< 2 Mga Hari 24 >

1 Nang kaniyang mga kaarawan ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at si Joacim ay naging kaniyang alipin na tatlong taon: nang magkagayo'y bumalik siya at nanghimagsik laban sa kaniya.
Sa panahon ng paghahari ni Jehoiakim, nilusob ni Nebucadnezar hari ng Babilonia ang Juda; naging lingkod niya si Jehoiakim sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos nagtaksil si Jehoiakim at naghimagsik laban kay Nebucadnezar.
2 At ang Panginoon ay nagsugo laban sa kaniya ng mga pulutong ng mga Caldeo, at ng mga pulutong ng mga taga Siria, at ng mga pulutong ng mga Moabita, at ng mga pulutong ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta.
Nagpadala si Yahweh laban kay Jehoiakim ng mga pangkat ng mga Caldean, Aramean, Moabita, at Ammonita; ipinadala niya sila laban sa Juda para wasakin ito. Ito ay naaayon sa salita ni Yahweh na sinabi sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta.
3 Tunay na sa utos ng Panginoon ay dumating ito sa Juda, upang alisin sila sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa.
Tiyak na nangyari ito sa Juda sa utos ni Yahweh, para alisin sila mula sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, lahat ng kaniyang mga ginawa,
4 At dahil naman sa walang salang dugo na kaniyang ibinubo; sapagka't kaniyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo: at hindi pinatawad ng Panginoon.
at dahil din sa mga inosenteng dugo na kaniyang pinadanak, dahil pinuno niya ang Jerusalem ng inosenteng dugo. Hindi mapapatawad ni Yahweh ang mga iyon.
5 Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda.
Sa ibang mga bagay patungkol kay Johoiakim, at lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda?
6 Sa gayo'y natulog si Joacim na kasama ng kaniyang mga magulang: at si Joachin na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
Humimlay si Johoiakim kasama ng kaniyang mga ninuno, at ang kaniyang anak na si Jehoiakin ang naging hari kapalit niya.
7 At ang hari sa Egipto ay hindi na bumalik pa mula sa kaniyang lupain: sapagka't sinakop ng hari ng Babilonia, mula sa batis ng Egipto hanggang sa ilog Eufrates, lahat na nauukol sa hari sa Egipto.
Hindi na muling sumalakay ang hari ng Ehipto sa labas ng kaniyang lupain, dahil sinakop na ng hari ng Babilonia ang lahat ng mga lupain na hawak ng hari ng Ehipto, mula sa batis ng Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates.
8 Si Joachin ay may labing walong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem na tatlong buwan: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Neusta na anak na babae ni Elnathan na taga Jerusalem.
Si Johoiakin ay labing walong taong gulang nang nagsimula siyang maghari; naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Nehusta. Siya ay ang anak na babae ni Elnatan ng Jerusalem.
9 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang ama.
Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh - ginawa niya lahat ng nagawa ng kaniyang ama.
10 Nang panahong yao'y ang mga lingkod ni Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang bayan ay nakubkob.
Nang panahong iyon sinalakay ng hukbo ni Nebucadnezar hari ng Babilonia ang Jerusalem at pinaligiran ang lungsod.
11 At si Nabucodonosor, na hari sa Babilonia ay naparoon sa bayan, samantalang ang kaniyang mga lingkod ay nangakukulong.
Dumating sa lungsod si Nebucadnezar hari ng Babilonia habang pinaliligiran ito ng kaniyang mga kawal,
12 At nilabas ni Joachin na hari sa Juda ang hari sa Babilonia, niya, at ng kaniyang ina, at ng kaniyang mga lingkod, at ng kaniyang mga prinsipe, at ng kaniyang mga pinuno: at kinuha siya ng hari ng Babilonia sa ikawalong taon ng kaniyang paghahari.
at si Jehoiakin ang hari ng Juda ay lumabas patungo sa hari ng Babilonia, siya, ang kaniyang ina, mga lingkod, prinsipe, at opisyal. Binihag siya ng hari ng Babilonia sa ika-walong taon ng kaniyang paghahari.
13 At dinala niya mula roon ang lahat na kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at pinagputolputol ang lahat na kasangkapang ginto na ginawa ng haring Salomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Kinuha mula roon ni Nebucadnezar ang lahat ng mga mahahalagang bagay sa tahanan ni Yahweh, at ang mga nasa palasyo ng hari. Pinira-piraso niya ang lahat ng mga gintong bagay na ginawa ni Solomon hari ng Israel sa templo ni Yahweh, gaya ng sinabi ni Yahweh na mangyayari.
14 At kaniyang dinala ang buong Jerusalem, at ang lahat na prinsipe, at ang lahat na makapangyarihang lalake na may tapang, sa makatuwid baga'y sangpung libong bihag, at ang lahat na manggagawa at mangbabakal; walang nalabi liban sa mga pinakadukha sa bayan ng lupain.
Dinala niyang bihag ang lahat ng Jerusalem, mga pinuno at mga mandirigma, sampung libong mga bihag, at lahat ng mga mahuhusay na manggagawa at mga panday. Walang naiwan kung hindi ang mga pinakamahihirap na mga tao sa lupain.
15 At dinala niya si Joachin sa Babilonia; at ang ina ng hari, at ang mga asawa ng hari, at ang kaniyang mga pinuno, at ang mga pinakamahal sa lupain, ay dinala niya sa pagkabihag sa Babilonia mula sa Jerusalem.
Itinapon ni Nebucadnezar si Jehoiakin sa Babilonia, pati na ang ina ng hari, mga asawa, opisyal, at ang pangunahing mga lalaki ng lupain. Ipinatapon niya sila sa Babilonia mula sa Jerusalem.
16 At ang lahat na makapangyarihang lalake na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga mangbabakal na isang libo, lahat na sa kanila ay malakas at matalino sa pakikipagdigma, ay pinagdadalang bihag sa Babilonia ng hari.
Lahat ng mga kawal, pitong libo ang bilang, at isang libong mahuhusay na mangagawa at mga panday, lahat sa kanila may kakayahang lumaban - itinapon ng hari ng Babilonia ang mga lalaking ito sa Babilonia.
17 At ginawa ng hari sa Babilonia na hari si Matanias na kapatid ng ama ni Joachin na kahalili niya, at binago ang kaniyang pangalan ng Sedecias.
Ginawa ng hari ng Babilonia si Matanias, ang kapatid na lalaki ng ama ni Jehoiakin, na hari kapalit niya, at pinalitan sa Zedekias ang kaniyang pangalan.
18 Si Sedecias ay may dalawangpu't isang taon nang magpasimulang maghari, at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Amutal na anak ni Jeremias na taga Libna.
Si Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang nagsimula siyang maghari; naghari siya nang labing isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal; siya ay anak ni Jeremias na taga-Libna.
19 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joachin.
Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh - ginawa niya ang lahat ng bagay na nagawa ni Jehoiakim.
20 Sapagka't sa pamamagitan ng galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang itinaboy sila sa kaniyang harap: at si Sedecias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia.
Dahil sa galit ni Yahweh, nangyari sa Jerusalem at Juda ang lahat ng mga kaganapang ito, hanggang sa mapalayas niya sila mula sa kaniyang presensya. Pagkatapos naghimagsik si Zedekias laban sa hari ng Babilonia.

< 2 Mga Hari 24 >