< Daniel 11 >

1 “Sa unang taon ni Dario na taga-Media, dumating ako mismo upang tulungan at pangalagaan si Miguel.
At tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya.
2 At ngayon, ipapahayag ko sa iyo ang isang katotohanan. Tatlong hari ang lilitaw sa Persia at ang ika-apat ay higit na mayaman kaysa sa kanilang lahat. Nang magkaroon siya ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang mga kayamanan, hihimukin niya ang bawat isa laban sa kaharian ng Grecia.
At ngayo'y aking ipatatalastas sa iyo ang katotohanan. Narito, tatayo pa ang tatlong hari sa Persia; at ang ikaapat ay magiging totoong mayaman kay sa kanilang lahat: at pagka siya'y lumakas sa kaniyang mga yaman, ay kaniyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia.
3 At mamumuno ang isang makapangyarihang hari sa isang napakalaking kaharian at gagawin niya ang lahat ng bagay na kaniyang naisin.
At isang makapangyarihang hari ay tatayo, na magpupuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban.
4 Sa kaniyang paglitaw, mawawasak ang kaniyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit. Ngunit hindi ito maibibigay sa kaniyang mga kaapu-apuhan, at hindi ito magkakaroon ng dati nitong kapangyarihan nang pinamumunuan niya ito. Sapagkat mabubunot ang kaniyang kaharian at ibibigay sa hindi niya sariling kaapu-apuhan.
At pagka tatayo siya ay magigiba ang kaniyang kaharian, at mababahagi sa apat na hangin ng langit, nguni't hindi sa kaniyang anak, ni ayon man sa kaniyang kapangyarihan na kaniyang ipinagpuno; sapagka't ang kaniyang kaharian ay mabubunot para sa mga iba bukod sa mga ito.
5 Magiging malakas ang hari ng Timog ngunit isa sa kaniyang mga pinuno ng hukbo ang magiging mas malakas sa kaniya at pamumunuan ang mas malaki pang kaharian.
At ang hari sa timugan ay magiging malakas, at ang isa sa kaniyang mga prinsipe; at siya'y magiging malakas kay sa kaniya, at magtataglay ng kapangyarihan; ang kaniyang kapangyarihan ay magiging dakilang kapangyarihan.
6 Pagkatapos ng ilang taon, sa tamang panahon, gagawa sila ng isang kasunduan. Pupunta ang babaeng anak ng hari ng Timog sa hari ng Hilaga upang patunayan ang kasunduan. Ngunit mawawala ang kaniyang kapangyarihan, at iiwanan siya—siya at ang mga nagdala sa kaniya, ang kaniyang ama, at ang isang taong tumulong sa kaniya sa mga panahong iyon.
At sa katapusan ng mga taon, sila'y magpipipisan; at ang anak na babae ng hari sa timugan ay paroroon sa hari sa hilagaan upang gumawa ng pakikipagkasundo: nguni't hindi niya mapananatili ang lakas ng kaniyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nangagdala sa kaniya, at ang nanganak sa kaniya, at ang nagpalakas sa kaniya sa mga panahong yaon.
7 Ngunit lilitaw ang isang sanga mula sa kaniyang mga ugat na papalit sa kaniyang puwesto. Sasalakayin niya ang mga hukbo at papasukin ang mga tanggulan ng hari ng Hilaga. Lalabanan niya sila at sasakupin.
Nguni't sa suwi ng kaniyang mga ugat ay tatayo ang isa na kahalili niya na paroroon sa hukbo, at papasok sa katibayan ng hari sa hilagaan, at gagawa ng laban sa kanila, at mananaig.
8 Dadalhin niya sa Egipto ang kanilang mga diyos kasama ang kanilang mga inukit na imaheng metal at ang kanilang mahahalagang lalagyan ng pilak at ginto at sa loob ng ilang taon, iiwasan niyang salakayin ang hari ng Hilaga.
At gayon din ang kanilang mga dios sangpu ng kanilang mga larawang binubo, at ng kanilang mga mainam na sisidlan na pilak at ginto ay dadalhing samsam sa Egipto; at siya'y magluluwat na ilang taon kay sa hari sa hilagaan.
9 Sasakupin ng hari ng Hilaga ang kaharian ng hari ng Timog, ngunit aatras siya sa kaniyang sariling lupain.
At siya'y paroroon sa kaharian ng hari sa timugan, nguni't siya'y babalik sa kaniyang sariling lupain.
10 Magsisimula ng digmaan ang kaniyang mga anak na lalaki at magtitipon ng isang malaking hukbong patuloy na darating at aapaw na tulad ng isang baha, makakapasok at muling sasalakay hanggang sa kaniyang tanggulan.
At ang kaniyang mga anak ay makikipagdigma, at mapipisan ng isang karamihang malaking hukbo, na magpapatuloy, at aabot, at lalagpas; at sila'y magsisibalik at makikipagdigma, hanggang sa kaniyang katibayan.
11 Ang hari ng Timog ay galit na magmamartsa at makikipaglaban sa hari ng Hilaga. Magpapalakas ng malaking hukbo ang hari ng Hilaga, ngunit ibibigay ito sa hari ng Timog.
At ang hari sa timugan ay makikilos ng pagkagalit, at lalabas at makikipaglaban sa kaniya, sa makatuwid baga'y sa hari sa hilagaan; at siya'y maglalabas ng malaking karamihan, at ang karamiha'y mabibigay sa kaniyang kamay.
12 Kapag nagtagumpay na ang mga hukbo, mapupuno ng pagmamataas ang hari ng Timog, at papatayin ang libu-libo sa kaniyang mga kaaway. Ngunit hindi siya magtatagumpay.
At ang karamihan ay madadala, at ang kaniyang puso ay magpapalalo; at siya'y magbubuwal ng libo-libo, nguni't hindi mananaig.
13 Muling bubuo ng isa pang hukbo ang hari ng Hilaga, mas malaki kaysa nauna. Pagkatapos ng ilang taon, ang hari ng Hilaga ay tiyak na babalik na may isang malaking hukbo na natustusan ng maraming kagamitan.
At ang hari sa hilagaan ay babalik, at maglalabas ng isang karamihan na lalong malaki kay sa una; at siya'y magpapatuloy hanggang sa wakas ng mga panahon, ng mga taon, na ma'y malaking hukbo, at maraming kayamanan.
14 Sa mga panahong iyon, marami ang lilitaw laban sa hari ng Timog. Ang mga pinakamarahas sa iyong mga tao ay tatayo sa kanilang mga sarili upang tuparin ang pangitain, ngunit matitisod sila at mahuhulog.
At sa mga panahong yaon ay maraming magsisitayo laban sa hari sa timugan: gayon din ang mga anak na mangdadahas sa gitna ng iyong bayan ay magsisibangon upang itatag ang pangitain; nguni't sila'y mangabubuwal.
15 Darating ang hari ng Hilaga at magtatayo ng mga tambak na daraanan at bibihagin ang pinatibay na lungsod. Hindi makakayanang tumayo ng puwersa ng Timog, maging ang kanilang pinakamalalakas na kawal ay walang lakas upang tumayo.
Sa gayo'y paroroon ang hari sa hilagaan, at gagawa ng isang bunton, at sasakop ng isang bayan na nakukutaang mabuti: at ang pulutong ng timugan ay hindi makatatayo ni ang kaniya mang piling bayan, ni magtataglay man sila ng anomang kalakasan, upang tumayo.
16 Ngunit gagawin ng hari ng Hilaga ang lahat ng gusto niyang gawin laban sa hari ng Timog at walang sinumang pipigil sa kaniya; itatatag niya ang kaniyang sarili sa mainam na lupaing dala-dala ng kaniyang kamay ang ganap na pagkawasak.
Nguni't ang dumarating laban sa kaniya, ay gagawa ng ayon sa sariling kalooban, at walang tatayo sa harap niya; at siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, at sasa kaniyang kamay ang paglipol.
17 Ang hari ng Hilaga ay magpapasyang pumunta na taglay ang lakas ng kaniyang buong kaharian, at dala-dala niya ang isang makatarungang kasunduan na kaniyang ipatutupad kasama ang hari ng Timog. Ibibigay niya sa hari ng Timog ang isang babaeng anak na ipapakasal upang wasakin ang kaharian ng Timog. Ngunit hindi magtatagumpay o makakatulong sa kaniya ang balak na ito.
At kaniyang itatanaw ang kaniyang mukha upang pumaroon na kasama ng lakas ng kaniyang buong kaharian, at ng mga tapat na kasama niya; at siya'y gagawa ng mga yaon: at ibibigay niya sa kaniya ang anak na babae ng mga babae, upang hamakin; nguni't siya'y hindi tatayo, ni siya'y mapapasa kaniya man.
18 Pagkatapos nito, bibigyang pansin ng hari ng Hilaga ang mga baybaying lugar at bibihagin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang pipigil sa kaniyang kalikuan at ibabalik ng pinunong ito ang kaniyang kalikuan sa kaniya.
Pagkatapos nito'y kaniyang ipipihit ang kaniyang mukha sa mga pulo, at sasakop ng marami: nguni't isang prinsipe ay magpapatigil ng pagkutya niya; oo, bukod dito'y kaniyang pababalikin ang kaniyang kakutyaan sa kaniya.
19 At bibigyan niya ng pansin ang mga kutang tanggulan sa kaniyang sariling lupain, ngunit matitisod siya at babagsak; hindi na siya matatagpuan.
Kung magkagayo'y kaniyang ipipihit ang kaniyang mukha sa dako ng mga kuta ng kaniyang sariling lupain; nguni't siya'y matitisod at mabubuwal, at hindi masusumpungan.
20 Pagkatapos ay may isang lilitaw na kapalit niya at sapilitang maniningil ng pambayad sa buwis para tustusan ang kayamanan ng kaharian. Ngunit sa loob lamang ng ilang araw, siya ay mawawasak, ngunit hindi sa pamamagitan ng galit o labanan.
Kung magkagayo'y tatayo na kahalili niya ang isa na magpaparaan ng maniningil sa kaluwalhatian ng kaharian; nguni't sa loob ng kaunting araw ay mapapahamak, na hindi sa kagalitan, o sa pagbabaka man.
21 Lilitaw na kapalit niya ang isang hamak na tao, taong hindi pinararangalan ng mga tao ng pangharing parangal; tahimik siyang papasok at kukunin niya ang kaharian dahil sa hindi tapat na papuri.
At kahalili niya na tatayo ang isang hamak na tao, na hindi nila pinagbigyan ng karangalan ng kaharian: nguni't siya'y darating sa panahong katiwasayan, at magtatamo ng kaharian sa pamamagitan ng mga daya.
22 Isang malaking hukbo ang matatangay tulad ng isang baha sa kaniyang harapan. Mawawasak ang hukbong iyon at ang pinunong itinatag ng tipan.
At sa pamamagitan ng pulutong na huhugos ay mapapalis sila sa harap niya, at mabubuwal; oo, pati ng prinsipe ng tipan.
23 Mula sa oras ng pakikipagkasundo sa kaniya, kikilos siya nang may pandaraya; at sa kaunting bilang ng mga tao ay magiging malakas siya.
At pagkatapos ng pakikipagkasundo sa kaniya, siya'y gagawang may karayaan; sapagka't siya'y sasampa, at magiging matibay, na kasama ng isang munting bayan.
24 Pupunta siya sa mga pinakamayayamang lalawigan nang walang pasabi at gagawin niya ang mga bagay na hindi man lamang ginawa ng kaniyang ama ni ginawa ng ama ng kaniyang ama— na ikakalat sa kaniyang mga tagasunod ang mga nasamsam, ang mga ninakaw at ang kayamanan. Balak niyang alisin ang pinagtibay na tanggulan, ngunit sa sandaling panahon lamang.
Sa panahon ng katiwasayan darating siya hanggang sa mga pinakamainam na dako ng lalawigan; at kaniyang gagawin ang hindi ginawa ng kaniyang mga magulang, o ng mga magulang ng kaniyang mga magulang; siya'y magbabahagi sa kanila ng huli, at samsam, at kayamanan: oo, siya'y hahaka ng kaniyang mga haka laban sa mga kuta, hanggang sa takdang panahon.
25 Palalakasin niya ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang tapang laban sa hari ng Timog taglay ang isang malaking hukbo. Magsisimula ng digmaan ang hari ng Timog kasama ang makapangyarihang hukbo, ngunit hindi siya makakatayo dahil sa dami ng banta laban sa kaniya.
At kaniyang kikilusin ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang tapang laban sa hari sa timugan na may malaking hukbo; at ang hari sa timugan ay makikipagdigma sa pakikipagbaka na may totoong malaki at makapangyarihang hukbo; nguni't hindi siya tatayo, sapagka't sila'y magsisihaka ng mga panukala laban sa kaniya.
26 Maging ang mga kasama ng haring kumakain sa hapag-kainan ay susubukan siyang wasakin. Tatangayin ng agos ang kaniyang mga hukbo tulad ng baha at marami sa kanila ang papatayin.
Oo, silang nagsisikain ng kaniyang masarap na pagkain ay siyang magpapahamak sa kaniya, at ang kaniyang hukbo ay mapapalis; at marami ay mabubuwal na patay.
27 Ang dalawang haring ito ay uupo sa parehong hapag-kainan taglay ang kasamaan ng kanilang mga puso laban sa isa't isa, at magsisinungaling sa bawat isa, ngunit walang layunin. Sapagkat darating ang katapusan sa nakatakdang panahon.
At tungkol sa dalawang haring ito, ang kanilang mga puso ay magtataglay ng kasamaan, at sila'y mangagsasalita ng mga kabulaanan sa isang dulang: nguni't hindi giginhawa; sapagka't ang wakas ay magiging sa panahong takda pa.
28 At babalik ang hari ng Hilaga sa kaniyang lupain na may maraming kayamanan, ngunit lalabag ang kaniyang puso laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kaniyang ninanais at babalik siya sa kaniyang sariling lupain.
Kung magkagayo'y babalik siya sa kaniyang lupain na may malaking kayamanan; at ang kaniyang puso ay magiging laban sa banal na tipan; at siya'y gagawa ng kaniyang maibigan, at babalik sa kaniyang sariling lupain.
29 Sa nakatakdang panahon, babalik siya at sasakuping muli ang Timog. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ito magiging tulad ng dati.
Sa takdang panahon ay babalik siya, at papasok sa timugan; nguni't hindi magiging gaya ng una ang huli.
30 Sapagkat darating ang mga barko ng Kitim laban sa kaniya at mawawalan siya ng pag-asa at babalik. Sisiklab ang galit niya laban sa banal na tipan at masisiyahan siya sa mga taong sumasalungat sa banal na tipan.
Sapagka't mga sasakyan sa Chittim ay magsisiparoon laban sa kaniya; kaya't siya'y mahahapis, at babalik, at magtataglay ng galit laban sa banal na tipan, at gagawa ng kaniyang maibigan: siya nga'y babalik, at lilingapin yaong nangagpabaya ng banal na tipan.
31 Lilitaw ang kaniyang mga hukbo at lalapastanganin ang santuwaryo at ang kutang tanggulan; kukunin nila ang mga karaniwang handog na susunugin at magsisimula sila ng pagkasuklam na magiging sanhi ng ganap na pagkawasak.
At mga pulutong ay magsisitayo sa kaniyang bahagi, at kanilang lalapastanganin ang santuario, sa makatuwid baga'y ang kuta, at aalisin ang palaging handog na susunugin, at kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam na naninira.
32 Lilinlangin ang mga lumabag sa tipan at aakitin sila, ngunit ang mga taong nakakakilala sa kanilang Diyos ay magiging malakas at kikilos.
At ang gayon na gumagawa na may kasamaan laban sa tipan, ay mahihikayat niya sa pamamagitan ng mga daya; nguni't ang bayan na nakakakilala ng kanilang dios ay magiging matibay, at gagawa ng kabayanihan.
33 Magbibigay nang pang-unawa sa marami ang mga matatalinong tao. Ngunit sa loob ng ilang araw ay mamamatay sila sa espada at sa apoy, bibihagin sila bilang mga bilanggo at nanakawin ang kanilang mga pag-aari.
At silang marunong sa bayan ay magtuturo sa marami; gayon ma'y mangabubuwal sila sa pamamagitan ng tabak at ng liyab, ng pagkabihag at ng samsam, na maraming araw.
34 Kapag natisod sila, makatatanggap sila ng kaunting tulong at marami ang sasama sa kanila na walang isang salita.
Pagka nga sila'y mangabubuwal, sila'y tutulungan ng kaunting tulong; nguni't marami ay magsisipisan sa kanila na may mga daya.
35 Ang ilan sa mga matatalino ay matitisod upang maging dalisay, malinis at malinang hanggang sa panahon ng katapusan. Sapagkat ang nakatakdang panahon ay paparating pa lamang.
At ang ilan sa kanila na pantas ay mangabubuwal, upang dalisayin sila, at linisin, at paputiin, hanggang sa panahon ng kawakasan; sapagka't ukol sa panahon pang takda.
36 Gagawin ng hari ang lahat ng kaniyang ninanais. Itataas niya at palalakihin ang kaniyang sarili sa ibabaw ng bawat diyus-diyosan, at magsasalita ng mga bagay na kagulat-gulat laban sa Diyos ng mga diyos. Magtatagumpay siya hanggang sa maganap ang poot. Sapagkat matutupad ang ipinasyang magaganap.
At ang hari ay gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban; at siya'y magmamalaki, at magpapakataas ng higit kay sa bawa't dios, at magsasalita ng mga kagilagilalas na bagay laban sa Dios ng mga dios; at siya'y giginhawa hanggang sa ang galit ay maganap; sapagka't ang ipinasiya ay gagawin.
37 Hindi niya isasaalang-alang ang mga diyos ng kaniyang mga ninuno, ang diyos na ninanais ng mga kababaihan, o iba pang mga diyos. Magmamataas siya at aangkining mas mataas siya sa kanilang lahat.
Wawaling bahala niya ang mga dios ng kaniyang mga magulang, o ang nasa man sa mga babae, o pakukundanganan man ang sinomang dios; sapagka't siya'y magmamalaki sa lahat.
38 Sa halip na sila, sasambahin niya ang diyos ng mga tanggulan. Paparangalan niya ng ginto at pilak ang isang diyos na hindi kilala, kasama ang mga mahahalagang bato at mamahaling handog.
Kundi bilang kahalili ay pararangalan niya ang dios ng mga katibayan; at isang dios na hindi nakilala ng kaniyang mga magulang ay kaniyang pararangalan ng ginto, at pilak, at ng mga mahalagang bato at ng mga maligayang bagay.
39 Sasalakayin niya ang mga pinakamalalakas na tanggulan sa tulong ng mga taong kabilang sa isang hindi kilalang diyos. Pararangalan niya ang mga humahanga sa kaniya. Gagawin niya silang mga pinuno ng maraming tao at hahatiin niya ang lupain na may kabayaran.
At siya'y magbabagsak ng mga matibay na kuta sa tulong ng ibang dios; sinomang kumilala sa kaniya, mananagana sa kaluwalhatian; at pagpupunuin niya sila sa marami, at kaniyang babahagihin ang lupa sa halaga.
40 Sa mga huling panahon, sasalakay ang hari ng Timog. Mabilis na sasalakay sa kaniya ang hari ng Hilaga na tulad ng isang bagyo na may kasamang mga karwahe at mga mangangabayo at maraming barko. Sasakupin niya ang maraming bansa at tatangayin niya sila tulad ng isang baha.
At sa panahon ng kawakasan ay makikipagkaalit sa kaniya ang hari sa timugan; at ang hari sa hilagaan ay paroroon laban sa kaniya na gaya ng isang ipoipo, na may mga karo, at may mga mangangabayo, at may maraming sasakyan; at kaniyang papasukin ang mga lupain, at aabot at lalagpas.
41 Darating siya sa maluwalhating lupain, at sampung libong Israelita ang matitisod at babagsak, ngunit maraming taga-Edom at Moab at mga natitirang tao ng Amon ang makakatakas mula sa kaniyang kamay.
Siya'y papasok din naman sa maluwalhating lupain, at maraming lupain ay mababagsak; nguni't ang mga ito ay mangaliligtas mula sa kaniyang kamay: ang Edom, at ang Moab, at ang puno ng mga anak ni Ammon.
42 Palalawakin niya ang kaniyang kapangyarihan sa maraming bansa; hindi makakatakas ang lupain ng Egipto.
Kaniyang iuunat din naman ang kaniyang kamay sa mga lupain; at ang lupain ng Egipto ay hindi makatatakas.
43 Magkakaroon siya ng kapangyarihan sa lahat ng mga ginto at pilak, at sa lahat ng kayamanan ng Egipto; paglilingkuran siya ng mga taga-Libya at Etiopia.
Nguni't siya'y magtataglay ng kapangyarihan sa mga kayamanang ginto at pilak, at sa lahat na mahalagang bagay sa Egipto; at ang mga taga Libia at ang mga taga Etiopia ay susunod sa kaniyang mga hakbang.
44 Ngunit mangangamba siya sa mga ulat mula sa silangan at hilaga at lalabas siya nang may napakatinding galit upang ibukod ang karamihan para sa pagkawasak.
Nguni't mga balita na mula sa silanganan at mula sa hilagaan ay babagabag sa kaniya; at siya'y lalabas na may malaking kapusukan upang gumiba at lumipol sa marami.
45 Itatayo niya ang mga tolda ng kaniyang palasyo sa pagitan ng mga karagatan, at sa magandang banal na bundok. Darating siya sa kaniyang katapusan at walang sinumang tutulong sa kaniya.
At kaniyang itatayo ang mga tolda ng kaniyang palasio sa pagitan ng dagat at ng maluwalhating banal na bundok; gayon ma'y darating siya sa kaniyang wakas, at walang tutulong sa kaniya.

< Daniel 11 >