< Mangangaral 6 >
1 May kasamaan na nakita ako sa ilalim ng araw, at mabigat sa mga tao:
2 Ang tao na binibigyan ng Dios ng mga kayamanan, pag-aari, at karangalan, na anopa't walang kulang sa kaniyang kaluluwa sa lahat niyang ninanasa, gayon ma'y hindi binibigyan siya ng Dios ng kapangyarihan na kumain niyaon, kundi iba ang kumakain niyaon; ito'y walang kabuluhan, at masamang sakit.
3 Kung ang isang tao ay magkaanak ng isang daan, at mabuhay na maraming taon, na anopa't ang mga kaarawan ng kaniyang mga taon ay dumami, nguni't ang kaniyang kaluluwa ay hindi mabusog ng mabuti, at bukod dito ay wala siyang pangpalibing; aking sinasabing maigi ang isang naagas kay sa kaniya:
4 Sapagka't dumarating na walang kabuluhan, at yumayaon sa kadiliman, at ang pangalan niyaon ay natatakpan ng kadiliman;
5 Bukod dito ay hindi nakita ang araw o nakilala man; ito'y may kapahingahang maigi kay sa isa;
6 Oo, bagaman siya'y mabuhay na isang libong taon na makalawang masaysay, at hindi man nagalak na mabuti: hindi ba nagsisiyaon ang lahat sa iisang dako?
7 Lahat ng gawa ng tao ay para sa kaniyang bibig, at gayon ma'y ang panglasa ay hindi nasisiyahan.
8 Sapagka't anong pakinabang mayroon ang pantas na higit sa mangmang? o anong pakinabang mayroon ang dukha na maalam lumakad sa harap ng mga buhay?
9 Maigi ang paningin ng mga mata kay sa pagdidilidili; ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
10 Anomang nangyari, ang pangalan niyaon ay natawag nang malaon, at kilala na siya'y tao: ni hindi maaaring makipagtalo siya sa lalong makapangyarihan kay sa kaniya.
11 Yamang maraming bagay na nangagdaragdag ng walang kabuluhan, ano ang lalong ikinaigi ng tao?
12 Sapagka't sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao sa kaniyang buhay, lahat ng mga kaarawan ng kaniyang walang kabuluhang buhay na kaniyang ginugol na gaya ng anino? sapagka't sinong makapagsasaysay sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?