< Jeremias 35 >
1 Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula kay Yahweh sa mga panahon ni Jehoiakim na anak ni Josias na hari ng Juda, at sinabi niya,
2 “Pumunta ka sa angkan ng mga Recabita at magsalita ka sa kanila. At dalhin mo sila sa aking tahanan, sa isa sa mga silid doon at bigyan mo sila ng alak na maiinom.”
3 Kaya dinala ko si Jaazanias na anak ni Jeremias na anak ni Habasinias at ang kaniyang mga kapatid na lalaki, ang lahat ng kaniyang mga anak na lalaki at ang lahat ng angkan ng Recabita.
4 Dinala ko sila sa tahanan ni Yahweh, sa mga silid ng mga anak ni Heman na anak ni Igdalias, na lingkod ng Diyos. Ang mga silid na ito ay katabi ng silid ng mga pinuno kung saan nasa itaas ng silid ni Maaseias na anak ni Sallum, na tagapagbantay ng tarangkahan.
5 Pagkatapos, naglagay ako ng mga mangkok at mga kopang puno ng alak sa harapan ng mga Recabita at sinabi ko sa kanila, “Uminom kayo ng alak.”
6 Ngunit sinabi nila, “Hindi kami iinom ng anumang alak, sapagkat inutusan kami ng aming ninunong si Jonadab na anak ni Recab na, 'Huwag kayong uminom ng anumang alak, kayo o ng inyong mga kaapu-apuhan, magpakailanman.
7 Huwag din kayong magtayo ng anumang mga bahay, maghasik ng anumang mga butil o magtanim ng anumang mga ubasan, hindi ito para sa inyo. Sapagkat dapat kayong manirahan sa mga tolda sa buong buhay ninyo, upang sa gayon kayo ay mamumuhay ng mahabang panahon sa lupain kung saan kayo nananatili gaya ng mga dayuhan.'
8 Sinunod namin ang tinig ni Jonadab na anak ni Recab, na aming ninuno sa lahat ng kaniyang iniutos sa amin, na huwag kailanmang uminom ng alak sa buong buhay namin, kami ng aming mga asawa, ng aming mga anak na lalaki at babae.
9 At huwag kailanman kaming magtatayo ng mga bahay upang tirahan, at hindi kami magkakaroon ng ubasan, bukirin o binhi na aming pag-aari.
10 Nanirahan kami sa mga tolda at nakinig at sumunod sa lahat ng iniutos ng aming ninunong si Jonadab.
11 Ngunit nang nilusob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia ang lupain, sinabi namin, 'Halikayo, dapat tayong pumunta sa Jerusalem upang tumakas mula sa mga hukbo ng Caldeo at ng taga-Siria.' Kaya naninirahan kami sa Jerusalem.”
12 At dumating ang salita ni Yahweh kay Jeremias at sinabi,
13 “Sinasabi ito ni Yahweh ng mga hukbo, na Diyos ng Israel, 'Pumunta ka at sabihin sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, “Hindi ba ninyo tatanggapin ang pagtutuwid at hindi pakikinggan ang aking mga salita? —ito ang pahayag ni Yahweh.
14 Ang mga salita ni Jonadab na anak ni Recab na ibinigay niya sa kaniyang mga anak bilang utos, na huwag uminom ng anumang alak ay sinusunod hanggang sa panahong ito. Sinunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Ngunit para sa akin, ako mismo ang patuloy na nagpapahayag sa inyo, ngunit hindi kayo nakikinig sa akin.
15 Ipinadala ko ang lahat ng aking mga lingkod, na mga propeta. Patuloy ko silang ipinapadala upang sabihin, 'Tumalikod ang bawat tao sa kaniyang masamang pamamaraan at gumawa ng mabubuting bagay, huwag nang sumunod ang sinuman sa ibang diyos at sambahin ang mga ito. Sa halip, bumalik kayo sa lupain na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.' Ngunit hindi kayo makikinig sa akin o magbibigay pansin.
16 Sapagkat sinunod ng mga kaapu-apuhan ni Jonadab na anak ni Recab ang mga utos ng kanilang mga ninuno na ibinigay niya sa kanila, ngunit hindi nakikinig ang mga taong ito sa akin.”'
17 Kaya sinasabi ni Yahweh, na Diyos ng mga hukbo at Diyos ng Israel, 'Tingnan ninyo, ang lahat ng mga sakunang aking ipinahayag laban sa kanila—dadalhin ko ang mga sakunang ito sa Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, dahil nagbabala ako sa kanila, ngunit hindi sila nakinig. Tinawag ko sila, ngunit hindi sila sumagot.”'
18 Sinabi ni Jeremias sa sambahayan ng mga Recabita, “Sinasabi ito ni Yahweh ng mga hukbo, na Diyos ng Israel: Pinakinggan ninyo ang mga utos ni Jonadab na inyong ninuno at ginawa ang lahat ng mga ito—sinunod ninyo ang lahat ng kaniyang iniutos na gawin ninyo—
19 kaya sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, na Diyos ng Israel, 'Laging magkakaroon ng taong nagmula kay Jonadab na anak ni Recab na maglilingkod sa akin.”'