< Jeremias 9 >

1 Kung maaari lamang magpalabas ng tubig ang aking ulo at maging bukal ng luha ang aking mga mata! Sapagkat nais kong umiyak sa umaga at gabi para sa mga anak ng aking mga tao na pinatay.
Oh kung ang aking ulo lamang ay maging tubig, at ang aking mga mata ay bukalan ng mga luha, upang ako'y makaiyak araw at gabi dahil sa pagkamatay ng anak na babae ng aking bayan!
2 Kung may makapagbibigay lamang sa akin ng isang lugar sa ilang na para sa mga manlalakbay upang panirahan, na aking mapupuntahan upang talikuran ang aking bayan. Kung maaari ko lamang silang iwanan, yamang mga nakikiapid silang lahat, isang pangkat ng mga taksil!
Oh kung magkaroon ako sa ilang ng patuluyan sa mga naglalakad; upang aking maiwan ang aking bayan, at lisanin ko sila! sapagka't silang lahat ay mangangalunya, kapulungan ng mga taong taksil!
3 Ipinahayag ni Yahweh, “Nagsasabi ang kanilang mga dila ng mga kasinungalingan, na kanilang mapanlinlang na sandata, ngunit hindi sila dakila sa katapatan sa lupa. Patuloy silang gumagawa ng masama sa iba. Hindi nila ako kilala.”
At pinamimilantik nila ang kanilang dila gaya ng kanilang busog, dahil sa kabulaanan; at sila'y nagsisitakas sa lupain, nguni't hindi para sa katotohanan: sapagka't sila'y nagpatuloy mula sa kasamaan hanggang sa kasamaan, at hindi nila ako nakikilala, sabi ng Panginoon.
4 Bantayan ng bawat isa sa inyo ang inyong kapwa at huwag magtiwala sa sinumang kapatid. Sapagkat mandaraya ang bawat kapatid at namumuhay sa paninirang-puri ang bawat kapwa.
Mangagingat bawa't isa sa inyo sa kaniyang kapuwa, at huwag kayong mangagkatiwala sa kanino mang kapatid; sapagka't bawa't kapatid ay mangaagaw, at bawa't kapuwa ay makikisama sa mapanirang puri.
5 Kinukutya ng bawat isa ang kaniyang kapwa at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nagtuturo ng mga mapanlinlang na bagay ang kanilang mga dila. Pagod na pagod sila sa paggawa ng malaking kasalanan.
At mangagdaya bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, at hindi mangagsasalita ng katotohanan: kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan; sila'y nangagpakapagod upang gumawa ng kasamaan.
6 Namuhay kayo sa gitna ng pandaraya. Sa kanilang panlilinlang, tinanggihan nila akong kilalanin. Ito ang pahayag ni Yahweh.”
Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pangdadaya: dahil sa pangdadaya ay ayaw silang kumilala sa akin, sabi ng Panginoon.
7 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, “Tingnan ninyo, susubukin at susuriin ko sila. Ano pa ang aking gagawin para sa anak ng babae ng aking mga tao?
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking lilituhin sila, at susubukin sila; sapagka't ano pa ang aking magagawa, dahil sa anak na babae ng aking bayan?
8 Matatalas na palaso ang kanilang mga dila at nagsasalita sila ng mga bagay na kasinungalingan. Sa pamamagitan ng kanilang mga bibig, naghahayag sila ng kapayapaan sa kanilang kapwa, ngunit sa kanilang mga puso inaabangan nila sila.
Ang kanilang dila ay panang nakamamatay; nagsasalita ng karayaan: nagsasalitang may kapayapaan ng kaniyang bibig sa kaniyang kapuwa, nguni't bumabakay siya ng kaniyang puso sa kaniya.
9 Hindi ko ba sila dapat parusahan dahil sa mga bagay na ito at hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili sa bansang tulad nito? Ito ang pahayag ni Yahweh.
Hindi ko baga dadalawin sila dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ako sa isang bansa na gaya nito?
10 Aawit ako ng mga awiting panluksa at panaghoy para sa mga kabundukan, at isang awit na panlibing ang aawitin para sa kaparangan. Sapagkat nasunog ang mga ito kaya walang sinuman ang makadadaan dito. Hindi sila makaririnig ng anumang huni ng baka. Nagsilayo lahat ang mga hayop at ang mga ibon sa kalangitan.
Sa mga bundok ay maglalakas ako ng pagiyak at pananangis, at sa mga sabsaban sa ilang ay panaghoy, sapagka't nasunog ang mga yaon, na anopa't walang dumaraan; hindi man narinig ng mga tao ang angal ng kawan; ang mga ibon sa himpapawid at gayon din ang mga hayop sa parang ay nagsitakas, ang mga ito'y nagsiyaon.
11 Kaya gagawin kong bunton ng pagkasira ang Jerusalem, isang taguan ng mga asong-gubat. Gagawin kong mga wasak na lugar ang mga lungsod ng Juda na walang maninirahan.
At aking gagawin na mga bundok ang Jerusalem, na tahanang dako ng mga chakal; at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na walang mananahan.
12 Sino ang matalinong tao na makauunawa nito? Ano ang ipinahayag ni Yahweh sa kaniya upang maaari niya itong iulat? Bakit nawasak ang kalupaan? Nawasak ito tulad ng ilang, kung saan walang sinuman ang makadadaan dito.
Sino ang pantas na makakaunawa nito? at sino siya na pinagsalitaan ng bibig ng Panginoon, upang kaniyang maipahayag? bakit ang lupain ay napupugnaw at nasusunog na parang ilang, na anopa't walang dumaraan?
13 Sinasabi ni Yahweh, “Dahil ito sa pagtalikod nila sa kautusan na aking ibinigay sa kanila at dahil hindi nila pinakinggan ang aking tinig o ipinamuhay ito.
At sinabi ng Panginoon, Sapagka't kanilang pinabayaan ang aking kautusan na aking inilagay sa harap nila, at hindi nagsisunod sa aking tinig, o nilakaran man nila;
14 Ito ay dahil namuhay sila sa pamamagitan ng kanilang mga matitigas na puso at sa pagsunod sa mga Baal tulad ng itinuro sa kanila ng kanilang mga ama na gagawin nila.
Kundi sila'y nagsisunod sa pagmamatigas ng kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang;
15 Kaya, ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel. 'Tingnan ninyo, pakakainin ko ang mga taong ito ng mapapait na halaman at paiinumin ng nakalalasong tubig.
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Narito, aking pakakanin sila, ang bayang ito, ng ajenjo, at bibigyan ko sila ng inuming mapait upang inumin.
16 At ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakikilala maging ng kanilang mga ninuno. Magpapadala ako ng espadang tutugis sa kanila hanggang sa ganap ko silang mawasak.”'
Akin ding pangangalatin sila sa gitna ng mga bansa, na hindi nakilala kahit nila o ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa aking malipol sila.
17 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, “Unawain ninyo ito: Tawagin ninyo ang mga mang-aawit sa paglilibing at hayaan silang lumapit, magpadala kayo ng mga babaeng mahuhusay sa pagdadalamhati at hayaan silang lumapit.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Kayo'y mangagdilidili, at magsitawag ng mga tagapanangis na babae, upang sila'y mangakaparito; at inyong ipasundo ang mga bihasang babae, upang sila'y mangakaparito:
18 Madaliin sila at paawitin ng awiting panluksa sa atin, upang dumaloy ang luha sa ating mga mata at daluyan ng tubig ang talukap ng ating mga mata.
At mangagmadali sila, at mangaglakas sila ng panangis dahil sa atin, upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha, at ang ating mga talukapmata ay labasan ng tubig.
19 Sapagkat narinig sa Zion ang hiyaw ng panaghoy. 'Ganap kaming nawasak. Labis kaming nahiya, sapagkat nilisan namin ang lupain matapos nilang gibain ang aming mga tahanan.'
Sapagka't ang tinig ng panangis ay naririnig mula sa Sion, Ano't tayo'y nasisira! tayo'y lubhang nangalito, sapagka't ating pinabayaan ang lupain, sapagka't kanilang ibinagsak ang ating mga tahanan.
20 Kaya kayong mga kababaihan, pakinggan ang salita ni Yahweh, bigyang pansin ang mga mensahe na nagmula sa kaniyang bibig. At turuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng awiting panluksa at sa kapwa babae ng awiting panlibing.
Gayon ma'y inyong dinggin ang salita ng Panginoon, Oh ninyong mga babae, at tanggapin ng inyong pakinig ang salita ng kaniyang bibig; at turuan ninyo ang inyong mga anak na babae ng panangis, at turuan ng bawa't isa ang kaniyang kapuwa ng panaghoy.
21 Sapagkat dumating na ang kamatayan sa ating mga bintana, pupunta ito sa ating mga palasyo, pupuksain nito ang mga bata na nasa labas at mga kabataang nasa mga pamilihan ng lungsod.
Sapagka't ang kamatayan ay sumampa sa loob ng ating mga dungawan, ito'y pumasok sa ating mga palacio; upang ihiwalay ang mga anak sa labas, at ang mga binata sa mga lansangan.
22 'Ito ang pahayag ni Yahweh. 'Ipahayag ninyo ito, Malalaglag ang mga bangkay ng mga tao tulad ng dumi sa kabukiran at tulad ng mga tangkay ng butil sa likod ng manggagapas at walang sinuman ang magtitipon sa kanila.'”
Salitain mo: Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang mga bangkay ng mga tao ay mangabubuwal na parang dumi sa luwal na parang, at parang bigkis sa likod ng manggagapas: at walang dadampot.
23 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Huwag ninyong hayaang magyabang ang mga matatalino sa kanilang karunungan o ang mandirigma sa kaniyang kalakasan. Huwag ninyong hayaang magyabang ang mayamang tao sa kaniyang kayamanan.
Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag magmapuri ang pantas sa kaniyang karunungan, o magmapuri man ang makapangyarihan sa kaniyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kaniyang kayamanan;
24 Sapagkat kung magyayabang ang isang tao sa anumang bagay, ito dapat ang mayroon sa kaniya, na mayroon siyang pang-unawa at pagkilala sa akin. Sapagkat ako si Yahweh, na gumagawa ng matapat na kasunduan, katarungan at katuwiran sa sanlibutan. Sapagkat ito ang mga bagay na aking kinagagalak. Ito ang pahayag ni Yahweh.”
Kundi magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kaniyang nauunawa, at kaniyang nakikilala ako, na ako ang Panginoon na nagsasagawa sa lupa ng kagandahang-loob, kahatulan at katuwiran; sapagka't sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.
25 Tingnan ninyo, darating ang mga araw na parurusahan ko ang lahat ng tuli lamang sa kanilang mga katawan. Ito ang pahayag ni Yahweh.
Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking parurusahan silang lahat na nangatuli sa hindi tunay na pagkatuli.
26 Parurusahan ko ang Egipto, Juda, Edom, mga tao sa Ammon, Moab at lahat ng tao na nagpaputol ng kanilang mga buhok sa ulo, na naninirahan sa disyerto. Sapagkat hindi tuli ang lahat ng bansang ito at matigas ang puso ng lahat ng nasa sambahayan ng Israel.”
Ang Egipto, at ang Juda, at ang Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ang Moab, at lahat ng nagsisigupit ng laylayan ng kaniyang buhok, na nagsisitahan sa ilang; sapagka't lahat ng mga bansa ay hindi tuli, at ang buong sangbahayan ni Israel ay hindi tuli sa puso.

< Jeremias 9 >