< 1 Mga Cronica 21 >

1 At si Satan ay tumayo laban sa Israel, at kinilos si David na bilangin ang Israel.
Lumitaw ang isang kaaway laban sa Israel at inudyukan si David na bilangin ang mga tao sa Israel.
2 At sinabi ni David kay Joab, at sa mga prinsipe ng bayan, Kayo'y magsiyaon, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; at dalhan ninyo ako ng salita; upang aking maalaman ang bilang nila.
Sinabi ni David kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo, “Pumunta kayo, bilangin ninyo ang mga tao ng Israel mula Beer-seba hanggang Dan at bumalik kayo at ibalita ninyo sa akin, upang malaman ko ang bilang nila.
3 At sinabi ni Joab, Gawin nawa ng Panginoon ang kaniyang bayan na makasandaang higit sa dami nila; nguni't, panginoon ko na hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? bakit kinakailangan ng panginoon ko ang bagay na ito? bakit siya'y magiging sanhi ng ipagkakasala ng Israel?
Sinabi ni Joab, “Nawa ay paramihin ni Yahweh ang kaniyang hukbo ng isandaang beses na mas marami kaysa sa kung ano ito ngayon. Ngunit aking panginoong hari, hindi ba naglilingkod silang lahat sa aking panginoon? Bakit gusto ito ng aking panginoon? Bakit ka magdadala ng sanhi ng pagkakasala sa Israel?”
4 Gayon ma'y ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab. Kaya't si Joab ay yumaon, at naparoon sa buong Israel, at dumating sa Jerusalem.
Ngunit nanaig ang utos ng hari kay Joab. Kaya umalis si Joab at pumunta sa lahat ng dako ng Israel. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.
5 At ibinigay ni Joab ang kabuuan ng bilang ng bayan kay David. At silang lahat na taga Israel ay labing isang daan libo na nagsisihawak ng tabak: at ang Juda ay apat na raan at pitongpung libong lalake na nagsisihawak ng tabak.
At ibinalita ni Joab ang kabuuang bilang ng mga kalalakihang mandirigma kay David. Mayroong 1, 100, 000 na mga kalalakihan na bumubunot ng espada sa Israel. Mayroong 470, 000 na mga kawal sa Juda lamang.
6 Nguni't ang Levi at ang Benjamin ay hindi binilang; sapagka't ang pananalita ng hari ay kahalayhalay kay Joab.
Ngunit hindi kasama sa bilang ang mga tribo ni Levi at Benjamin, sapagkat namuhi si Joab sa utos ng hari.
7 At sumama ang loob ng Dios sa bagay na ito; kaya't kaniyang sinaktan ang Israel.
Nasaktan ang Diyos sa ginawa niyang ito, kaya sinalakay niya ang Israel.
8 At sinabi ni David sa Dios, Ako'y nagkasala ng mabigat sa aking paggawa ng bagay na ito: nguni't ngayo'y alisin mo, ipinamamanhik ko sa iyo, ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagka't aking ginawang may lubhang kamangmangan.
Sinabi ni David sa Diyos, “Labis akong nagkasala sa paggawa nito. Ngayon, alisin mo ang kasalanan ng iyong lingkod, sapagkat ako ay naging napakahangal.”
9 At ang Panginoon ay nagsalita kay Gad na tagakita ni David, na sinasabi,
Sinabi ni Yahweh kay Gad, na propeta ni David,
10 Yumaon ka at magsalita kay David na sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon, Pinagpapalagayan kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga iyan, upang aking magawa sa iyo.
“Pumunta ka at sabihin kay David: 'Ito ang sinabi ni Yahweh: “Binibigyan kita ng tatlong pagpipilian. Pumili ka ng isa sa mga ito.”'”
11 Sa gayo'y naparoon si Gad kay David, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Piliin mo ang iniibig mo:
Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kaniya, “Ito ang sinabi ni Yahweh: 'Mamili ka ng isa sa mga ito:
12 Tatlong taong kagutom; o tatlong buwan na pagkalipol sa harap ng iyong mga kaaway, samantalang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umabot sa iyo; o kung dili ay tatlong araw na ang tabak ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang salot sa lupain, at ang anghel ng Panginoon ay mangwawasak sa lahat na hangganan ng Israel. Ngayon nga'y akalain mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kaniya na nagsugo sa akin.
tatlong taon na tag-gutom, tatlong buwan na pagtugis ng iyong mga kaaway at pagkahuli sa pamamagitan ng kanilang mga espada, o kaya tatlong araw na espada ni Yahweh, iyon ay, isang salot sa lupain, wawasakin ng mga anghel ni Yahweh ang buong lupain ng Israel.' Kaya ngayon, magpasya ka kung anong sagot ang dadalhin sa nagsugo sa akin”
13 At sinabi ni David kay Gad, Ako'y totoong nasa kagipitan: ipinamamanhik ko na ihulog mo ako ngayon sa kamay ng Panginoon; sapagka't totoong malaki ang kaniyang kaawaan; at huwag akong mahulog sa kamay ng tao.
Pagkatapos, sinabi ni David kay Gad, “Ako ay nasa mahirap na kalagayan. Hayaan mong mahulog ako sa kamay ni Yahweh kaysa sa kamay ng mga tao, sapagkat napakadakila ng kaniyang mahabaging gawa.”
14 Sa gayo'y nagsugo ang Panginoon ng salot sa Israel: at nabuwal sa Israel ay pitongpung libong lalake.
Kaya nagpadala si Yahweh ng isang salot sa Israel at pitumpung libong tao ang namatay.
15 At ang Dios ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem, upang gibain; at nang kaniyang lilipulin, ang Panginoo'y tumingin, at nagsisi siya tungkol sa kasamaan, at sinabi sa manglilipol na anghel, Siya na, ngayo'y itigil mo ang iyong kamay. At ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa tabi ng giikan ni Ornan na Jebuseo.
Nagpadala ang Diyos ng isang anghel sa Jerusalem upang sirain ito. Nang sisirain na niya ito, nanood si Yahweh at nagbago ang kaniyang isip tungkol sa paninira. Sinabi niya sa naninirang anghel, “Tama na! Ngayon iurong mo ang iyong kamay.” Sa oras na iyon, nakatayo ang anghel ni Yahweh sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
16 At itinanaw ni David ang kaniyang mga mata, at nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa pagitan ng lupa at ng langit, na may hawak na tabak sa kaniyang kamay na nakaunat sa Jerusalem. Nang magkagayo'y si David at ang mga matanda, na nangakapanamit ng kayong magaspang ay nangagpatirapa.
Tumingin sa itaas si David at nakita niya ang anghel ni Yahweh na nakatayo sa pagitan ng langit at lupa na may hawak na espada na nakataas sa buong Jerusalem. Pagkatapos dumapa si David at ang mga nakatatanda na nakadamit ng pangluksa sa lupa.
17 At sinabi ni David sa Dios, Hindi ba ako ang nagpabilang sa bayan? sa makatuwid baga'y ako yaong nagkasala at gumawa ng totoong kasamaan; nguni't ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Idinadalangin ko sa iyo, Oh Panginoon kong Dios, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sangbahayan ng aking ama; nguni't huwag laban sa iyong bayan, na sila'y masasalot.
Sinabi ni David sa Diyos, “Hindi ba ako ang nag-utos na bilangin ang hukbo? Ginawa ko ang masamang bagay na ito. Ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Pakiusap Yahweh na aking Diyos, hayaan mong ako at ang aking pamilya ang parusahan ng iyong kamay, ngunit huwag mong parusahan ang iyong mga tao ng salot na ito.”
18 Nang magkagayo'y inutusan ng anghel ng Panginoon si Gad upang sabihin kay David na siya'y sumampa, at magtayo ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo.
Kaya inutusan ng anghel ni Yahweh si Gad na sabihin kay David, na kailangang pumunta si David at magtayo ng altar para kay Yahweh sa giikan ni Ornan na Jabuseo.
19 At si David ay sumampa sa sabi ni Gad na kaniyang sinalita sa pangalan ng Panginoon.
Kaya pumunta si David gaya ng itinagubilin sa kaniya ni Gad na gawin sa ngalan ni Yahweh.
20 At si Ornan ay bumalik at nakita ang anghel; at ang kaniyang apat na anak na kasama niya ay nagsipagkubli. Si Ornan nga ay gumigiik ng trigo.
Habang naggigiik ng trigo si Ornan, lumingon siya at nakita ang anghel. Nagtago siya at ang kaniyang apat na anak na lalaki na kasama niya.
21 At samantalang si David ay naparoroon kay Ornan, si Ornan ay tumanaw at nakita si David, at lumabas sa giikan, at iniyukod kay David ang kaniyang mukha sa lupa.
Nang dumating si David kay Ornan, tumingin si Ornan at nakita niya si David. Iniwan niya ang giikan at yumukod kay David na nasa lupa ang kaniyang mukha.
22 Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Ornan, Ibigay mo sa akin ang dako ng giikang ito, upang aking mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon: sa buong halaga ay ibibigay mo sa akin: upang ang salot ay tumigil sa bayan.
At sinabi ni David kay Ornan, “Ibenta mo sa akin ang giikang ito upang makapagtayo ako ng altar para kay Yahweh. Babayaran ko ang kabuuang halaga upang maalis ang salot sa mga tao.”
23 At sinabi ni Ornan kay David, Kunin mo, at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa harap ng kaniyang mga mata: narito, aking ibinibigay sa iyo ang mga baka na mga pinakahandog na susunugin, at ang mga kasangkapan ng giikan na pinaka kahoy, at ang trigo na pinakahandog na harina; aking ibinibigay sa lahat.
Sinabi ni Ornan kay David, “Kunin mo ito na parang pagmamay-ari mo aking panginoon na hari. Gawin mo dito kung ano ang mabuti sa iyong paningin. Narito, bibigyan kita ng mga baka para sa mga alay na susunugin, mga kahoy na kasangkapan sa panggiik para panggatong at trigo para sa handog na butil; Ibibigay ko ang lahat ng ito sa iyo.”
24 At sinabi ng haring David kay Ornan, Huwag; kundi katotohanang aking bibilhin ng buong halaga: sapagka't hindi ko kukunin ang iyo para sa Panginoon, o maghahandog man ng handog na susunugin na walang bayad.
Sinabi ni Haring David kay Ornan, “Hindi, iginigiit kong babayaran ko ang kabuuang halaga. Hindi ko kukunin ang sa iyo at ihahandog ito bilang handog na susunugin para kay Yahweh, ng walang halaga.”
25 Sa gayo'y ibinigay ni David kay Ornan dahil sa dakong yaon ang anim na raang siklong ginto na pinakatimbang.
Kaya nagbayad si David ng animnaraang siklong ginto para sa lugar.
26 At ipinagtayo roon ni David ng isang dambana ang Panginoon, at naghandog ng mga handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at tumawag sa Panginoon; at sinagot niya siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na susunugin.
Nagtayo doon si David ng altar para kay Yahweh at naghandog ng mga alay na susunugin at mga handog pangkapayapaan. Tinawag niya si Yahweh, na sumagot sa kaniya sa pamamagitan ng apoy mula sa langit patungo sa altar para sa mga handog na susunugin.
27 At inutusan ng Panginoon ang anghel; at kaniyang isinuksok sa kaluban ang kaniyang tabak.
Pagkatapos nagbigay ng utos si Yahweh sa anghel at ibinalik ng anghel ang kaniyang espada sa lalagyan nito.
28 Nang panahong yaon, nang makita ni David na sinagot siya ng Panginoon sa giikan ni Ornan na Jebuseo, siya nga'y naghain doon.
Nang makita ni David na sinagot siya ni Yahweh sa giikan ni Ornan na Jabuseo, ginawa na niya ang pag-aalay doon sa sandali ring iyon.
29 Sapagka't ang tabernakulo ng Panginoon na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na susunugin, ay nasa mataas na dako nang panahong yaon sa Gabaon.
Sa panahon iyon, ang tabernakulo ni Yahweh na ginawa ni Moises sa ilang at ang altar para sa mga alay na susunugin ay nasa banal na lugar sa Gibeon.
30 Nguni't si David ay hindi makaparoon sa harap niyaon upang magusisa sa Dios: sapagka't siya'y natakot dahil sa tabak ng anghel ng Panginoon.
Gayun paman, hindi makapunta si David doon upang humingi ng patnubay sa Diyos, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ni Yahweh.

< 1 Mga Cronica 21 >