< Jeremias 7 >
1 Ito ang salita na dumating kay Jeremias mula kay Yahweh,
Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,
2 “Tumayo ka sa tarangkahan ng tahanan ni Yahweh at ipahayag mo ang mga salitang ito! Sabihin mo, 'Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, lahat kayong mga taga-Juda, kayong mga pumasok sa mga tarangkahan na ito upang sambahin si Yahweh.
Ikaw ay tumayo sa pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at itanyag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong lahat na nasa Juda, na nagsisipasok sa mga pintuang-daang ito upang magsisamba sa Panginoon.
3 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo na Diyos ng Israel: Gawin ninyo nang may kabutihan ang inyong mga kaparaanan at kaugalian at hahayaan ko kayong mamuhay sa lugar na ito.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at akin kayong patatahanin sa dakong ito.
4 Huwag ninyong ipagkatiwala ang inyong mga sarili sa mga mapanlinlang na salita at sabihin, “Templo ni Yahweh! Templo ni Yahweh! Templo ni Yahweh!”
Huwag kayong magsitiwala sa mga kabulaanang salita, na nangagsasabi, Ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ay ang mga ito.
5 Sapagkat kung ganap ninyong gagawing mabuti ang inyong mga kaparaanan at mga kaugalian, kung ganap ninyong ipinapakita ang katarungan sa pagitan ng isang tao at ng kaniyang kapwa.
Sapagka't kung inyong lubos na pabubutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y lubos na magsisigawa ng kahatulan sa isang tao at sa kaniyang kapuwa.
6 Kung hindi ninyo sinasamantala o inaabuso ang isang tao na naninirahan sa lupain, ang ulila o ang balo at hindi dumanak ang inosenteng dugo sa lugar na ito at hindi kayo sumunod sa ibang mga diyos para sa inyong sariling kapahamakan.
Kung hindi ninyo pipighatiin ang makikipamayan, ang ulila, at ang babaing bao, at hindi kayo magbububo ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga dios sa inyong sariling kapahamakan.
7 Hahayaan ko kayong manatili sa lugar na ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga ninuno magmula pa noong unang panahon at magpakailanman.
Ay patatahanin ko nga kayo sa dakong ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang mula ng una hanggang sa walang hanggan.
8 Masdan ninyo! Nagtitiwala kayo sa mga mapanlinlang na salita na hindi nakakatulong sa inyo.
Narito, kayo'y nagsisitiwala sa mga kabulaanang salita, na hindi mapapakinabangan.
9 Nagnakaw ba kayo, pumatay at nangalunya? At nangako ba kayo nang may panlilinlang at nag-alay ng insenso kay Baal at sumunod sa iba pang mga diyos na hindi ninyo kilala?
Kayo baga'y mangagnanakaw, magsisipatay, at mangangalunya at magsisisumpa ng kabulaanan, at mangagsusunog ng kamangyan kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga dios na hindi ninyo nakikilala.
10 Kung gayon, pumunta ba kayo at tumayo sa aking harapan sa tahanang ito kung saan inihayag ang aking pangalan at sinabi, “Naligtas kami,” kaya magagawa ninyo ang lahat ng mga kasuklam-suklam na bagay na ito?
At magsisiparito at magsisitayo sa harap ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na mangagsasabi, Kami ay laya; upang inyong gawin ang lahat na kasuklamsuklam na ito?
11 Ang tahanan bang ito na nagtataglay ng aking pangalan ay isang kuta ng mga magnanakaw sa inyong paningin? Ngunit masdan ninyo, nakita ko ito. Ito ang pahayag ni Yahweh.'
Ang bahay bagang ito na tinawag sa aking pangalan, naging yungib ng mga tulisan sa harap ng inyong mga mata? Narito, ako, ako nga ang nakakita, sabi ng Panginoon.
12 'Kaya pumunta kayo sa aking lugar na nasa Shilo, kung saan hinayaan ko ang aking pangalan na manatili doon sa simula pa at tingnan ninyo kung ano ang ginawa ko doon dahil sa kasamaan ng aking mga taong Israel.
Nguni't magsiparoon kayo ngayon sa aking dako na nasa Silo, na siyang aking pinagpatahanan ng aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.
13 Kaya ngayon dahil sa paggawa ninyo ng lahat ng mga kaugaliang ito, ito ang pahayag ni Yahweh, 'Paulit-ulit ko kayong sinabihan ngunit hindi kayo nakinig. Tinawag ko kayo ngunit hindi kayo sumagot.
At ngayon, sapagka't inyong ginawa ang lahat ng gawang ito, sabi ng Panginoon, at nagsalita ako sa inyo, na ako'y bumabangong maaga at nagsasalita, nguni't hindi ninyo dininig: at aking tinawag kayo, nguni't hindi kayo sumagot:
14 Kaya, kung ano ang ginawa ko sa Shilo, gagawin ko rin sa tahanang ito na tinawag sa aking pangalan, ang tahanan kung saan kayo nagtiwala, ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.
Kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong tinitiwalaan, at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Silo.
15 Sapagkat palalayasin ko kayo sa aking harapan gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ng inyong mga kapatid, ang lahat ng mga kaapu-apuhan ni Efraim.'
At akin kayong itatakuwil sa aking paningin, gaya ng pagkatakuwil ko sa lahat ninyong mga kapatid, sa buong binhi ni Ephraim.
16 At ikaw, Jeremias, huwag kang manalangin para sa mga taong ito at huwag kang tumangis ng panaghoy o manalangin para sa kanila at huwag kang makiusap sa akin sapagkat hindi kita pakikinggan.
Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, ni palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man, o mamagitan man ikaw sa akin; sapagka't hindi kita didinggin.
17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang ginagawa nila sa lungsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
18 Nagtitipon ng kahoy ang mga bata at sinisindihan ito ng kanilang mga ama! Nagmamasa ng harina ang mga kababaihan upang gumawa ng mga tinapay para sa reyna ng kalangitan at nagbubuhos ng mga inuming handog para sa ibang mga diyos upang galitin ako.
Ang mga anak ay nangamumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nangagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nangagmamasa ng masa, upang igawa ng mga tinapay ang reina ng langit, at upang magbuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga dios, upang kanilang mungkahiin ako sa galit.
19 Ito ang pahayag ni Yahweh. Sinasaktan ba talaga nila ako? Hindi ba ang sarili nila ang kanilang sinasaktan, kaya nasa kanila ang kahihiyan?
Kanila baga akong minumungkahi sa galit? sabi ng Panginoon; hindi baga sila namumungkahi sa kanilang sarili sa ikalilito ng kanila ring mukha?
20 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Tingnan ninyo, bubuhos ang aking poot at galit sa lugar na ito, sa tao at sa hayop, sa puno sa mga bukirin at sa bungang kahoy sa lupa. Aapoy ito at hindi mapapatay kailanman.'
Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking galit at ang aking kapusukan ay mabubuhos sa dakong ito, sa tao, at sa hayop, at sa mga punong kahoy sa parang, at sa bunga ng lupa: at masusupok, at hindi mapapatay.
21 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo na Diyos ng Israel, 'Idagdag ninyo ang mga handog na susunugin sa inyong mga alay at ang mga karne mula sa mga ito.
Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong idagdag ang inyong mga handog na susunugin sa inyong mga hain, at magsikain kayo ng laman.
22 Sapagkat nang pinalaya ko mula sa lupain ng Egipto ang inyong mga ninuno, wala akong hiningi na anuman mula sa kanila. Wala akong ibinigay na utos tungkol sa handog na susunugin at sa mga alay.
Sapagka't hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nagutos man sa kanila nang araw na inilabas ko sila sa lupain ng Egipto, tungkol sa mga handog na susunugin, o sa mga hain:
23 Ibinigay ko lamang sa kanila ang utos na ito, “Makinig kayo sa aking tinig at ako ang magiging Diyos ninyo at kayo ay magiging aking mga tao. Kaya lumakad kayo sa lahat ng kaparaanan na iniuutos ko sa inyo upang maging maayos ito sa inyo.”
Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, sa ikabubuti ninyo.
24 Ngunit hindi sila nakinig o nagbigay pansin. Namuhay sila sa pamamagitan ng mga mapagmataas na balak ng kanilang mga masasamang puso, kaya sila ay paurong at hindi pasulong.
Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.
25 Simula pa noong araw na lumabas sa lupain ng Egipto ang inyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ipinadala ko sa inyo ang lahat ng aking mga lingkod at mga propeta. Nagtiyaga akong ipadala sila.
Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay magsilabas sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito, aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila:
26 Ngunit hindi sila nakinig sa akin. Hindi nila binigyan ng pansin. Sa halip, pinatigas nila ang kanilang mga leeg. Mas masama sila kaysa sa kanilang mga ninuno.'
Gayon ma'y hindi sila nangakinig sa akin, o nangagkiling man ng kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg: sila'y nagsigawa ng lalong masama kay sa kanilang mga magulang.
27 Kaya ipahayag mo sa kanila ang lahat ng mga salitang ito, ngunit hindi ka nila pakikinggan. Ipahayag mo sa kanila ang mga bagay na ito, ngunit hindi ka nila sasagutin.
At iyong sasalitain ang lahat na salitang ito sa kanila; nguni't hindi sila mangakikinig sa iyo: iyo namang tatawagin sila; nguni't hindi sila magsisisagot sa iyo.
28 Sabihin mo sa kanila, 'Ito ay isang bansa na hindi nakikinig sa tinig ni Yahweh na kaniyang Diyos at hindi tumatanggap ng pagtutuwid. Nasira at naalis ang katotohanan mula sa kanilang mga bibig.
At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang bansang hindi nakinig sa tinig ng Panginoon nilang Dios, o tumanggap man ng aral: katotohanan ay nawala, at nahiwalay sa kanilang bibig.
29 Gupitin ninyo ang inyong buhok at mag-ahit kayo at itapon ninyo ang inyong buhok. Umawit kayo ng mga awiting panlibing sa mga bukas na lugar. Sapagkat itinakwil at tinalikuran ni Yahweh ang salinlahing ito dahil sa kaniyang matinding galit.
Iyong gupitin ang iyong buhok, Oh Jerusalem, at ihagis mo, at maglakas ka ng panaghoy sa mga luwal na kaitaasan; sapagka't itinakuwil ng Panginoon at nilimot ang lahat ng kaniyang poot.
30 Sapagkat gumawa ng kasamaan sa aking paningin ang mga anak ni Juda, inilagay nila ang mga bagay na kasuklam-suklam sa tahanan kung saan inihayag ang aking pangalan, upang dungisan ito. Ito ang pahayag ni Yahweh.
Sapagka't nagsigawa ang mga anak ni Juda ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon: kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.
31 Pagkatapos, itinayo nila ang dambana ng Tofet na nasa lambak ng Ben Hinom. Ginawa nila ito upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak, bagay na hindi ko ipinag-utos. Hindi ito kailanman sumagi sa aking isipan.
At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ng Topheth, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy; na hindi ko iniuutos, o pumasok man sa aking pagiisip.
32 Kaya tingnan ninyo, paparating na ang panahon na hindi na ito tatawagin na Tofet o nayon ng Ben Hinom. Magiging lambak ito ng Pagpatay, ililibing nila sa Tofet ang mga bangkay hanggang wala nang maiiwang silid doon. Ito ang pahayag ni Yahweh.
Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Topheth, o ang libis ng anak ni Hinnom man, kundi Ang libis ng Patayan: sapagka't sila'y mangaglilibing sa Topheth, hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.
33 Magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa ang mga bangkay ng mga tao na ito at walang sinumang makakapagpaalis sa mga ito.
At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga yaon.
34 Wawakasan ko ang mga lungsod ng Juda at ang mga lansangan ng Jerusalem, ang mga himig ng pagpaparangal at pagsasaya, ang mga himig ng mga lalaki at babaing ikakasal, yamang magiging isang malagim ang lupain.”
Kung magkagayo'y aking ipatitigil sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae: sapagka't ang lupain ay masisira.