga tagapamahala sa gawain ng hari;
7 At ibinigay nila sa paglilingkod sa bahay ng Dios, ay ginto, na limang libong talento, at sangpung libong dariko, at pilak na sangpung libong talento, at tanso na labing walong libong talento, at bakal na isang daang libong talento.
8 At sila'y nangasumpungang may mga mahalagang bato ay nagsipagbigay sa kayamanan ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ni Jehiel na Gersonita.
9 Nang magkagayo'y nagalak ang bayan, dahil sa sila'y nangaghandog na kusa, sapagka't sila'y may dalisay na puso na nangaghandog na kusa sa Panginoon: at si David naman na hari ay nagalak ng dakilang pagkagalak.
10 Kaya't pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapisanan; at sinabi ni David, Purihin ka, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na aking ama, magpakailan kailan man.
11 Iyo, Oh Panginoon ang kadakilaan, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka't lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo: iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat.
12 Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.
13 Kaya't ngayon, aming Dios, kami ay nagpasasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.
14 Nguni't sino ako, at ano ang aking bayan, na makapaghahandog na ganyang kusa ayon sa ganitong paraan? sapagka't ang lahat na bagay ay nangagmumula sa iyo, at ang iyong sarili ay aming ibinigay sa iyo.
15 Sapagka't kami ay mga taga ibang lupa sa harap mo, at mga nakikipamayan, gaya ng lahat naming mga magulang: ang aming mga kaarawan sa lupa ay gaya ng anino, at hindi nagtatagal.
16 Oh Panginoon naming Dios, lahat ng bagay na ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nangagmumula sa iyong kamay, at iyong sariling lahat.
17 Talastas ko rin, Dios ko na iyong sinusubok ang puso, at nalulugod sa katuwiran. Sa ganang akin, sa katuwiran ng aking puso ay aking inihandog na kusa ang lahat na bagay na ito: at ngayo'y nakita kong may kagalakan ang iyong bayan na nahaharap dito, na naghahandog na kusa sa iyo.
18 Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga magulang, ingatan mo ito magpakailan man sa akala ng mga pagiisip ng puso ng iyong bayan, at ihanda mo ang kanilang puso sa iyo:
19 At bigyan mo naman si Salomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan ang iyong mga utos, ang iyong mga patotoo, at ang iyong mga palatuntunan, at upang gawin ang lahat na bagay na ito, at upang itayo ang templo, na siyang aking ipinaghanda.
20 At sinabi ni David sa buong kapisanan, Ngayo'y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Dios. At ang buong kapisanan ay pumuri sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, at iniyukod ang kanilang mga ulo, at sumamba sa Panginoon, at sa hari.
21 At sila'y nagsipaghain ng mga hain sa Panginoon, at nagsipaghandog sa Panginoon ng mga handog na susunugin sa kinabukasan, pagkatapos nang araw na yaon, sa makatuwid baga'y isang libong baka, at isang libong tupang lalake, at isang libong kordero, pati ng mga inuming handog na ukol sa mga yaon, at ng mga hain na sagana ukol sa buong Israel;
22 At nagkainan at naginuman sa harap ng Panginoon nang araw na yaon na may malaking kasayahan. At kanilang ginawang hari na ikalawa si Salomon na anak ni David, at pinahiran ng langis siya sa Panginoon upang maging pangulo, at si Sadoc upang maging saserdote.
23 Nang magkagayo'y naupo si Salomon sa luklukan ng Panginoon na pinaka hari na kahalili ni David na kaniyang ama, at guminhawa; at ang buong Israel ay tumalima sa kaniya.
24 At ang lahat na prinsipe at mga matapang na lalake, at ang lahat ding anak ng haring David, ay sumailalim ng kapangyarihan ng haring Salomon.
25 At pinadakilang mainam ng Panginoon si Salomon sa paningin ng buong Israel, at isinakaniya ang gayong karangalang pagkahari na hindi napasa kanino mang hari na nauna sa kaniya sa Israel.
26 Si David nga na anak ni Isai ay naghari sa buong Israel.
27 At ang panahon na kaniyang ipinaghari sa Israel ay apat na pung taon; pitong taon na naghari siya sa Hebron, at tatlong pu't tatlong taon na naghari siya sa Jerusalem.
28 At siya'y namatay sa mabuting katandaan, puspus ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan: at si Salomon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
29 Ang mga gawa nga ni David na hari, na una at huli, narito, nangasusulat sa kasaysayan ni Samuel na tagakita, at sa kasaysayan ni Nathan na propeta, at sa kasaysayan ni Gad na tagakita;
30 Pati ng buo niyang paghahari, at kaniyang kapangyarihan at ang mga panahong dinaanan niya, at ng Israel, at ng lahat ng mga kaharian ng mga lupain.