< Mga Awit 60 >

1 O Diyos, itinakwil mo kami; nilupig mo kami; ikaw ay nagalit; ibalik mo aming muli sa aming kalagayan.
Oh Dios, iniwaksi mo kami, ibinagsak mo kami; ikaw ay nagalit; Oh papanauliin mo kami.
2 Pinayayanig mo ang lupain; pinaghiwa-hiwalay mo ito; pagalingin mo ang pagkakasira nito, dahil ito ay nayayanig.
Iyong niyanig ang lupain; iyong pinabuka: pagalingin mo ang mga sira niyaon: sapagka't umuuga.
3 Ipinakita mo sa iyong bayan ang mga matitinding bagay; pinainom mo sa amin ang alak na nagpapasuray.
Nagpakita ka sa iyong bayan ng mahihirap na bagay: iyong ipinainom sa amin ang alak na pangpagiray.
4 Nagbigay ka ng isang bandera sa mga nagpaparangal sa iyo para maipakita ito dahil sa katotohanan. (Selah)
Nagbigay ka ng watawat sa nangatatakot sa iyo, upang maiwagayway dahil sa katotohanan. (Selah)
5 Para silang mga minamahal mo ay masagip, sagipin mo kami ng iyong kanang kamay at sagutin ako.
Upang ang iyong minamahal ay makaligtas, magligtas ka ng iyong kanan, at sagutin mo kami.
6 Ang Diyos ay nagsalita sa kaniyang kabanalan, “Ako ay nagagalak; hahatiin ko ang Shekem at ipamamahagi ang lambak ng Sucot.
Nagsalita ang Dios sa kaniyang kabanalan; ako'y magsasaya: aking hahatiin ang Sichem, at aking susukatin ang libis ng Succoth,
7 Sa akin ang Galaad, at sa akin ang Manases; sanggalang ko sa ulo ang Efraim; setro ko ang Juda.
Galaad ay akin, at Manases ay akin; Ephraim naman ay sanggalang ng aking ulo; Juda ay aking setro.
8 Ang Moab ay aking hilamusan; sa ibabaw ng Edom ihahagis ko ang aking sapatos; sisigaw ako sa tagumpay dahil sa Filistia.
Moab ay aking hugasan; sa Edom ay aking ihahagis ang aking panyapak; Filistia, humiyaw ka dahil sa akin.
9 Sino ang magdadala sa akin sa malakas na lungsod? Sino ang maghahatid sa akin sa Edom?”
Sinong magdadala sa akin sa matibay na bayan? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Pero ikaw, O Diyos, hindi mo ba kami itinakwil? Hindi mo sinamahan sa laban ang aming hukbo.
Hindi mo ba kami iniwaksi, Oh Dios? At hindi ka lumalabas, Oh Dios, na kasama ng aming mga hukbo.
11 Tulungan mo kami laban sa kaaway, dahil ang tulong ng tao ay walang silbi.
Tulungan mo kami laban sa kaaway; sapagka't walang kabuluhan ang tulong ng tao.
12 Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Diyos; yuyurakan niya ang aming mga kaaway.
Sa pamamagitan ng Dios ay gagawa kaming may katapangan: sapagka't siya ang yumayapak sa aming mga kaaway.

< Mga Awit 60 >