< Mga Kawikaan 4 >
1 Makinig, mga anak na lalaki, sa tagubilin ng ama, at bigyang pansin para malaman ninyo kung ano ang pang-unawa.
2 Ibinibigay ko sa inyo ang mga mabuting tagubilin; huwag ninyong pabayaan ang aking katuruan.
3 Nung ako ay anak na lalaki ng aking ama at tanging anak ng aking ina,
4 tinuruan niya ako at sinabi sa akin, “Panghawakan mong mabuti sa iyong puso ang aking mga salita; panatilihin ang aking mga utos at ipamuhay.
5 Pagsumikapan na magkaroon ng karunungan at kaunawaan; huwag kalilimutan at huwag tatanggihan ang mga salita sa aking bibig;
6 huwag iiwanan ang karunungan at ikaw ay kaniyang babantayan; mahalin mo ito at pananatilihin kang ligtas.
7 Ang karunungan ay ang pinakamahalagang bagay, kaya pagsumikapan ang karunungan at gamitin lahat ng mayroon ka para ikaw ay maaaring makakuha nang pang-unawa.
8 Pahalagahan ang karunungan at ikaw ay kaniyang itataas; pararangalan ka kapag niyakap mo ito.
9 Ito ay maglalagay ng isang korona ng karangalan sa iyong ulo; bibigyan ka nito ng isang magandang korona.”
10 Makinig, aking anak, at pansinin ang aking mga salita, at ikaw ay magkakaroon ng maraming mga taon sa iyong buhay.
11 Papatnubayan kita sa daan ng karunungan; pangungunahan kita sa matuwid na mga landas.
12 Kapag ikaw ay lumalakad, walang hahadlang sa iyong daanan at kapag ikaw ay tatakbo, hindi ka matitisod.
13 Kumapit ka sa disiplina, huwag itong bibitawan; bantayan ito, dahil ito ay iyong buhay.
14 Huwag sumunod sa landas ng masama at huwag sumama sa kaparaanan ng mga gumagawa ng masama.
15 Iwasan ito, ito ay huwag magpatuloy; tumalikod mula dito at tumungo sa ibang daan.
16 Dahil hindi sila nakakatulog hanggang sila ay makagawa ng masama at nanakawan sila ng tulog hanggang sila ay magdulot ng pagkatisod ng isang tao.
17 Dahil sila ay kumakain ng tinapay ng kasamaan at iniinom ang alak ng karahasan.
18 Ngunit ang landas ng isang tao na gumagawa ng matuwid ay katulad ng unang liwanag na patuloy na nagliliwanag; ito ay lalong nagliliwanag hanggang sa kapunuan ng araw ay dumating.
19 Ang daan ng masama ay katulad ng kadiliman- hindi nila alam kung ano itong kanilang kinatitisuran.
20 Aking anak na lalaki, bigyang pansin ang aking mga salita; makinig sa aking mga kasabihan.
21 Huwag hayaan silang malayo mula sa iyong paningin; panatilihin sila sa iyong puso.
22 Dahil ang aking mga salita ay buhay sa mga nakakatagpo sa kanila at kalusugan sa kanilang buong katawan.
23 Panatilihing ligtas ang iyong puso at bantayan ito nang may buong sigasig, dahil mula dito dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
24 Ilayo ang baluktot na pananalita mula sa iyo at ilayo ang maruruming salita mula sa iyo.
25 Hayaan mong tumingin nang tuwid ang iyong mga mata at ipirmi ng tuwid ang iyong pagtitig sa harap mo.
26 Gumawa ng isang patag na landas para sa iyong paa; sa gayon lahat ng iyong mga daraanan ay magiging ligtas.
27 Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa; ipihit ang iyong paa palayo mula sa kasamaan.