< Mga Gawa 25 >
1 Nang makapasok na nga si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw ay umahon sa Jerusalem mula sa Cesarea.
2 At ang mga pangulong saserdote at ang mga maginoo sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo; at siya'y kanilang pinamanhikan,
3 Na humihingi ng lingap laban sa kaniya, na siya'y ipahatid sa Jerusalem; na binabakayan upang siya'y mapatay sa daan.
4 Gayon ma'y sumagot si Festo, na si Pablo ay tinatanuran sa Cesarea, at siya'y paroroon sa lalong madaling panahon.
5 Kaya nga, sinabi niya, ang mga may kapangyarihan sa inyo ay magsisamang lumusong sa akin, at kung may anomang pagkakasala ang taong ito, ay isakdal siya nila.
6 At nang siya'y makatira na sa kanila na hihigit sa walo o sangpung araw, ay lumusong siya sa Cesarea: at nang kinabukasa'y lumuklok siya sa hukuman, at ipinaharap sa kaniya si Pablo.
7 At nang siya'y dumating, ay niligid siya ng mga Judio na nagsilusong na galing sa Jerusalem, na may dalang marami at mabibigat na sakdal laban sa kaniya, na pawang hindi nila mapatunayan;
8 Samantalang sinasabi ni Pablo sa kaniyang pagsasanggalang, Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar, ay hindi ako nagkakasala ng anoman.
9 Datapuwa't si Festo, sa pagkaibig na siya'y kalugdan ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo, at nagsabi, Ibig mo bagang umahon sa Jerusalem, at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?
10 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar, na doon ako dapat hatulan: wala akong ginawang anomang kasamaan sa mga Judio, gaya rin naman ng pagkatalastas mong mabuti.
11 Kung ako nga'y isang makasalanan, at nakagawa ng anomang bagay na marapat sa kamatayan, ay hindi ako tumatangging mamatay; datapuwa't kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal ng mga ito laban sa akin, ay hindi ako maibibigay ninoman sa kanila. Maghahabol ako kay Cesar.
12 Nang magkagayon si Festo, nang makapagpanayam na sa Sanedrin, ay sumagot, Naghabol ka kay Cesar; kay Cesar ka paparoon.
13 Nang makaraan nga ang ilang mga araw, si Agripa na hari at si Bernice ay nangagsidating sa Cesarea, at nagsibati kay Festo.
14 At nang sila'y magsitira roong maraming araw, ay isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, May isang taong bilanggo na iniwan ni Felix:
15 Tungkol sa kaniya nang ako'y nasa Jerusalem, ang mga pangulong saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa akin, na hinihinging ako'y humatol laban sa kaniya.
16 Sa kanila'y aking isinagot, na hindi kaugalian ng mga taga Roma na ibigay ang sinomang tao, hanggang hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsisipagsakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kaniyang pagsasanggalang tungkol sa sakdal laban sa kaniya.
17 Nang sila nga'y mangagkatipon dito, ay hindi ako nagpaliban, kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman, at ipinaharap ko ang tao.
18 Tungkol sa kaniya, nang magsitindig ang mga nagsisipagsakdal, ay walang anomang sakdal na masamang bagay na maiharap sila na gaya ng aking sinapantaha;
19 Kundi may ilang mga suliranin laban sa kaniya tungkol sa kanilang sariling relihion, at sa isang Jesus, na namatay, na pinatutunayan ni Pablo na ito'y buhay.
20 At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa kung paano kayang mapagsisiyasat ang mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan tungkol sa mga bagay na ito.
21 Datapuwa't nang makapaghabol na si Pablo na siya'y ingatan upang hatulan ng emperador, ay ipinagutos kong ingatan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar.
22 At sinabi ni Agripa kay Festo, Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao. Bukas, sinasabi niya, siya'y mapapakinggan mo.
23 Kaya't nang kinabukasan, nang dumating si Agripa, at si Bernice, na may malaking karilagan, at nang mangakapasok na sila sa hukuman na kasama ang mga pangulong kapitan at ang mga maginoo sa bayan, sa utos ni Festo ay ipinasok si Pablo.
24 At sinabi ni Festo, Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nangariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito, na tungkol sa kaniya'y nagsasakdal sa akin sa Jerusalem at dito naman ang buong karamihan ng mga Judio, na nangagsisigawang hindi marapat na siya'y mabuhay pa.
25 Datapuwa't aking nasumpungang siya'y walang anomang ginawang marapat sa kamatayan: at sapagka't siya rin ay naghabol sa emperador ay ipinasiya kong siya'y ipadala.
26 Tungkol sa kaniya'y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, haring Agripa, upang, pagkatapos ng pagsisiyasat, ay magkaroon ng sukat na maisulat.
27 Sapagka't inaakala kong di katuwiran, na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi magpahiwatig naman ng mga sakdal laban sa kaniya.